Cross my Heart

Ika-5 Linggo ng Kwaresma—Taon
22 Marso 2015

At ang hamon sa atin ay ganito:  Dapat sumunod sa akin ang naglilingkod sa akin, at saan man ako naroroon ay naroon din ang aking lingkod. Likhang sining ni Mark Anthony Ramos. Imahe mula sa The Passion of The Christ.

At ang hamon sa atin ay ganito: Dapat sumunod sa akin ang naglilingkod sa akin, at saan man ako naroroon ay naroon din ang aking lingkod. Likhang sining ni Mark Anthony Ramos. Imahe mula sa The Passion of The Christ.

Sa unang pagbasa ngayong Linggo  (Jer 31:31-34), inilahad ni Propeta Jeremias na kahit na sumira ang Kanyang bayan sa kanyang kasunduan sa Diyos, patuloy na nagtiyaga ang Panginoon para sa kanila. At upang mapanibago ang tipanan ng Diyos at ng Kanyang bayan, ang kautusang minsan nang inukit sa bato, ay sa bawat puso na natin iuuukit.

Punong puno ng emosyon ang paglalahad na ito … Sa lenggwahe ng mga kabataan ngayon, maraming “hugot.”

Masasalamin dito ang matinding paninibugho ng Panginoon dahil sa katigasan ng ulo ng mga tao. Ngunit sa kabila nito, hindi maiiwasang mapansin ang hindi maubos-ubos na pag-ibig ng Ama para sa sangkatauhan,  Patatawarin ko sila sa kanilang maling gawain at hindi ko na gugunitain pa ang kanilang kasalanan.

 Ganito rin ang mensahe ng ating Panginoon sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo (Jn 12:20-33). Dumating na ang oras upang parangalan ang Anak ng Tao, ito ang tinuran ng ating Panginoon.

Paano nga ba parangalan ng magulang ang kanyang anak? Hindi ba’t maghahanda siya para dito, mag-iimbita ng maraming panauhin upang saluhan sila sa handaang ito. O ‘di kaya naman, ibibili niya ito ng bagay na sa tingin niya ay tunay nitong maiibigan.

Ngunit ibang mag-isip ang Ama. Ito ang Kanyang ideya ng pagpaparangal sa Kanyang Anak: Dadakpin, dudutsain sa gitna ng maraming tao, duduraan, huhubaran, mumurahin, lalatiguhin, puputungan ng koronang tinik, magbubuhat ng krus, ipapako dito, at ang proseso ng Kanyang kamatayan ay masasaksihan ng nakararami, ngunit iilan lamang sa kanila ang magdadalamhati sa Kanyang pagyao.

Pagdating ng ‘oras,’ kailangan ni Hesus na magbata ng matinding pasakit upang maluwalhati ang Ama: ito ang pagpaparangal ng Ama sa Kanyang nag-iisang Anak alang-alang sa bawat isa sa atin.

Ngunit alam ng Panginoon na sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan, magkakaroon ng buhay ang higit na mas nakararami: Malibang mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nagiisa. Ngunit kung mamatay, ito’y mamumunga nang marami.

At kahit na napakahirap ng Kanyang pagdaraanan, alam Niyang hindi masasayang ang Kanyang buhay.

Ganito rin ang diwa ng ating ikawalang pagbasa (Ikalawang Pagbasa Heb 5:7-9). Nais ng may akda ng liham na ito na ipaalala sa atin na ang ating kaligtasan ay bunga ng panalangin, pagpapakasakit, at pagsunod ni Kristo hanggang kamatayan, Bagamat siya’y Anak ng Diyos, natutuhan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis. Mayroon tayong buhay ngayon dahil minsan Siyang namatay para sa atin.

At ang hamon sa atin ay ganito:  Dapat sumunod sa akin ang naglilingkod sa akin, at saan man ako naroroon ay naroon din ang aking lingkod.

Noong tayo ay bininyagan, naging Kristiyano tayo—naging taga-sunod tayo ni Kristo. Sana, hindi lang ito nakasulat sa ating baptismal certificate o kaya naman ay ipinapahayag lamang natin tuwing araw ng Linggo, dahil ang pagsunod kay Kristo ay 24/7.

Hindi naman kailangang magpapako din tayo sa krus.

Ang kabayanihang hinihingi sa atin ay iba sa Kanyang pagpapakita nito. Ang pagsubok na magpapadalisay ng ating kabanalan ay hindi darating sa pamamagitan ng hirap na dinanas Niya, ngunit sa pang-araw araw na sitwasyon ng buhay natin: Susubukin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng kakayahan nating paglabanan ang maliliit na tuksong dumarating sa atin, sa pagtanggap natin sa mga bagay o taoo sitwasyong hindi tayo komportable, ang kakayahan nating isuko ang ating paghihirap para sa higit na ikakadakila ng Panginoon. Lahat nang ito ay magdadala sa atin sa daang tinahak ng ating Panginoon.

Nang bumisita ang Santo Papa sa bansa, hinamon niya tayong maging tagapaghatid ng Ebanghelyo sa ating mga kapwa Asyano. Kung tutuusin, ang ating bansa ay isang napakaliit na bansang Kristiyano sa pinakamalaking kontinente sa buong mundong hindi pa nakakakilala kay Kristo. Ngunit ang kislap ng ating buhay Kristiyano ay sapat na upang mapag-siklab natin ang buong Asya upang tanggapin ang ating Panginoon.

Ngunit magiging posible lamang ito kung tunay nating tinanggap sa ating mga puso.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s