Walang hanggang Pag-ibig

Ika-4 Linggo ng Kwaresma—Taon
15 Marso 2015

Sukdulan ang pag-ibig ng Ama? Walang makahihigit pa dito. Likhang sining ni Mark Anthony Ramos.

Sukdulan ang pag-ibig ng Ama? Walang makahihigit pa dito. Likhang sining ni Mark Anthony Ramos.

Sa nobela ni J.K. Rowling na Harry Potter and Philosopher’s Stone, nais maintindihan ng batang si Harry kung paano siya nabuhay sa kabila ng tinamo niyang nakamamatay na sumpa mula kay Voldemort. Sa halip, isang peklat na hugis kidlat lamang ang naiwan sa kanyang noo bilang palatandaan ng pagsalakay ng huli.

Ang kanyang gurong si Dumdledore ang nagpaliwanag sa kanya kung paano ito nangyari: Ang mga magulang ni Harry ang nagligtas sa kanya; ngunit ang kabayaran nito ay ang kanilang buhay.

Ang kuwento ni Harry Potter ay isang kathang-isip lamang. Alam nating hindi ito totoo, at malamang, hindi maaaring mangyari ito. Ngunit, alam din nating minsan isang panahon, isang Ama ang nagnais na iligtas ang sangkatauhan sa kasalanan—at ang kabayaran nito’y ang buhay ng nag-iisa Niyang Anak.

Ito ang Mabuting Balitang  (Juan 3:14-21) mapapakinggan natin sa ating liturhiya ngayong ika-4 na Linggo sa ating paghahanda para sa ating pagsalubong sa Muling Pagkabuhay ng ating Panginoon.

Ang Pag-ibig ng Ama

Kapag may ispesyal na okasyon ang  mga mahal natin sa buhay, maghahanap tayo ng regalong pwede nating ibigay dito. Susuungin natin ang traffic, mag-aaksaya ng gasolina, mag-uubos ng oras kakapili, tapos, mag-lalaan ng ilang daang piso—o libo—kung galante para mapaligaya natin ito.

Ngunit  ibang umibig ang Diyos. Binibigay Niya, hindi lamang mula sa kung anong sobra mayroon Siya, ngunit mula sa puso Niyang punong puno ng pagmamahal para sa ating lahat. Ipinagkaloob Niya ang Kanyang sarili bilang patunay ng Kanyang pagmamahal Niya sa atin.

Malamang, ilang beses na rin nating narinig o nabasa ang linyang ito mula sa ating Mabuting Balita ngayong Linggo:

Gayun na lamang ang pagmamahal ng Diyos sa atin
kung kaya’t ibinigay Niya ang Kanyang tanging Anak
upang kung sino man ang sumampalataya dito
ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.
– Juan 3:16

Pinapaalala sa atin nitong may isang Amang nag-alay ng Kanyang Anak upang mailigtas tayong lahat sa kasalanan. Si Hesus ay isinugo hindi lamang para sa iilan, ngunit para sa bawat isa sa ating nangangailangan ng kaligtasan, samakatuwid, sa ating lahat na nananangis na makasumpong ng pag-ibig Niya.

Ganito rin ang karanasan ng Bayan ng Israel sa ating unang pagbasa ngayong Linggo (2 Cro 36:14- 16.19-23). Naging malaganap ang pagkalat ng kasamaan sa buong bayan. Maririnig nating pati ang Templo ng Jerusalam ay kanilang itatakwil.

Ipinatapon ang bayang Israel sa Babilonya, at sa loob ng 70 na taon mananatili sila dito. Maaaring pagdudahan natin kung tunay nga ba ang pag-ibig ng Diyos sa Kanyang bayang Israel. Paano Niya natiis na magdusa ang Kanyang bayan sa loob ng maraming taon? Sukdulan nga bang talaga ang pag-ibig ng Diyos?

Sabi ni Pope Benedict XVI, ang tunay na diwa ng pag ibig ng Diyos ay hindi palagiang nagpapamudmod, o di kaya ay malamya, o nag-babait-baitan lang. Kung ganito ang tingin natin sa Diyos, wala itong pinag-kaiba sa isang Hesus na binalot sa asukal at hindi kailanman humihindi sa anumang hilingin natin. Ngunit dahil tunay tayong mahal ng Diyos, nais Niyang magpunyagi tayo sa katotohanan. Ang pag-ibig Niya ay patuloy na humahamon at nagtutuwid sa kabaluktutan natin.

Sa ikawalang pagbasa  (Ef 2:4-10), hindi magkandatuto si San Pablo sa paglalarawan ng pag-ibig ng Diyos: masagana, di-masukat, napakadakila. Napakasagana ng habag ng Diyos at napakadakila ang pag-ibig na iniukol niya sa atin.

Sa isang mundong dumadakila sa kapangyarihan at kayamanan–at nagbibigay ng higit na pansin sa kung ano ang makukuha natin kumpara sa ating maibibigay–ang halimbawa ng Diyos ng pagpapakita ng walang hanggang pag-big Niya para sa bawat isa sa atin ay patuloy na humamon sa ating magmahal ng walang sukat at umibig ng sukdulan.

Ang Kanyang pag-ibig para sa sangkatauhan ay sukdulan, sa kabila ng pagiging makasalanan nito–at higit na makapangyarihan sa imahinasyon ng tao at maging sa sumpa ng kamatayan.

Sa ating paglalakbay sa panahong ito ng kwaresma, nawa’y higit nating maunawaan ang Kanyang pag-ibig, at kung hindi man, nawa’y maging instrumento man lang tayo nito.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s