Lumapit tayo kay Kristo!

Pagninilay sa Kapistahan ng Panginoong Hesus, ang Banal na Sanggol–Taon B
18 Enero 2015

received_10203450154436500

Nagwika si Kristo, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata.” Ngunit tayo man din ay inaanyayahan Niyang lumapit sa Kanya. Likhang sining ni Mark Anthony Ramos.

Sa maikling kuwento ni Hans Christian Andersen na “The Emperor’s New Clothes,” nangako ang mga inupahang tumahi ng damit ng hari na ito ang magiging pinakamagandang damit sa ibabaw ng lupa—at walang kakayahan ang mga hangal na makita ang telang gagamitin nila sa pagtahi nito. Sa takot na matawag na hangal, naduwag ang mga opisyal na nakapaligid sa hari na magkomento tungkol sa bagong ‘damit’ nito.

Isang parada ang isinagawa upang masilayan ng lahat ang bagong damit na nakasuot sa hari, nagkunwari ang mga tauhan ng hari na gandang ganda sila dito. Ganito rin ang pagpapanggap ng mga taong ayaw matawag na hangal. At ang pinakamasaklap sa lahat—ganito rin ang pagkukunwari ng banidosong hari nanging katawa-tawa sa mata ng lahat.

Ngunit sa pamamagitan ng isang batang sumigaw na “Walang suot ang hari!” nagising ang lahat sa katotohanang silang lahat ay nagkukunwari, lahat sila ay hangal.

Ngayong Linggo, dinadakila natin si Hesus bilang Santo Niño. Sinasabing ito ang pinakamatanda at isa sa pinaka-popular na kapistahan sa Pilipinas. Kaya nga hindi nakapagtatakang pinagkalooban tayo ng pribilehiyong ipagdiwang ang kapistahang ito sa bansa tuwing sasapit ang ikatlong Linggo ng Enero.

Ang kapistahan ni Señor Santo Niño ay nagtatampok kay Hesus bilang isang batang kinailangang umasa sa kanyang mga magulang at sa mga nakatatandang nakapaligid sa Kanya. Siya ay Diyos na totoo, ngunit kinailangan Niya ang tulong ng mga taong ito upang matutunan Niya kung paano naman maging isang tunay na tao.

Ngunit ang kapistahang ito ay hindi lamang nagtatampok sa Kanya bilang isang bata. Matutunghayan natin sa pamamagitan ng Ebanghelyong ipapahayag ngayong Linggo (Mc 10:13-16), ang Kanyang pagkakandili sa mga batang musmos.

Sa kuwento, inilalapit ang mga bata sa Kanya upang Kanyang mabasbasan ang mga ito. Noong panahong iyon kasi, isa sa karaniwang paraang ng paghingi ng pagpapala ng Maykapal ay sa pamamagitan ng paglapit sa isang banal na tao upang sa pamamagitan ng kanyang kamay na ipinapatong sa ulo ng Kanyang binasbasan, dumadaloy ang biyaya ng Diyos. Ito ang konteksto ng Ebanghelyo ngayong Linggo.

Ngunit sinaway ang mga ito ng mga alagad ni Hesus. Inilarawan ni San Marcos ang isa sa madalang na pagkakataon kung saan ‘nagalit’ si Hesus. Nagwika Siyang “Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, huwag ninyo silang sawayin.”

Ang eksenang ito sa buhay ni Hesus ay namumukod-tangi sapagkat sa Kanyang panahon, hindi patas na dignidad at importansya ang natatanggap ng mga bata sa komunidad.

May isa pang pagkakataon kung saan inanyayahan ni Hesus na tularan ng Kanyang mga alagad (Mc 9:35-37) ang isang hamak na bata. Sa kontekstong iyon kasi, nagpapaligsahan sila kung sino sa kanila ang pinakadakila. Katulad ng elsenang iyon, at ng Ebanghelyong ipapahayag bukas, matutunghayan natin ang ispesyal na puwang ng mga bata sa Kanyang puso. Hindi Niya lamang hinagkan ang mga ito, kinalong pa Niya ang mga batang musmos.

Mayroon akong kilalang pari na naglalagay ng karatula sa kanyang kuwarto kung kailangan niyang magpahinga sa hapon. Ito’y upang huwag siyang gambalain ng mga tao sa oras na iyon. Ngunit animo’y walang pakialam dito ang mga bata na tuloy tuloy pa rin ang paglalaro sa harap ng kanyang kuwarto, at hindi lang nila miminsang kinatok ang kanyang pinto sa oras ng kanyang pamamahinga upang manghingi ng tinapay, ayain siyang maglaro o ipakita sa kanya ang isang ibong nakuha nila mula sa puno.

Ang mga bata ay nangangailangan ng pagkalinga sapagkat sila ay mahihina. Kailangan nila ang tulong ng mga matatandang nakapaligid sa kanila. Malamang isa ito sa nagtangi sa kanila upang mahalin ng Panginoon.

Ang kuwento ni Andersen sa pagpapasimula ng pagninilay na ito ay nagpapaaala sa atin na sa dalisay na puso ng mga bata, walang puwang ang pagkukunwari, ang poot, ang pagmamataas—ito ay kung hindi pa nila natutuhan ang mga bagay na ito sa mga matatandang nakapaligid sa kanila.

At sa hamong maririnig natin galing sa ating Panginoon, sa pamamagitan nila masusumpungan ang ‘paghahari ng Diyos.’ Huwag lamang nating  silang alalayang lumapit kay Kristo, bagkus, sa pamamagitan nila tayo man din ay mapalapit kay Kristong minsan ding naging bata–ngunit patuloy na umasa sa pagtataguyod ng Kanyang Ama.

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s