Magsisi at Maniwala sa Ebanghelyo

Pagninilay saMiyerkules ng Abo—Taon B
18 Pebrero 2015

image

Kalakip ng pagpapahid ng abo sa ating mga noo ngayong Miyerkules ng Abo, nawa'y ang panawagang "Magsisi at makinig sa Ebanghelyo" ay maisagawa din natin. Likhang sining ni Br Paul Dungca, SDB.

Ngayong araw ng Miyerkules ng Abo, sinisimulan nating mga Katoliko ang apatnapung araw na paglalakbay sa panahon ng Kwaresma. Sa panahong ito, tayo ay hinahamong dagdagan pa ang ating pagsisikap sa (1) pananalangin,  (2) pag-aayuno, at (3) pagkakawang-gawa.

Kung susuriin, ang tatlong ito ay hindi lamang gawaing partikular sa mga Katoliko. Ang mga kapatid nating Hudyo at Muslim ay nagsasagawa rin nito. Kaya nga, magandang pagnilayan kung bakit ang tatlong ito ang isa sa mga katangiang nagbibigay-kulay sa panahon ng Kuwaresma.

Sa liturhiya natin ngayong Miyerkules ng Abo, masasalamin na ang paanyayang ito ay nagmula sa Panginoon. Sa Unang Pagbasa (Joel 2:12-18,12) ang Panginoong Diyos ay taimtim na nag-aanyaya sa ating magsisi at manumbalik sa Kanya.

Noong unang panahon, nagsusuot sila ng sako, umiiyak at naglulupasay upang ipakita na nagsisisi sila sa kanilang mga kasalanan. Kasabay nito, pinupunit din nila ang kanilang damit bilang tanda ng pagsisisi.

Kaya nga masasabing radikal ang mensahe ng Diyos na inihatid ni Propeta Joel sa kanila sapagkat hindi lamang ang kanilang damit ang ipinapapunit sa kanila tanda ng kanilang pagsisisi—kailangan din nilang punitin mismo ang kanilang mga puso.

Ngunit ito ay mangyayari lamang kung ang antas ng ating pagluluksa dulot ng kasalanan ay naka-abot mismo sa kaibuturan ng ating kaluluwa, at doon ating namalas kung paano natin ipinag-walang-bahala ang pag-ibig ng Ama sa pamamagitan ng pagyakap sa isang maruming buhay na punong puno ng kasalanan.

Hinahamon tayo ng Diyos na huwag lamang makuntento sa panlabas na paraan ng pagsisisi. Tama, ang panahon ng Kuwaresma ay nasisimula sa paglalagay ng tanda ng abo, tanda ng kasalanang taglay nating lahat. Ngunit hindi dito dapat magtapos ang pagdiriwang natin ng Kuwaresma.

Inaanyayahan tayong masusing tingnan ang panloob na estado ng ating puso at kalinisan ng ating kaluluwa—Ito ang puso ng mensahe ng ating Panginoon sa Ebanghelyong ipapahayag sa Miyerkules ng Abo (Mateo 6:1-6. 16-18).

Sa bahaging ito ng ating Mabuting Balita, hinahamon ng ating Panginoon ang Kanyang mga tagasunod na huwag lamang magbigay ng limos … huwag lamang manalangin … huwag lamang mag-ayuno, kung hindi suriin ang kanilang kalooban at ang kanilang pamamaraan sa pagsasagawa nito.

Pagkakawang-gawa

Binigyang diin ni Hesus na huwag na huwag silang tutulad sa mga ipokritong hindi naman talaga nagpapakita ng pagmamahal sa kapwa kapag nagbibigay ng limos, kung hindi nagbabayad lamang ng kaunting barya upang papurihan ng iba.

Kaya nga ang mga taong nagbibigay upang mapuna ng iba ay hindi na dapat umasa sa pabuyang laan ng langit, sapagkat nakuntento na sila sa pabuyang pinagkaloob sa kanila ng lupa.

Pananalangin

Ani ni Hesus, huwag tayong manalangin upang mapuna ng iba. Kung ang pananalangin ay isang paraan ng pakikipag-usap sa Ama, hindi nga ba’t mas mabuting sa isang pribadong lugar tayo mangusap sa Kanya? Doon sa lugar na kung saan maibubuhos natin ang nilalaman ng ating puso, maiiyak natin ang huling patak ng ating luha, masasabi natin ang lahat lahat na gusto nating sabihin sa Ama.

Sabi ng isang paring kaibigan ko, ang ating buhay panalangin daw ay hindi masusukat sa tagal ng panahong inilagi natin sa simbahan. Masasabi nating tunay na nanalangin ang isang tao, kung,  sa paglabas niya ng simbahan ay nakaharap siya ng isang taong nakakainis, at imbes na suntukin niya ito ay nagtimpi siya.

Pag-aayuno

Ang pag-aayuno ay ang pagtanggi sa isang bagay (hal. pagkain, tao, estado ng buhay) hindi dahil sa masama ito. Kapag nag-aayuno tayo, pinapalakas natin ang ating kalayaang piliin o hindi piliin ang isang bagay dahil sa kahulugang inilalaan natin dito.

Sa pamamagitan ng pag-aayuno, dinisiplina natin ang ating katawan at kaluluwa sa pagtanggi sa mga bagay na magdudulot sa atin ng sarap o ginhawa. Sa pagsasagawa natin nito ngayon, dinidisplina natin ang ating sariling harapin ang malalaking hamon ng bukas. Ang malilit na ‘hindi’ na ibinibigay natin ay paghahanda sa malaking hindi na maaaring mahirapan tayong tanggihan kung hindi tayo magsasanay.

Kaya nga ang pag-aayuno ay hindi lamang gawaing pisikal, kapag isinasagawa natin ito, nagsisikap tayong palakasin din ang ating kaluluwa.

Ngunit ano nga ulit ang kahulugan ng tatlong ito?

Ang panganib sa pagsasagawa nito ay ang posibilidad na mas lumaki ang tiwala natin sa ating sarili. At sa pamamagitan ng tatlong ito, mapaniwala tayong sapat na ang mga ito upang makamit natin ang kaligtasan at hindi na natin kailangan ang Diyos.

Mali.

Ito ang gustong bigyang diin ng Panginoon sa Ebanghelyo natin sa araw ng Miyerkules ng Abo.

Magkakaroon lamang ng kahulugan ang mga bagay na ito kung ang pag-ibig natin sa Panginoon ang magbubunsod sa ating gawin ang mga bagay na ito.

Ang pag-ibig ng Ama ang patuloy na nag-aanyaya sa ating lumapit sa Kanya, magbagong-buhay at maniwala sa mensahe ng Ebanghelyo.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s