Month: December 2014

Ang Diyos ay Butihin!

Isang pagninilay sa ika-8 Araw ng Simbang Gabi
Ika-23 ng Disyembre 2014

st-john-the-baptist-in-the-wilderness.jpg!Blog

Ang batang si San Juan Bautista sa Ilang. Joshua Reynolds, 1776.

Dalawang araw bago natin ipagdiwang ang kapanganakan ng ating Panginoon, nakatuon ang pansin ng ating liturhiya, ngayong ika-8 araw ng Simbang Gabi sa isang bagong silang na sanggol.

Sa Ebanghelyo ngayong araw (Lu 1:57-66), ipakikilala ang sanggol sa pangalang Juan. Ang kahulugan nito: Ang Diyos ay butihin.

Kung susuriin, ang kahulugan ng kanyang pangalan ay siya ring magiging katuparan ng kanyang buong buhay—at maging ng kanyang kamatayan.

Isinugo siya bilang ihanda ang daraanan ng Panginoon. Sa kanyang kababaang loob, masasambit niyang hindi siya karapat-dapat na magtanggal ng sintas ng sandalyas ng Panginoon. Ngunit si Hesus na rin ang nagparangal sa kanyang wala nang ibang tao pa sa kasaysayan ng mundo ang makahihigit kay Juan Bautista.

Sabi sa ng isang patutsada sa Facebook “Nagsabog ang Diyos ng cooperation. Wala ka man lang nasalo.” Pero iba ang hulma ni Juan. Ang pag-iral ng kanyang buong buhay ay nakasentro lamang sa pakikipagtulungan sa Diyos sa paghahanda ng daraanan ng Panginoon.

Ang tatay niya, si Zacarias, ay medyo naging pasaway noong una. Hindi siya naniwala na magkakaroon pa siya ng anak. Pero hindi natin siya masisisi. Sa katandaan niya, hindi na ‘ata nararapat pang maniwala sa isang buhay na may ‘happy ending.’ At marahil, ang konsepto niya ng ‘happy ending’ ay ang pagkakaroon ng supling na magdadala ng pangalan niya. Ngunit, ang Diyos ay butihin.

Katulad nang nakaugalian, nang sumapit ang ika-8 araw, tinuli ang sanggol. Bahagi ng seremonyang ito ang pagbibigay ng pangalan sa bata. Madami sa kanilang kamag-anak at kapitbahay ang dumating upang masaksihan ito. Hindi sila makapaniwala nang malaman nilang Juan ang gustong ipangalan ng ina sa bata. Hinudyatan nila si Zacarias, at sila’y naguluhan nang malamang ito rin ang nais niyang ipangalan sa bata.

 Namangha silang lahat lalo na nang makapagsalitang muli si Zacarias.

Ngunit ang tanong ng lahat, “Magiging ano nga kaya ang batang ito?”

Ang napiling manguna upang ihayag ang pagdating ng Panginoon ay isa ring kontrobersyal na pigura bago pa man siya isilang. Nagbabadyang ganito rin ang kahihinatnan ng Panginoong ipinaghanda niya ng daraanan.

Sa biglang tingin, makulay ang pasko, oo. Nagbibigay ito ng galak, pinagmumulan ng tuwa, nagdudulot ng ligaya. Pero isang aspeto lang ito ng pagdating ng Panginoon.

Isang araw pagkatapos ang pagdiriwang ng kapaskuhan, may isang masugid Niyang tagasunod ang mag-aalay ng buhay (San Steban, 26 Dis), kasama na rin ang napakadaming batang binawian ng buhay (Ninos Inocentes, 28 Dis) sa kagustuhan ng ilang makapangyarihan na kit’lin ang Kanyang buhay.

Makulay ang Pasko dahil sa marami nitong sangkap: Ang iba’t ibang pigura ng Paskong nakipagtulungan sa Diyos Ama upang nagbigay ng ilaw sa pagdating ng Kanyang Anak.

Ang Diyos ay butihin, nawa’y tayong patuloy na naghahanda sa pagsalubong ng kanyang pagdating ay maging isang Juan din sa ibang hindi pa nakababatid nito.

Kung may awit ang Diyos para sa atin, ano ang tono nito?

Pagninilay sa Ika-7 Araw ng Simbang Gabi
December 22, 2014

May mga emosyong hindi kayang ibulalas ng simpleng salita lang. ‘Yung iba sa atin, para mas may dating ang gustong sabihin, dinadaan ito sa sulat …  O ‘di kaya, sa mas nakararami sa atin, sa pamamagitan ng awit.

