Unawa: Una-awa. Una ang awa.

Pagninilay sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay—Taon B
KAPISTAHAN NI KRISTONG HARI NG AWA
12 Abril 2015

Facebook Cover Photo for the 2nd Sunday, April 12. Graphics by Br. Paul Dungca, SDB

Hinding hindi Siya mapapagod o magsasawang sabihin sa ating “Huwag ka nang mag-alinlangan, maniwala ka na.” Upang sa huli, katulad ni Tomas, maibulalas din nating “Panginoon ko at Diyos ko.!”  Likhang sining ni Br. Paul Dungca, SDB

Ipinagdiriwang natin ngayon ang ikalawang Linggo ng Muling Pagkabuhay ng ating Panginoon. Tuwing sasapit ang Linggong ito, binibigyan natin ng pagpupugay si Kristo bilang Hari ng Awa.

At kapag nababanggit ang awa, hindi magpapahuli ang mga Pinoy.

Ayon sa Dominikanong teologong si Fr. Gerard Francisco Timoner III batid ng mga Pilipino na ang ‘awa’ ay hindi lamang nauukol sa damdamin, ito rin daw ay tumutukoy sa isipan. Para sa atin, tumataas ang antas ng ating kaalaman, kapag nakakaunawa tayo. Unawa. Una-awa. Una ang awa. Upang maunawaan natin ng lubusan ang isang tao, kailangang mauna ang awa. Ang ating pagiging maunawain ay nakakadagdag ng pagiging mas mahabagin natin.

Marahil ganito ang naramdaman ng ating Panginoon nang magkaharap sila ni Tomas sa ating Ebanghelyo natin ngayong Linggo (Jn 20:19-31). Matatandaang tinuran ni Tomas na maniniwala lamang siyang muling nabuhay si Hesus kung makikita niya ang butas ng mga pako sa mga kamay ng Panginoon, at kung maipapasok din niya ang kanyang kamay sa tagiliran nito.

Nauna ang awa ni Hesus kay Tomas. Naunawaan Niya ang kakulangan ng pananampalataya nito. Kaya nagwika Siya sa alagad, Huwag ka nang mag-alinlangan, maniwala ka na.

Ito rin marahil ang nais na ipaunawa ng Panginoon sa bawat isa sa atin. Kaysa sa pag-iisip ng hindi maganda sa ginawa ng isa nating kapatid—sa halip na panghuhusga—maunawaan din sana natin sila.

Katulad ng nabanggit ni Fr. Timoner, ang awa ay hindi lamang pagiging sentimental o pagiging malamya. Ngunit sa pamamagitan nito, nagiging magkayakap ang dikta ng isip natin sa ibinubulong ng damdamin natin.

Naalala ko yung kuwentuhan namin ng isa kong kaibigan ilang Linggo lang ang nakakaraan. Nagtatrabaho siya bilang isang guro sa isang mataas na paralaan. Naipagmalaki niya sa aking may mga dati siyang estudyanteng sinasadya siyang balikan upang kamustahin siya. Aniya, hindi ito ‘yung mga batang valedictorian o nasa honor role, pero sila ‘yung mga naghatid ng sakit ng ulo sa kanya.

Ang paniniwala ng kaibigan ko, kapag tarantado ang estudyante, tapos kinausap ng guro, pwedeng bastusin lang niya ang guro. Hindi nakakagulat ‘yun—tarantado nga yung bata eh. Pero kapag kinausap ulit ng guro yung bata, kahit na alam nitong pwedeng maulit yung pangbabastos sa kanya. At tulad ng inaasahan, binastos nga ulit siya ng bata. Pero Kakausapin niya pa rin, kahit alam niyang paulit-ulit siyang babastusin ng bata.

Tanong sa akin ng kaibigan ko, “Masasabi ba nating walang nagbabago dun sa bata? Hindi. Sa patuloy na pagtitiyaga ng guro doon sa bata, maiisip din siguro nitong, ‘Teka, bakit nga ba patuloy akong kinakausap nitong titser na ito, kahit na paulit-ulit ko siyang binabastos?’”

Malamang ganito din kakulit ang Diyos sa Kanyang kagustuhang kausapin tayo. Kahit na alam Niyang paulit-ulit lang naman natin Siyang ipagwawalang-bahala, susuwayin, at lalapastanganin.  Para sa kapakanan natin, laging una ang kanyang awa. Handa  Siyang unawain tayo. Siya kasi ang Hari ng Awa e.

Hinding hindi Siya mapapagod at magsasawang sabihin sa ating “Huwag ka nang mag-alinlangan, maniwala ka na.” Upang sa huli, katulad ni Tomas, maibulalas din nating “Panginoon ko at Diyos ko!

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s