Pagpari, Eukaristiya & ang Kapangyarihan ng Ala-ala

Pagdiriwang ng Huwebes Santo—Taon B
2 April 2015

Sa Huling Hapunan, inatasan ni Kristo ang bawat isa na maghugas din ng paa ng iba, tulad ng halimbawang iniwan Niya sa kanila. Likhang Sining ni Itchan Decena

Sa Huling Hapunan, inatasan ni Kristo ang bawat isa na maghugas din ng paa ng iba, tulad ng halimbawang iniwan Niya sa kanila. Likhang Sining ni Itchan Decena

Makahulugan ang araw na ito ng Huwebes Santo para sa ating mga Katoliko sapagkat dalawang mahahalagang institusyon ng ating Simbahan ang ating binibigyang pansin sa araw na ito: ang Banal na Misa at ang Banal na Pagpapari.

Ang dalawang sakramentong ito ay patuloy na nagpapa-alala at nagpaparamdam sa atin ng presensiya at pag-ibig ng ating Panginoon. Marahil dahil mahalaga para sa Kanya ang ala-ala, at batid ng Diyos na mabilis tayong makalimot.

Masasalamin natin ito sa kasaysayan ng Israel.  Sa ating unang pagbasa (Exo 12:1-8.11-14), na ang kabuuan ay tumatampok sa pananalita ng Diyos kay Moses at Aaron, babalikan natin ang tagpo ng kasaysayan ng Bayan ng Diyos kung saan sila ay inatasang maghanda, at magsalu-salo para sa kapistahan bilang pagpaparangal sa Panginoon. Sa pamamagitan ng pagdiriwang na ito, binigyang hugis ng Diyos kung paano Niya nais parangalan Siya ng Kanyang bayan.

Sa pamamagitan ng pagpipistang ito, ang Israel ay nagbibigay pugay sa Kanya sa pamamagitan sa pag-gunita sa Kanya—Siya na nagligtas sa kanila mula sa pagka-alipin, ang nagdulot sa kanila ng kalayaan, ang naghatid sa kanila ng tuwa mula sa kanilang pagdadalamhati, ang nagpakita sa kanila ng liwanag matapos silang matagal na nanahan sa kadiliman.

At ang pagsasalu-salong ito ay gugunitain, aalalahanin ng bawat pagsasaling-lahi habangbuhay.

Sa ikalawang pagbasa (1 Cor 11:23-26) maririnig naman natin ang isa sa pinaka-unang pagsasalaysay sa Huling Hapunang ipinagdiwang ng Panginoon kasama ang Kanyang mga apostoles. At sa huli, maririnig natin ang kataga Niyang nag-uutos sa kanilang “Gawin ninyo ito, bilang pag-alala sa Akin.”

Sa dalawang pagbasang ito, malaki ang papel ng pag-aala-ala.

Sa tradisyon ng mga Hudyo, ang pag-aala-ala ay hindi lamang isang simpleng pagbabalik-tanaw sa nakalipas, ngunit ang ‘pagsasakalukuyan’ ng mga bagay na lumipas.

Hindi nga ba’t kapag nalulungkot tayo, ang ala-ala ng ating mga minamahal ang nagdudulot ng kaligayahan sa atin? Lalong higit sa mga pagkakataong wala na tayong ibang panghahawakan pa. Ganito rin kung sa mga sandaling puro kadiliman lamang ang ating sinusuong at hindi natin alam kung anong klaseng bukas ang naghihintay sa atin.

Ngunit ang ala-ala ay nagsisilbi ding bukal ng pag-asa na kahit anong hirap man ang kailangan nating harapin, paghihirap man iyan bunga ng pananalapi o dulot ng karamdaman, at kahit maging kamatayan man, ipinababatid sa ating mayroong Diyos na punong-puno ng pag-ibig na nag-alay ng Kanyang buhay para sa atin.

Ang ala-alang ito ay nagbibigay ng patotoo sa pangakong iniwan Niya sa atin at nagpapatibay sa ating harapin ang mga pagsubok na dala ng bukas. Kaya nga sa pamamagitan ng ala-ala natin ng kabutihang taglay ng Diyos, tayo man din ay inaatasang gawin ang ginawa Niya noong Siya’y kasama pa natin sa lupa.

Sa unang bahagi ng ating Ebanghelyo, nilalarawan kung paano isinagawa ni Hesus ang paghuhugas ng paa ng Kanyang mga apostoles. Mahalaga ang paghuhugas ng paa sa kulturang Hudyo. Tanda ito ng kanilang mainit na pagtanggap ng panauhin (Gen 18:4; 1 Sam 25:41; Luc 7:44).

Ang mga Hudyo noong panahong iyon ay wala namang saradong sapatos, kadalasan, ang suot nila ay sandalyas o di kaya nama’y nakapang-yapak lang sila, kung kaya’t ang kanilang mga paa ay lantad sa lupa, tubig at iba pang elemento. Kung kaya’t ang paghuhugas ng mga paa ay isinasagawa ng mga alipin.

Ngunit si Hesus ang naghugas ng paa ng Kanyang mga alagad. Siya na kanilang Guro at Panginoon ay Siya mismong nagsilbi sa kanila bilang isang alipin. At ang halimbawang ito ay isang bagay na iniiwan Niya sa kanila. Hindi lamang sila dapat maghugasan ng kanya-kanyang mga paa, sila rin dapat ay maghugas ng paa ng iba.

At ang hamong ito ay para rin sa atin.

Tayo na kabilang sa Simbahang nagtataguyod ng Pagpapari at ng Eukaristiya–at siya rin namang itinataguyod ng dalawang ito–ay hinahamong maglingkod din sa iba. Hindi lamang doon sa mga taong naghugas ng ating mga paa, ngunit maging sa mga taong walang kakayahang gawin ito, at lalong higit doon sa mga taong hindi natin gusto ang amoy, o ayaw man lang nating tingnan. Sapagkat para sa kanila, ang Panginoon ay nag-alay din ng Kanyang buhay.

Sa pamamagitan ng Simbahan, patuloy na mabubuhay ang ala-alang ang Diyos ay mabuti, at punong-puno Siya ng kabutihan. Ngunit ang ala-ala ng Simbahan ay humahamon sa ating maging mabuti rin dahil ang Panginoon ay mabuti.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s