Sa katunayan, ang mapapakinggan natin ngayong ika-7 araw ng Simbang Gabi ay dalawang awit mula sa dalawang inang nag-uumapaw ang kagalakan dahil sa kabutihang ipinamalas sa kanilang ng Panginoon.

Ngunit kailangan nating linawin na ang awit ni Ana—sa salmo—at ang awit ni Maria—sa Ebanghelyo—ay hindi lamang udyok ng pagpapasalamat kapalit ng mga personal na panalanging tinupad ng Panginoon, bagkus, ang mga ito’y nagsilbing isang alingawngaw ng pagpapasalamat ng buong sangkatauhan sa kabutihang hatid ng Diyos mula pa noong una.

Ang kanilang mga himig

Matapos ang paghihintay ng maraming taon upang magka-anak, inihandog ni Ana ang sanggol na si Samuel sa Diyos, ang batang katuparan ng kanyang matagal na panalangin. Sa isang lipunang mababa ang tingin sa mga babaeng hindi magka-anak, ang pagdating ng sanggol sa kanyang buhay ay pag-aangat ng kanyang dignidad.

Sa papuring awit ni Maria, mas kilala sa pamagat na Magnificat, masasalamin ang niloloob ni Maria: Puno ng kababaang loob at ang atensyon ay hindi sa kumakanta, bagkus sa pinag-aalayan nito: ang Panginoon at ang Kanyang kabutihan.

Pero kung umaasa tayong ang Diyos ay nagdudulot lang ng kaginhawahan at wala nang iba pa, baka ibang klaseng diyos ang tinutukoy ninyo, malayo sa pagka-Diyos ni Hesus. Masasalamin sa dalawang awit ang mala-rebolusyong kaakibat ng pagdating ng Panginoon sa ating buhay.

Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
pinangalat niya ang mga palalo ang isipan.
Ibinagsak niya ang mga hari mula sa kanilang trono,
at itinaas ang mga nasa abang kalagayan.

Ang simbolo ng pag-asang darating ay siya mismong magdudulot ng kagulumihanan sa ating buhay. Maliligalig ang mga makapangyarihan at giginhawa ang kalooban ng mga nagdarahop. Mapapahiya ang mayayabang at itataas ang may mabababang loob.

Tama. Si Hesus ay ang tagapagligtas ng naaapi at tagapagtaguyod ng mabababa. Ngunit hindi lamang siya aktibistang nagpapatupad ng reporma dulot ng idelohiya. Ang dala niya ay Mabuting Balitang naghahayag ng kaligtasang manunuot sa bawat hibla ng ating katauhan.

Ang awit ng Diyos

Ang awit ng dalawang inang ito, ay awit din ng Diyos para sa atin. Isang pagpapakilala kung sino nga ba Siyang talaga. Kung anong klaseng Diyos ang nakipaglakbay sa tao noong simula pa ng kasaysayan—ay siya rin mismong Diyos na darating sa pamamagitan ng sanggol na si Hesus. Sa pamamagitan nito, ipinakikilala Niya ang Kanyang kalooban, ipinagbibigay-alam Niya na mahalaga sa Kanya  ang mga mabababa, ang mga naghihirap, yung mga dinudutsa ng lipunan.

Nasa kanila ang puso ng Diyos.

Ang kanilang awit nawa ay magsilbing isang huwaran sa atin kung paano tunay na manalangin. At tayong naglakbay nitong nakaraang apat na linggo ng adbiyento ay mabigyan sila ng pansin.

Ang himig nawa ng dalawang inang narinig natin sa liturhiyang ito ay maging himig din natin, sa paskong darating at sa bawat araw ng ating buhay. Kapag magkakagayon, magkakaroon ng katuparan ang pamaskong himig “at magbuhat ngayon, kahit hindi pasko ay magbigayan.”

Tapat ang Diyos sa Kanyang Pangako

Ika-4 na Linggo ng Adbiyento, ika-6 na Araw ng Simbang Gabi —Taon B
Ika-21 ng Disyembre 2014

Ilang araw na lang ay Pasko na. Kung hindi natin ito pansin, ang kabi-kabilang mensahe ng ating mga pulitikong bumabati sa atin ng ‘Maligayang Pasko’ ang magpapa-alala sa atin. Pero minsan, dahil sa laki ng mukha nila sa mga tarpaulins, napapaisip tayong parang aksidente lang ang paglalagay ng maliit na pagbati ng “Maligayang Pasko.”

