Tapat ang Diyos sa Kanyang Pangako

Ika-4 na Linggo ng Adbiyento, ika-6 na Araw ng Simbang Gabi —Taon B
Ika-21 ng Disyembre 2014

Ilang araw na lang ay Pasko na. Kung hindi natin ito pansin, ang kabi-kabilang mensahe ng ating mga pulitikong bumabati sa atin ng ‘Maligayang Pasko’ ang magpapa-alala sa atin. Pero minsan, dahil sa laki ng mukha nila sa mga tarpaulins, napapaisip tayong parang aksidente lang ang paglalagay ng maliit na pagbati ng “Maligayang Pasko.”

Pero kadalasan, hindi maganda ang karanasan natin sa mga pangakong hatid ng eleksyon. At marahil, lahat tayo’y may karanasang katulad nito: mga pangakong napako, naghintay sa wala, at masaklap na karanasang kumapit sa sumpang hindi naman pala dapat asahan.

Ngunit alam nating iba ang pangakong hatid ng Pasko. Ang dulot nito’y pag-asa, pananalig at pag-ibig.

Sa liturhiya natin ngayong ika-apat at huling Linggo ng Adbiyento, inaanyayahan tayong lingunin muli ang nakaraan upang makita ang katibayan ng Salita at katuparan ng pangako ng Panginoon.

Sa unang pagbasa  (2 Sam 7:1-5.8-12.14.16), naisip ni Haring David na magtayo ng isang templo para sa Panginoon. Sa pagmamagandang-loob niyang ito, ang Diyos mismo ang nangako sa kanyang hindi lang dadami at mananatili ang kanyang lahi, higit pa dito, dadakilain ang kanyang pangalan.

Mababatid na ang kabutihan ni David sa Panginoon ay tinumbasan ng katangi-tanging pabuya.

Totoo na hindi natin madadaig ang Diyos sa Kanyang kabutihan. Ang baryang ating ipinagkaloob ay tutumbasan Niya ng halagang  hinding hindi matatawaran.

Sa Ikalawang Pagbasa (Ro 16:25-27), isiniwalat ni San Pablo na ang Mabuting Balita ay tulad ng isang “hiwaga na nalihim sa loob ng mahabang panahon.” Hindi ito ‘ano’ kung hindi ‘sino’—Ang Panginoong Hesukristo—Ang kaganapan ng pangako ng Ama!

Ang inihayag at ipinangaral ng mga propeta tungkol sa pagmamahal at katapatan ng Diyos ay nakasumpong ng kaganapan sa pagdating ni Hesus—ngunit tandaan nating hindi lamang Siya dumarating, bagkus, sumasa-atin Siyang palagi!

Sa Linggong ito, ipinakikilala ng ating Ebanghelyo (Lu 1:26-38) ang isa sa pinakamahalagang katauhan sa kuwento ng Pasko: si Maria.

Inilarawan siya bilang isang dalagang malapit nang ikasal. Napaka-ordinaryo. Ngunit nang marinig niya ang balita ng anghel sa kanya. Sobrang kakaiba! katangi-tangi ang ipinakita niyang pananampalataya. Naniwala siya sa sinabi ng sugo ng Diyos: “Sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos.”

At sa paanyayang ito, ang tugon ni Maria: “Maganap sa akin ayon sa wika Mo.”

Ruler na lang daw ang ‘straight,’ at tanghali na lang daw ang ‘tapat,’ sabi ng isang patutsada.

Pero batid ni Mariang matuwid na panghawakan ang Salita ng Diyos, hindi dahil sa makapangyarihan Siya bagkus, dahil tapat Siya sa kanyang pangako. ‘Yan ang pananampalataya ni Maria. Hindi niya alam ang mga susunod na magaganap sa kanyang buhay. Pero, sapat nang malaman niyang kapiling niya ang Diyos.

Idinaos ang isang Bible sharing sa isang barung-barong ng isang lola. Mag-isa lang siyang nakatira dito dahil hindi naman siya nakapag-asawa. Ang inampon niyang bata ay bumukod na dahil may pamilya na rin ito. Nang siya na ang nagbabahagi, kahanga-hangang marinig sa kanya  ang lubos na pagpapasalamat sa napakaraming biyayang natamo niya mula sa Panginoon.

Hindi niya batid ang kahirapan ng buhay, ang posibilidad ng pagkakasakit, ang panganib na dulot ng pamumuhay ng mag-isa para sa isang matandang katulad niya. Pero, katulad ni Maria, may pananampalataya siya sa Diyos, at marahil ito lamang ang mahalaga.

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s