Ang Mabuting Pastol: Kahandaang mag-alay ng buhay para sa iba

26 April 2015
Linggo ng Mabuting Pastol
Ika-4 Linggo ng Muling Pagkabuhay—Taon B

"...Upang sa gayon, hindi lamang ang hamon ng Santo Papa—na maging amoy tupa rin sila—ang maisagawa nila, bagkus, matularan nila ang halimbawa ng mismong Mabuting Pastol na hindi nangingiming mag-alay ng buhay sa kaligtasan ng Kanyang mga tupa." Litrato ni Br. Jerome Quinto, SDB; Likhang sining ni Br. Paul Dungca, SDB.

“…Upang sa gayon, hindi lamang ang hamon ng Santo Papa—na maging amoy tupa rin sila—ang maisagawa nila, bagkus, matularan nila ang halimbawa ng mismong Mabuting Pastol na hindi nangingiming mag-alay ng buhay sa kaligtasan ng Kanyang mga tupa.” Litrato ni Br. Jerome Quinto, SDB; Likhang sining ni Br. Paul Dungca, SDB.

Isang buwan pa lang ang nakalilipas mula nang mahalal si Papa Francisco bilang Santo Papa, ibinahagi niya ang isa sa kanyang mga unang pagninilay na tumimo sa isipan at puso ng nakararami ay ang kanyang hamon sa mga kapariang maging isang mabuting pastol.

Aniya, hindi lang daw dapat alam ng mga pari ang amoy ng kanilang tupa, ngunit dahil sa pamamalagi nila kasama ng mga ito, nagiging isa na rin ang kanilang amoy sa kanila.

May kagat ang tinurang ito ng Santo Papa dahil bukod sa magandang pakinggan ito, hindi madaling gawin ang gusto niyang mangyari. Kung inaakala ng maraming naghihintay lang ang mga pari ng tawag upang mag-Misa, magbinyag o magbasbas ng mga bahay o sasakyan, hindi lang ito ang kanilang ginagawa. Marami sa kanila ay mga gurong naghahanda para sa klase nila. Ang iba’y namumuno sa mga opisina. At sa isang bansang napakaraming Katoliko, salat ang mga katulad nilang nangangalaga para sa kalusugan ng ating mga kaluluwa.

Sa darating na Linggo, tampok ang ating Panginoon bilang ang Mabuting Pastol. At kung maigi nating pagninilayan ang ating Ebanghelyo (Jn 10:11-18), maliliwanagan tayong napakaliit lamang ang hamong binitiwan ng Santo Papa kumpara sa kung sino si Hesus at ano ang Kanyang bilang isang mabuting pastol.

Mismong Siya ang nagpatunay na Siya ang Mabuting Pastol. At bilang isang Mabuting Pastol, mayroon Siyang tatlong katangiang binigkas tungkol sa Kanyang  sarili.

Una, ang Mabuting Pastol ay hindi bayaran.  

Walang ipinagkaloob sa Kanyang anumang bagay nang pumayag Siyang mag-ukol ng panahon upang mangaral sa iba’t-ibang bayan, nang gawin Niya ang maraming himalang nagdulot ng kaginhawahan sa buhay ng nakararami, at nang ialay Niya ang Kanyang buhay, wala Siyang ni isang kusing na tinanggap para sa Kanyang sarili.

Siya ay iba sa isang upahang tatalilis na lang kung may makitang dumarating na asong-gubat na maglalagay sa panganib sa kanyang kawan. Hindi nga naman pag-aari ng isang upahan ang kawan, bakit niya kailangang manatili kung ang mismong buhay niya ay malalagay din sa panganib?

Pangalawa, ang Mabuting Pastol ay hindi nang-iiwan.

May mga pagkakataong may mga tupang naliligaw, o kaya nasusugatan, o kaya nangangailangan ng ispesyal na atensyon, naroroon palagi ang Mabuting Pastol upang umalalay sa kanya. Naroon siya upang matiyagang hanapin ang tupa, maingat na gamutin ang sugat nito, at bigyan ito ng ispesyal na atensyon at pagkalinga.

Totoo ngang mayroong paborito ang Panginoon: ang mga sugatan, ang mga maralita, ang mga taong hindi nakalasap ng pagmamahal mula sa iba—sila ang natatangi sa Panginoon. Sila ang higit Niyang pinag-uukulan ng panahon.

Pangatlo, ang Mabuting Pastol ay nag-aalay ng buhay para sa Kanyang kawan.

Mahal man natin ang ating mga alagang hayop—pinapaliguan  natin sila, ‘yung iba dinadamitan pa—pero kapag buhay na natin ang nakataya kapalit ng kaligtasan ng ating paboritong alaga, teka muna, nag-iiba na ang kuwento. Ngunit makatwiran naman ito, hindi ba?  Mas mahalaga ang buhay natin sa kanila. Sa ganitong paraan din, makikita nating mas mahalaga ang buhay ng isang pastol kumpara sa buhay ng isang tupa sa kawan.

Ngunit ibang mangatwiran ang Panginoon. Dahil Siya ay ang Mabuting Pastol, handa Siyang mag-alay ng buhay para lang sa Kanyang tupa.

Ganito rin ang imahe ng mga paring isinantabi ang buhay pag-aasawa upang mapaglingkuran ang mas malaking pamilya ng Diyos.

Nitong isang gabi lang, napuna ko ang isang paring kumakain ng hapunan gayung mag-hahating-gabi na. Nang tinanong ko siya kung bakit huli na siya sa kanyang pagkain, sinabi niya sa aking nag-maneho pa siya para sa mga bisita ng aming seminaryo buhat pa sa ibang bansa. Napa-isip ako, hindi na rin bata si Father, pwedeng sa iba na lamang niya ibigay ang trabaho, pero inako pa rin niya ito.

Ngayong Linggo, inaanyayahan tayong pagtuunan ng pansin ang mga pastol na katulad nila—at maging ng mga kabataang nag-iisip-isip kung kakayanin din ba nilang suungin ang daang tinatahak lamang ng iilan.  Idalangin natin na sana, mas maging mapagmahal pa sila, mas maging matiisin, at mas maging mapag-kumbaba, upang sa gayon, hindi lamang ang hamon ng Santo Papa—na maging amoy tupa rin sila—ang maisagawa nila, bagkus, matularan nila ang halimbawa ng mismong Mabuting Pastol na hindi nangingiming mag-alay ng buhay sa kaligtasan ng Kanyang mga tupa.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s