Pero kadalasan, hindi maganda ang karanasan natin sa mga pangakong hatid ng eleksyon. At marahil, lahat tayo’y may karanasang katulad nito: mga pangakong napako, naghintay sa wala, at masaklap na karanasang kumapit sa sumpang hindi naman pala dapat asahan.

Ngunit alam nating iba ang pangakong hatid ng Pasko. Ang dulot nito’y pag-asa, pananalig at pag-ibig.

Sa liturhiya natin ngayong ika-apat at huling Linggo ng Adbiyento, inaanyayahan tayong lingunin muli ang nakaraan upang makita ang katibayan ng Salita at katuparan ng pangako ng Panginoon.

Sa unang pagbasa  (2 Sam 7:1-5.8-12.14.16), naisip ni Haring David na magtayo ng isang templo para sa Panginoon. Sa pagmamagandang-loob niyang ito, ang Diyos mismo ang nangako sa kanyang hindi lang dadami at mananatili ang kanyang lahi, higit pa dito, dadakilain ang kanyang pangalan.

Mababatid na ang kabutihan ni David sa Panginoon ay tinumbasan ng katangi-tanging pabuya.

Totoo na hindi natin madadaig ang Diyos sa Kanyang kabutihan. Ang baryang ating ipinagkaloob ay tutumbasan Niya ng halagang  hinding hindi matatawaran.

Sa Ikalawang Pagbasa (Ro 16:25-27), isiniwalat ni San Pablo na ang Mabuting Balita ay tulad ng isang “hiwaga na nalihim sa loob ng mahabang panahon.” Hindi ito ‘ano’ kung hindi ‘sino’—Ang Panginoong Hesukristo—Ang kaganapan ng pangako ng Ama!

Ang inihayag at ipinangaral ng mga propeta tungkol sa pagmamahal at katapatan ng Diyos ay nakasumpong ng kaganapan sa pagdating ni Hesus—ngunit tandaan nating hindi lamang Siya dumarating, bagkus, sumasa-atin Siyang palagi!

Sa Linggong ito, ipinakikilala ng ating Ebanghelyo (Lu 1:26-38) ang isa sa pinakamahalagang katauhan sa kuwento ng Pasko: si Maria.

Inilarawan siya bilang isang dalagang malapit nang ikasal. Napaka-ordinaryo. Ngunit nang marinig niya ang balita ng anghel sa kanya. Sobrang kakaiba! katangi-tangi ang ipinakita niyang pananampalataya. Naniwala siya sa sinabi ng sugo ng Diyos: “Sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos.”

At sa paanyayang ito, ang tugon ni Maria: “Maganap sa akin ayon sa wika Mo.”

Ruler na lang daw ang ‘straight,’ at tanghali na lang daw ang ‘tapat,’ sabi ng isang patutsada.

Pero batid ni Mariang matuwid na panghawakan ang Salita ng Diyos, hindi dahil sa makapangyarihan Siya bagkus, dahil tapat Siya sa kanyang pangako. ‘Yan ang pananampalataya ni Maria. Hindi niya alam ang mga susunod na magaganap sa kanyang buhay. Pero, sapat nang malaman niyang kapiling niya ang Diyos.

Idinaos ang isang Bible sharing sa isang barung-barong ng isang lola. Mag-isa lang siyang nakatira dito dahil hindi naman siya nakapag-asawa. Ang inampon niyang bata ay bumukod na dahil may pamilya na rin ito. Nang siya na ang nagbabahagi, kahanga-hangang marinig sa kanya  ang lubos na pagpapasalamat sa napakaraming biyayang natamo niya mula sa Panginoon.

Hindi niya batid ang kahirapan ng buhay, ang posibilidad ng pagkakasakit, ang panganib na dulot ng pamumuhay ng mag-isa para sa isang matandang katulad niya. Pero, katulad ni Maria, may pananampalataya siya sa Diyos, at marahil ito lamang ang mahalaga.

