Handa na ba Tayo?

image

Pagninilay sa Unang Linggo ng Adbiyento (B)

Kamakailan, nabalitaan natin ang schedule ng pagbisita ng ating Santo Papa sa bansa.
Darating siya sa ika-15 ng Enero, mag-mimisa siya sa Luneta, kakain kasama ang ilang pamilya sa MOA, at bibisita din siya sa Tacloban upang damayan ang mga kababayan nating nasalanta ng bagyong Yolanda. Lilipad siya palabas ng ating bansa sa ika-19 ng Enero.

Pinaplantsa pa ang ilang detalye ng kanyang pag-bisita. Pero marahil, wala na dito ang atensyon natin. Basta, ang mahalaga, darating ang Santo Papa!

Alam na natin ang eksaktong araw kung kailan darating si Papa Francisco. Ngunit sa Ebanghelyo natin ngayon Linggo (Marcos 13:33-37), pinapa-alalahanan tayo ni Kristong maging handa sapagkat ‘di natin alam kung kailan ang takdang oras ng Kanyang pagdating.

Sa unang pagbasa (Isa 63:16-17.19; 64:2-7), narinig nating ganito din ang karanasan ng mga Israelita. Nang ipinatapon sila sa Babilonya ng mga sumakop sa kanila, napagtanto nilang nagkasala sila ng husto sa Diyos. At dahil dito, inakala nilang iniwan na silang tuluyan ng Panginoon. Nanaghoy sila sa Kanya; inasam-asam nilang muli ang Kanyang presensiya–tulad ng mga sandaling sinamahan Niya sila upang lupigin ang kanilang mga kaaway.

Sa unang pagkakataon sa Lumang Tipan, inari ng mga Israelita ang Diyos bilang isang Ama. At sila’y nagmakaawa sa Kanyang sila’y muling samahan. Hindi nila alam kung kailan sila papakinggan ng Diyos. Pero patuloy silang umasam na balang araw, muli nilang makakasama ang Panginoon.

Mayroong mga pagkakataong naiisip nating sa mga masasamang nangyayari sa ating buhay, ‘para namang walang Diyos.’ At kung mayroon mang Diyos, ‘parang walang Siyang pakialam.’ ‘Hindi nga ba’t kung mayroong Diyos, bakit hindi pa Niya wakasan ang paghihirap ng sangkatauhan?’ ‘Bakit mayroon pang sakit at digmaan?’ ‘Bakit kailangan pang may mamatay?’

Sa ikalawang pagbasa (1 Cor 1:3-9), tiniyak ni San Pablo na “tapat ang Panginoon,” at aalalayan niya ang mga taga-Corinto—hanggang wakas—upang matagpuan silang walang kapintasan sa araw ng ating Panginoong Hesukristo.

Ito rin ang madalas nating sambit sa ating panalangin. Ito rin ang ating inaasam-asam: madatnan nang “walang kapintasan sa araw ng ating Panginoong Hesukristo.”

Panahon ng paghahanda

Ngayong Linggo, sinisimulan natin ang bagong taong liturhiko. Nasa unang Linggo tayo ng Adbiyento. Ang ‘adbiyento’ ay hango sa wikang Latin na ang ibig sabihin ay “pagdating.”

Mapapansin ninyong ang kulay ng stola ng pari ay lila. Gayundin ang kulay ng kandilang ating sinindihan. Oo, nagagalak tayong darating ang Panginoon. Ngunit mayroon tayong kailangang gawin bilang paghahanda Ito ang tema ng ating liturhiya ngayong Linggo. Maghahanda tayo dahil inaasam-asam natin ang Kanyang pagdating.

Nitong nagdaang Sabado, may tatlong batang kalyeng napadpad sa ating parokya. Marumi sila, walang saplot, at nagugutom. Mayroon daw silang mga pamilya pero mas pinili nilang mag-palaboy. Ang mga bata ay nakatagpo ng pag-aaruga sa mga katekista: binigyan sila ng mga kamiseta, pinakain, ginamot ang sugat. Nakatikim sila ng kalinga ng isang pamilya.

Hindi nga ba’t noong nakaraang Linggo lang nang narinig nating sinabi ni Kristo na Kung ano ang ginawa mo sa pinaka-aba, ay siya rin mong ginawa sa Akin?”

Buksan natin ang ating mga mata, at patuloy na mag-bantay. Darating ang Panginoon at kailangan natin itng paghandaan. Ngunit sa mga sandaling may nangailangan sa ating mga kapatid, masasalamin natin si Kristo sa kanila. Dumarating na Siya … Nandito na Siya!

At kapag dumating ang panahong tumugon tayo sa panawagang tumulong sa iba, umunawa at magpatawad sa mga taong nakasakit saa ating damdamin, magmahal sa mga taong pakiwari nati’y hindi tugmang mahalin,  pwede nating sabihing handa na tayo para makaharap Siya.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s