Ang yamang kaloob sa atin, pagyamanin natin!

image

Nitong linggo lang, kumalat ang litrato ng isang traffic enforcer sa social media: Gamit ang kanyang motor, nakuhanan siya ng litratong naglalako siya ng kakanin sa mga motorista sa EDSA. Nang ipatawag siya ng chairman ng MMDA, nanginginig siya sa takot dahil baka mapagalitan siya. Pero mangiyak-ngiyak siya nang malamang kaya pala siya pinatawag ay para papurihan siya sa pagsusumikap niyang maitaguyod ang kanyang pamilya sa marangal na paraan: Nagtitinda lang siya ng kakanin kapag day off niya at hindi kapag naka-duty siya.

Ang kakanin ay niluluto ng kanyang asawa at inilalako naman niya upang matustusan ang pag-aaral ng kanilang mga anak. Sa loob ng dalawang dekada, walang dungis ang kanyang paglilingkod bilang isang traffic enforcer. At kahit mahirap lang sila, gusto niyang kumita sa marangal na paraan dahil ayaw niyang mapahiya sa kanyang mga anak.

Sa kuwentong ito, masasalamin ang Ebanghelyo natin ngayong Linggo. Sa pamamagitan ng pagsusumikap at pagiging malikhain, na-doble ng aliping nakatanggap ng limang libo ang halagang iniwan sa kanya. Ganundin ang nangyari sa ikalawa na tumanggap ng dalawang libo. Tumubo siya ng dalawang libo pa.

Ngunit iba ang nangyari sa ikatlo. Dahil sa kanyang “takot” sa amo, ibinaon niya lamang ang halagang natanggap dahil ayaw niyang mawala ito. Hindi ito ikinatuwa ng kanyang amo. Kung sabagay, matagal nga naman siyang nawala. Kung natakot ang alipin sa kanya, disin sana’y idineposito niya na lamang sa bangko ang halaga, kahit papaano’y tumubo pa siya.

Mababatid na sa tatlong alipin, ang tumanggap ng kaparusahan ay ang aliping hindi man lang sumubok na gawin ang isang bagay upang mapa-unlad ang kung anong mayroon siya.

Kung susuriin natin ang ating pamumuhay, marahil masasabi nating mahirap nga ang ilan sa ating maituturing. Hindi kagandahan ang ating mga bahay at hindi lang miminsang nagkulang ang budget natin upang tustusan ang ating mga pangangailangan. Pero kung tutuusin, marami pa rin tayong yaman na maituturing: ang matabang lupa sa likod ng bahay natin, ang presensiya ng ating mga anak, ang malusog nating pananampalataya, ang ating kalusugan, at higit sa lahat: ang ating buhay! Kailangan lang nating buksan ang ating mga mata upang makita ang napakaraming pagpapalang pinagkakaloob sa atin ng Panginoon.

Maaaring maging isang hamon para sa atin ang karanasang ito ng aliping iyon.

Noong mga panahong iyon, normal ang pag-babaon ng kayamanan o salapi sa lupa upang maitago ito sa mga tulisan at magnanakaw. Ngayon, marami sa atin ang may katulad na pag-iisip upang maingatan ang isang bagay: itago ito. Ngunit hindi gayun ang ibig ng Diyos para sa atin.

Pinagkalooban tayo ng Diyos ng talino, yaman at katangiang inaasahan niyang ating pagyayamanin. Sa sandaling makaharap natin siyang muli, katulad ng sa parabulang ating narinig, magkakaroon tayo ng pagsusulit kung napagyaman ba natin ang mga katangiang ipinagkaloob niya sa atin.

Sa unang pagbasa, narinig natin ang mga kapuri-puring katangian ng isang may-bahay na hindi lamang nag-aasikaso ng kanyang pamilya, ngunit nagtataguyod din ng mga naghihirap. Sa pamamagitan niya, ang kanyang pamilya ay nagiging isang tanda ng pag-ibig ng Diyos sa mundo.

Sa ikalawang pagbasa, binigyang diin na hindi natin alam ang oras ng pagdating ng isang magnanakaw—o kung mayroon ngang darating. Ang mensahe sa atin ay maging handa. Ito ang pag-uugaling inaasahan sa atin.

Sa Banal na Ebanghelyo, narinig natin ang isang parabula tungkol sa isang among ipinagbilin ang halaga ng salapi sa tatlo niyang alipin. Mapapansing iba’t-iba ang halaga ng salaping ipinagkaloob niya dito: Hindi ito pantay pantay.

Ganunpaman, inaasahan ng may-ari na pagbalik niya, mayroon tayong ginawa para paunlarin ito. Iba-iba man ang talinong ipinagkaloob sa atin, hindi man ito pantay-pantay, sa pamamagitan ng pagsusumikap at tiyaga, inaasahan ng Panginoong mayroong mararating ito.

Kung tutuusin, naging makasarili at mapag-imbot ang taong pinagkalooban ng kakaunting salapi. Inisip niya lang na isauli ang halagang ipinagkaloob sa kanya—walang labis, walang kulang. Kaya wala siyang ginawa. Nakakatakot nga naman kung pumalpak siya, hindi ba?

Ang isang mabuting Katoliko ay hindi lamang dapat mabait para tawaging mabuti. Dapat magaling din siya. Ito ang katangiang pinamalas ng dalawang aliping pinamahalaan ng kayamanan at ng ulirang maybahay sa unang pagbasa.

Napaunlad nila ang halagang ipinagkaloob sa kanila dahil sa kanilang pagpupunyagi. Nag-uunat sila ng buto hindi lamang upang may maipang-tustos sa pamilya, kundi upang makapaglingkod din sa pamayanan.

Hinahamon tayong tularan sila. Ito marahil ang isa sa mga pinakamainam na paghahandang puwede nating isagawa sa pagdating ng Panginoon: Ang kumilos, magpursige upang ang biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos ay patuloy na mamunga.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s