 

Ang Tamis ng Paghihintay

image

Isang kandila na lang, Pasko na! Grapikong sining likha ni Br Paul Dungca, SDB

Ika-3 Linggo ng Adbiyento—Taon B
December 14, 2014

Sa paglalarawan na ang kaka-alis pa lang na bagyo ay sinlakas ng bagyong Yolanda, nakabingit ang madami sa atin sa pagkakaupo at sa paghihintay sa kanya. Nakakatakot alalahanin ang pananalantang dulot ni Yolanda. At natutunan na natin marahil ang leksyon na huwag maliitin ang banta ng kalikasan. Salamat sa Diyos, dahil dumaan man ang bagyo, nakapaghanda naman tayo.

Ngunit patuloy pa rin tayo sa paghihintay. Ngayong Linggo, inaanyayahan tayo ng liturhiya na lahukan ito ng kagalakan, ng pananabik. Tiyak na tiyak ang pagdating ng Panginoon. At sa paghahandang isinasagawa natin, pinapasilip sa bawat isa sa atin ang kagalakang hatid ng pagdating Niya.

Isinasantabi natin ngayong Linggo ang kulay lilang sumisimbolo sa penitensyang isinasagawa natin bilang paghahanda. Ang kulay rosas na kandilang atin nang sinindihan ay ‘patikim’ sa kagalakang kaakibat ng Kanyang pagdating.

Ang  ating mga pagbasa din ngayong Linggo ay nagsisilbing isang silid-aralan upang tulungan tayong ituon ang ating atensyon sa kagalakang dulot ng Kanyang pagdating.

Sa unang pagbasa (Isa 61:1-2.10-11), isinaysay ni Propeta Isaias ang tila isang rebolusyong magpapanibago sa ating mga buhay. Isang pangyayaring magdudulot ng pag-asa sa bawat isa atin:  Ang magandang balita’y ihahatid sa mahihirap, ang sugat ng puso’y hihilumin nang tuluyan, at ang bawat bihag at bilanggo’y lubos  nang makalalaya. Hinirang siya ng Panginoon upang ihatid ang balitang naririto na nga ang panahon ng kaligtasang dulot ng ating Panginoon.

Ang bawat isa sa atin ay may inaasam-asam, mayroong simpleng hiling, mayroong munting panalangin. At sa pagdating ng ating Panginoon, dala Niya ang kasagutan sa mga tanong na naka-kubli sa ating puso … At higit sa lahat, ang hatid Niya’y kagalakan!

Ito rin ang ipinupunto ng ikalawang pagbasa ngayong Linggo (1 Tes 5:16-24). Ang panimulang bungad ni Apostol San Pablo sa liham niya: “Magalak kayong lagi!” Ngunit kalakip nito ang pagpapa-alala sa ating padalisayin ang ating puso sa panahon ng paghihintay. Sapagkat ito ang pinakamahusay na paraan ng paghahanda “hanggang sa pagparito ng Panginoon.”

Tama nga naman. Upang lubos tayong makapagdiwang sa kagalakang dulot Niya,  hinihimok tayo ni San Pablong lumayo sa lahat ng uri ng kasamaan.

Sa Ebanghelyo (Jn 1:6-8. 19-28), itinanggi ni San Juan Bautistang siya ang Mesiyas. Sa halip, ipinakilala niya na isa lamang siyang tinig na sumisigaw sa ilang upang ihanda ang daraanan ng Panginoon. Isa lamang siyang nagpapatotoo sa liwanag na hatid ng ilaw ng Panginoon. Upang sinuman  na makasumpong sa liwanag niya ay manalig sa maringal na ilaw na taglay ng Panginoon.

Halos nasa kalagitnaan na tayo ng buwan ng Disyembre. Nababalot na ng palamuti ang karamihan sa mga gusaling nakikita natin. Nakapagdudulot ito ng liwanag sa karimlan ng gabi. Ngunit sana’y ganito rin ang kalagayan ng ating mga puso. Sana’y binabalot din ito ng liwanag, ng kagalakan, ng pag-asang umaasam-asam na makamit ang biyaya ng Panginoon.

Ang taglay na ilaw ng Panginoon ay pag-ibig. Pag-ibig na lumilingap sa mga naghihirap, humihilom sa bawat sugatan, at patuloy na nagbibigay ng pag-asa sa bawat bihag at bilanggo.

Tayong mga nakadinig at nagdiwang sa kagalakang hatid ng Mabuting Balita’y inaasahang ibabahagi din ito sa iba. Ikuwento natin si Kristo sa mga taong makakasalubong natin. Ibahagi natin ang pag-ibig na taglay Niya. Ihatid natin sa kanila ang pagdating ng tiyak na pag-asang tunay na masasandalan sa kabila ng bawat unos na dumarating.

