Panginoon, Hilumin Mo ang aming sugat

Pagninilay sa ika-6 na Linggo sa Karaniwang Panahon—Taon B
15 Pebrero 2015

Hinagkan ng SantoPapa si Vinicio Riva. Litrato ni Claudio Peri

Gusto lamang ni Vinicio Riva na makita ang Santo Papa. Kaya laking gulat niya nang hagkan siya nito. Litrato ni Claudio Peri

Ang sakit na neurofibromatosis ay sanhi ng pagkakaroon ng maraming bukol sa katawan kung kaya’t ang taong may taglay nito ay madalas na inaalipusta dahil sa ‘pangit’ nilang anyo.

Ilang taon na ang nakakaraan nang ang isang lalaking may sakit nito, ang pangalan niya ay Vinicio, ay sumakay sa isang pampasaherong bus. Akmang uupo pa lang siya sa isang bakanteng upuan ay sinita kaagad siya ng isang mamang nakaupo malapit dito, “Umalis ka dito! Huwag kang uupo malapit sa’kin.[1]

Maraming nakarinig sa sinabi ng mama sa kanya. Ngunit wala ni isa man ang nagsalita upang ituwid ang pang-aalipusta sa kanya.

Bagamat hindi naman nakakahawa ang kanyang karamdaman, ang naranasan niya ay maaaring dinanas din ng maraming ketongin sa Israel noong unang panahon. Sa Unang Pagbasa (Lev 13:1-2.44-46), maririnig nating ang mga may sakit na ketong ay itinuturing na mapanganib sa kalusugan ng lipunan.

Sa Biblia, mabibilang ang mga may sakit na mas pinandirihan at pinaka-kinatatakutan kumpara sa sakit na ketong. Bukod sa wala itong lunas, ang pagkakaroon nito ay itinutiring na sanhi ng kasalanan.

Ayon sa aklat ng Levitico, habang mayroon silang mga sugat, mamumuhay sila sa labas ng kanilang pamayanan. At kung mayroong mga taong lalapit sa kanila, kailangang nilang sumigaw na “Marumi! Marumi!” upang mabigyang babala ang mga ito na mayroon silang ketong.

Kaya nga noong panahong iyon, ang pagkakaroon ng ganitong sakit ay hindi lamang pagkakaroon ng pisikal na karamdaman. Sapagkat hindi lamang sinisira ng ketong ang anyo ng sinumang may sakit nito, binabago din nito ang relasyon ng ketongin sa kanyang komunidad, pamilya, at maging sa Diyos.

Hindi na rin kasi sila hinahayaang bumisita sa templo dahil ang alin mang bagay na kanilang mahawakan ay itinuturing na marumi. At sinumang mapadikit man lang sa alinmang bagay na nahawakan nila ay hindi rin makakasamba hangga’t hindi nila naisakakatuparan ang paraan ng paglilinis ng kanilang katawan ayon sa kanilang batas.

Sa tagpo ng Ebanghelyong matutunghayan natin ngayong Linggo, mababatid nating ang isang ketongin ay siya mismong lumapit kay Hesus, nanikluhod at nagmakaawa.

Hindi lamang  ang kanilang Batas ang kanyang tahasang nilabag, bagkus, itinaya niya rin ang pag-lapit sa posibilidad na masaktan dahil sa kapangahasan ng kanyang pagkilos. Maaari siyang itaboy ni Hesus dahil sa pandidiri o pagkatakot na normal namang nararanasan ng mga katulad niya noong panahong iyon.

Nagwika siya sa Panginoon, “Kung ibig po ninyo’y mapagagaling ninyo ako.” Ang orihinal na salitang ginamit ni San Marcos sa wikang Griyego ay “linisin.” Hindi niya hinihiling na mapagaling, kung hindi, maging malinis.

Mababatid natin na ang kanyang kahilingan ay hindi lamang upang mapagaling ang kanyang mga sugat, sa halip, ito ay may koneksyon sa kanyang pagnanais na malayang makasambang muli sa Templo.

Bagamat labag sa Batas ang ginawa ng lalaki, hindi lamang siya hinarap ni Hesus at nagwika na gumaling siya. Kung tutuusin, maaari naman Niyang pagalingin siya kahit na hindi Niya siya hawakan.

Ngunit minarapat ng ating Panginoong hipuin siya.  Para kay Hesus, hindi siya madumi, isa siyang kapatid na nangangailangan ng pagmamahal sa oras na iyon. Sa mismong sandaling iyon, nawala ang kanyang mga sugat. Magaling na siya.

Ngunit kung susuriin, bago pa man sabihin ng ating Panginoon na nais Niyang gumaling siya—nahilom na ang kanyang mga sugat na hindi bunga ng nakakahawang sakit, ngunit idinulot ng maraming taong pandidiri at pagtaboy sa kanya dahil sa kanyang karamdaman.

Ilan kaya sa atin ang may katulad ng sakit na kanyang naramdaman at naghihintay pa ring makaranas ng pag-hilom?

Tulad ng lalaking napagaling ng  ating Panginoon, hinahamon tayong maging matibay sa ating pananampalataya kay Kristo. Hindi Niya lamang tayo mapapagaling sa ating mga karamdaman–gaano man kalubha o nakakapandiri ito–ngunit tulad ng karanasan ng lalaking iyon, lilinisin Niya ang ating mga pusong nababalot ng dumi sanhi ng kasalanan.

Sa sakramento ng Kumpisal, mamamalas natin ang pag-ibig ng Diyos na laging handang yumakap sa atin gaano man tayo nakapandidiri. Dito natin mararamdaman ang pag-ibig Niyang hindi namimili ng yayakapin, na hindi nagtatanong, at laging handang humilom sa bawat sugat natin.

Tayong nakatikim ng pag-ibig Niya ay hinahamong maging instrumento Niyang tutulong sa paghilom sa sugat ng ating mga kapatid na tinalikuran na ng lipunan.

Nang sa gayon, katulad ng awit ng salmist ngayong Linggo, tayo man din ay makatugon:

Sa Iyong tulong at pagtubos, ako’y binigyan mong lugod!

[1] Halaw ang pangyayaring ito mula sa http://edition.cnn.com/2013/11/26/world/europe/pope-francis-disfigured-man/

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s