Hamak ngunit Hinirang

Pagninilay sa Ika-3 Linggo sa Karaniwang Panahon—Taon B
25 Enero 2015

image

Ang paghirang sa unang apat na apostoles. Likhang sining ni Br Paul Dungca, SDB

“Who am I to judge?” Ito na yata ang isa sa pinakapopular, kung hindi man pinaka-kontrobersyal sa mga sinabi ng ating Santo Papa. Siguro dahil lahat tayo’y makasalanan. At wala tayong karapatang husgahan ang bawat isa. Ngunit bukod dito, kapag naghuhusga kasi tayo, binibigyan natin ng hangganan ang kapangyarihan ng Panginoong panibaguhin ang puso ng bawat isa.

Ngayong Linggo, ito ang mensahe ng ating liturhiya. Kasabay ng paanyayang magbalik-loob sa ating Amang humirang sa atin upang tulungan Siya sa pagtatatag ng Kanyang kaharian dito sa lupa.

Ito ang karanasan ni Propeta Jonas sa unang pagbasa (Jon 3:1-5.10). Isinugo siya ng Panginoon upang ipabatid sa mga taga-Nineve na talikdan nila ang kanilang kasalanan at magbalik-loob sa Panginoon.  Nakinig sila sa kanya at nagsisi nga sila ng tuluyan. Batid ng Diyos ang kanilang pagtalikod sa kasamaan.

Ganito rin ang panawagan ni Apostol San Pablo sa kanyang liham (1 Cor 7:29-31). Ipinabatid niya sa mga taga-Corinto na nalalapit na ang takdang oras, at kinakailangan ang pagbabago ng nakagawian.

Dahil panauhin lamang tayong naglalakbay sa mundo—hindi ito ang ating panghabambuhay na tahanan.

Kaya nga sa hamon sa ating maitatag ang Kaharian ng Diyos sa lupa, hinihikayat tayong magbago, upang sa atin mismong mga sarili magsimula ang pagtatatag ng Kaharian ng Ama.

Ito rin ang puso ng Ebanghelyo ngayong Linggo (Mc 1:14-20). Sa pambungad pa lang ng Ebanghelyo, mamamalas na natin si Hesus na nangangaral. Ang Kanyang mensahe: “Dumating na ang takdang panahon, at malapit na ang paghahari ng Diyos! Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa Mabuting Balitang ito.”

Pansining walang pinangalanang grupo ng tao si Hesus, at hindi din ito pasaring sa iilan. Ang mensaheng ito ay para sa lahat: Para sa iyo, sa kanya, at para din sa akin. Lahat tayo ay makasalanan, lahat tayo ay naghihintay ng kapatawaran.

Ngunit ang surpresang hatid ni Hesus ay ito: Mas mabilis ang pag-gawa Niya ng kapatawaran kung ihahambing sa kahandaan nating humingi ng kapatawaran. Mamamalas natin ito sa pamamagitan ng napakadaming taong Kanyang pinagaling, at sa mga himalang natupad sa pamamagitan Niya noon at maging sa ating panahon ngayon.

Sa ikalawa at huling bahagi ng ating Ebanghelyo din natin ngayong Linggo mamamalas ang paghirang ng apat na mangingisdang tutulong sa Kanya upang maisakatuparan ang pagtatatag ng Kaharian ng Diyos dito sa lupa. Sa kabila ng kanilang kababaan, sila’y hinirang ng Panginoon.

Ayon sa isang Facebook status, ang tawag daw ng Diyos ay hindi dumarating bilang isang mensahe sa cellphone. Minsan, kailangan tayong makipagbuno upang madinig natin ito ng mas malinaw. Tulad ng karanasan ng unang apat na apostoles sa ating Ebanghelyo ngayon, hindi lamang sila nakapakinig ng tawag ng ating Panginoon, kaagad din nila itong sinundan.

Kung ang petsang ito ay tumapat sa ordinaryong araw at hindi sa araw ng Linggo tulad ngayon, ipagdiriwang ang kapistahan ni San Pablo. Isa siya sa mga masugid na tagapagtaguyod ng Kristiyanismo nang ito’y nagsisimula pa lamang. Ngunit bago nito, nagsilbi muna siyang isa sa mga taga-usig ng Panginoon. Sa katunayan, nandoon siya nang pagbabatuhin hanggang mapatay ang martir na si San Esteban.

Minsan, sakay ng kanyang kabayo, papunta siya ng Damascus. Isang napakaliwanag na ilaw ang sumilaw sa kanya at nawala ang kanyang paningin. At isang mahiwang boses ang kanyang narinig. Ang boses na ito ay nagpakilalang si Kristo, ang kanyang inuusig. Dito nagsimula ang pagtalikod ni San Pablo sa kanyang dating buhay.

Noong nakaraang Linggo, sa pamamagitan ng pagdalaw ng Santo Papa, marami sa atin ang nakapakinig din ng tawag ng Diyos. Mayroon akong isang kilalang dahil sa pagsubaybay niya sa sa telebisyon upang mapakinggan ang mga talumpati nito, ay biglaang naghanap ng komunidad ng mahihirap upang sa maliit na halaga’y matulungan niya ito.

Sa paglisan ng Santo Papa noong nakaraang Lunes, hindi nagwawakas ang kanyang pagbisita sa ating bayan. Nagpapatuloy ang panawagan niya sa ating maging maawain, maging mapagmalasakit sa bawat isa. Itrato daw natin nang wasto at mag pag-galang ang mga nagdarahop at dukha. Matuto tayong manangis para sa kanila. Patuloy tayong mangarap para sa ating mga pamilya.

Marahil, ito ang nagsisilbing mga unang maliliit na hakbang na kailangan nating isagawa sa ating pagnanais na yumakap muli sa ating Amang naghihintay sa ating pagbabalik.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s