Ang Diyos ay butihin: Ito ang ibig sabihin ng pangalan ni Juan. At kapag nakapaghatid tayo ng kagalakan sa kanilang mga puso, ito rin sana ang masasambit ng bawat taong makakasalamuha natin: Ang Diyos ay butihin.

SYM journal entry #3-A

We were asked the question in class: If you were to paint Don Bosco, how would you do it?

I note that the word paint is not specific to the conventional meaning of the word, that is,

a colored substance that is spread over a surface and dries to leave a thin decorative or protective coating.

Hence, I’d like to depict him using a photo software and instead of colors and lines, make use of photographs of young people to conjure a portrait of him.

Photo courtesy of Tomek Sage, SDB.

Photo courtesy of Tomek Sage, SDB.

This is so because Don Bosco is Don Bosco because of young people. His  very existence and essence revolved around them.

He gathered the young people to manifest in them the love of the Good Shepherd.

And when he did not have any more the energy to go to them, they themselves came to him and converged in his midst.

One episode which is very striking was when he got terribly sick and the boys had to pray in unison so that their only intention—Don Bosco’s healing—would be heard. And indeed, they were listened to!

The painting speaks of his time and even of the present. Where the young people are, there Don Bosco is, as made present by his Salesians.

HiStory … HerStory … OurStories

A reflection in honor of Our Lady of Immaculate Conception

image

Our "Like" for Mary should be translated to become "like" her in showing love for Jesus. Graphics by Mark Anthony Ramos.

In the 1978 Superman movie, the Man of Steel arrives too late to stop Lois Lane, the woman he loves, from being hit by a boulder occasioned by a massive earthquake. The boulder crushes Lois dead even before he comes to her rescue.

Gently placing Lois’s body on the ground, he flies around the planet Earth so fast—opposite  its natural spinning—that he reverses the Earth’s rotation in order to turn back time up until the point where he could buy more time to prevent the boulder from falling on Lois.

His estimation worked. She regained her life. Better yet, he prevented her from getting killed.

I am not here to argue for the plausibility of that scene. It would be a futile exercise. After all, Superman is just a mere figment of our imagination.

What is interesting is that in this novena, we are preparing ourselves to understand an event which is not just fictional. In fact, it is not just something factual for it embodies a profound truth which is bigger than life itself.

But if we think about it, its story line can surpass the literary genius behind the most enduring fairy tale or a bio-epic of a legendary hero.

The Father, who is the Divine Author, must have known this from the very start. Hence, instead of inspiring theologians to assemble a theological treatise that will explain the inexplicable, He Himself crafted a superb story, nay, a reality.

The basic plot of this history of salvation is this: In order for the Son of Man to have a foothold in a place dominated by sin, a woman free from sin has to be conceived in order to become a worthy vessel of His spotless Son.

Some might want to call it fantasy. How on earth can someone escape the grip of the devil and clutches of sin?

God did it. Not only because He had the Power. But more importantly because His love is eternal.

Our Homiletics professor conceded that if the shortest distance between two points is a straight line, the shortest distance between a truth and our hearts is, a story.

That must be the reason why we don’t only have a single account of Jesus’ life, we have four different versions of it.

That must be the reason why St. John Bosco neatly packaged his the call he received from Above to save the young souls through a story he called “Dream at nine.”

That must be the reason why we love reading the life stories of how ordinary people could readily say yes to the challenge of holiness.

I can go on and on and on. But my point is this: knowing the story of Mary should challenge us not just to tell her story.

God, who has revealed Himself to us and has made His presence so intimately felt, should lead us, like the Blessed Mother, to weave our lives into the beautiful story of God’s intervention in the history of mankind.

Paano nga ba tayo dapat maghanda?

Isang Pagninilay sa Ikalawang Linggo ng Adbiyento –Taon B
7 Disyembre 2014 

image

Two candles have been lit; two more to go! Sketch by Mark Anthony Ramos, Graphics by Br Paul Dungca, SDB

Napakinggan natin ang paglalahad ni San Marcos  (1:1-8)  sa pasimula ng kanyang Ebanghelyo. Nakapagtatakang hindi niya ito sinimulan sa pagsilang ng ating Panginoon sa isang sabsaban. Bagkus, ang kuwento niya’y nagsimula sa isang mahabang mahabang pagbabalik-tanaw—mga isang siglo bago isilang ang Panginoon—sa panahong  nagpapahayag pa lang ang mga propeta tungkol sa pagdating ng “isang sugo na maghahanda sa daraanan ng Panginoon.”

Kung noong nakaraang Linggo nabatid natin na darating ang Panginoon, ang liturhiya ng ikalawang Linggo ng Adbiyento ay nakasentro sa tema ng Paghahanda.

Sa Unang Pagbasa (Isaias 40:1-5.9-11), makikita nating sa gitna ng pagkalugmok ng bayang Israel dahil sa pagpapatapon at pang-aalipin sa kanila sa Babilonya, dumating ang isang napakagandang balita: Dapat silang magalak, darating ang Panginoon at Siya mismo ang hahango sa kanilang pagka-alipin.

Sa magandang balitang ito, isang tinig ang umalingawngaw, ang mensaheng hatid nito: “Ipaghanda ang Panginoon ng daan sa ilang; isang patag at matuwid na lansangan para sa ating Diyos.”

Lahat tayo ay nakaranas nang magpatuloy ng panauhin sa bahay. Kung simpleng mga kaibigan lang, walang kaso. Pero kung boss ng mister mo ang darating sa susunod na Linggo para sumalo sa inyong hapag-kainan, ibang usapan na ‘yan: Mag-gigineral cleaning tayo; ilalabas ang mga babasaging pinggan at baso; ‘di tayo magkakandatuto sa pag-paplano nang kung ano pa man ang puwedeng ihain sa mesa.

Marahil ganito ang sinasaloob ng tinig na iyon: Diyos mismo ang darating, baka naman pwedeng paghandaan natin!?

Sa Ikalawang Pagbasa (2 Pedro 3:8-14), pinalakas ni San Pablo ang loob ng mga taga-Corinto. Marami sa kanila ang nanlumo nang hindi kaagad dumating ang Panginoon tulad ng kanilang inaasahan. Ngunit siniguro sa kanila ni San Pablo, “Hindi  nakakalimot ang Panginoon sa Kanyang  pangako.” At ang dahilan kung bakit hindi pa Niya tinutupad ang Kanyang pangako ay alang-alang din sa kanila: binibigyan sila ng pagkakataong “makapagsisi at magbalik-loob … sapagkat hindi Niya nais na [sila’y] mapahamak.”

Ang mga estudyante sa atin ay maligaya kapag pinostpone ng teacher ang exam. Lalo na kapag hindi pa sila handa. Kung sa Miyerkules ibibigay ang pagsusulit, mas maganda! Mas makapag-hahanda sila ng husto.

Panahon ng Adbiyento, Panahon ng Paghahanda

Paano nga ba tayo dapat maghanda? Ngayong Linggo, ituon natin ang ating atensyon sa isang taong binanggit sa Ebanghelyo: si Juan Bautista.

Kung ang tinig sa Unang Pagbasa ay nanatiling tinig lamang–itinatanghal si Juan Bautista hindi lang bilang isang propetang naghanda para sa pagdating ng ating Panginoon. Bagkus, ang kanyang buong buhay ay naging isang magandang halimbawa kung paano ihanda ang sarili upang maluwalhati ang Diyos.

Malinaw ang paglalarawan sa kanya sa Ebanghelyo: simple lang ang kanyang pananamit, maging ang kanyang pagkain. Nanahan siya sa ilang upang doo’y mangaral at magbinyag. Siya na nagsabing hindi karapat dapat magkalag ng sintas ng sandalyas ng Panginoon—ay siya mismong pinapurihan ni Hesus.

Ang kanyang yagit na pananamit ay tumawag ng pansin, hindi upang hangaan siya, ngunit upang ituon ang atensyon sa kung sinong ipinakikilala niya. Ang kanyang pagkain marahil ay hindi kaiinggitan kahit ng isang maralita.

Ang kanyang mensahe ay hindi lamang nadinig, ngunit higit sa lahat, namalas ng mga taong nakapaligid sa kanya sa pamamagitan ng kanyang magandang halimbawa.

Sa payak na pagkakalarawan sa kanya sa Ebanghelyo, mababanaag natin ang buhay ng isang taong naghanda upang makadaupang-palad ang Panginoon. At kung seryoso tayong ihanda ang ating sarili para sa darating na kapaskuhan, pwede nating simulan sa mensaheng iminungkahi niya: Linisin natin ang ating puso. Magsisi tayo sa ating mga kasalanan.