Walang-hanggang Pagmamahal

Ika-6 Linggo ng Muling Pagkabuhay—Taon B
10 Mayo 2015

may10

Pinatunayan ng Panginoon ang pagmamahal Niyang kahit kamatayan ay hindi kinilala. Hinahamon Niya tayong magpunyagi din upang umibig ng wagas, ng walang pagsisino, ng walang hanggan. Likhang sining ni Br. Paul Dungca, SDB.

May mga seryosong usapin sa buhay ng tao na humihingi ng atensyon natin. Ilan sa mga ito ang sumusunod:

  • Totoo bang ang mga manok na pinatay sa Jolibee ay masasaya kaya sila tinawag na chicken joy?
  • Ang fire exit ba ay labasan ng apoy?
  • Pwede bang gamitin ang m. radio kapag gabi na?

Sa pagtatapos ng ating Ebanghelyo ngayong Linggo (Jn 15:9-17), mukhang hindi naman nagpapatawa ang Panginoon nang sabihin Niyang, “Ito ang iniuutos ko sa inyo: mag-ibigan kayo.”

 Masasabing isang kabalintunaan ang tinurang ito ni Hesus sapagkat kailanma’y hindi maiuutos ang magmahal. Marahil, madali tayong susunod kung tayo’y utusang maglinis ng bahay, mamalengke, o hindi kaya’y mag-igib ng tubig, ngunit nag-iiba ang kuwento kung utusan tayong umibig ng iba; malamang, ilang beses natin itong pag-iisipan.

Sa marami sa atin, natututunan lamang nating mahalin ang iba kung nakasama na natin sila ng matagal-tagal. Kung nakilala na natin sila, at kung napansin nating ang ibang katangian nila ay tunay ngang katangi-tangi.

Ngunit ang pag-ibig ng Diyos ay hindi limitado sa kulay, maging sa lahi, at wala itong pinipiling kondisyon. Tulad ng linya sa isang kanta, mahal ka ng Diyos, maging sino ka man.

Ito ang napatunayan ni San Pedro sa ating unang pagbasa ngayong Linggo (Gw 10:25-26,34-35,44-48), nang salubungin siya ni Cornelio, isang sundalong Romano, at napagtanto niyang maging ang mga hentil na ibang-iba ang kakanyahan sa kanilang nga Hudyo ay itinatangi din ng Diyos.

Sa pagtatapos ng pagbasa, hindi lamang si Cornelio ang nabinyagan kung hindi maging ang kanyang buong sambahayan.

Sa ikalawang pagbasa (1 Jn 4:7-10), pinapa-alalahanan naman tayo ni San Juan na mapag-hanap ang pag-ibig. Nag-uusisa ito. Naghahanap ng atensyon. At madalas, nagdudulot ng matinding pasakit.

Ganito rin ang pag-ibig ng Diyos para sa atin: konkreto. Inihayag ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang suguin niya ang kanyang bugtong na Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya.

Sabi ni Pope Benedict XVI, ang tunay na diwa ng pag ibig ng Diyos ay hindi palagiang nagpapamudmod, o ‘di kaya ay malamya, o nag-babait-baitan lang. Kung ganito ang tingin natin sa Diyos, wala itong pinag-kaiba sa isang Hesus na binalot sa asukal at hindi kailanman humihindi sa anumang hilingin natin. Ngunit dahil tunay tayong mahal ng Diyos, nais Niyang magpunyagi tayo sa katotohanan. Ang pag-ibig Niya ay patuloy na humahamon at nagtutuwid sa kabaluktutan natin.

Masasabing “Ang pag-ibig ng Ama,” ang pangkalahatang tema ng Bibliya. Ngunit kung gusto pa natin itong paikliin, pwede rin; isang salita lang: “Hesu-Kristo.”

Sa ating Panginoon masasalamin ang rurok ng pag-ibig ng Ama para sa atin: hindi nangingiming mag-alay ng buhay alang-alang sa buhay ng ating minamahal. Sa kasaysayan ng mundo, ang tao ay batbat ng pagiging makasarili, ngunit sa gitna nito, tampok ang pag-ibig ng Ama sa katauhan ng Panginoon na nagpaparaya, nagpapagaling, nagpapatawad, at nagbibigay-buhay. At ang hamon sa atin ay tularan ito. Maging instrumento din ng pag-ibig ng Ama, lalong higit sa mga kapatid nating nangangailangan nito.

Ang utos ng ating Panginoon sa ating magmahal ay isang hamong magpakatotoo tayo ayon sa ating tunay na pagkakakilanlan. Kung paanong ang isang doktor ay makikilala sa pamamagitan ng unipormeng suot niya, ang Kristiyano ay nakikilala sa paraan ng kanyang pakikisalamuha sa iba: Marunong ba siyang magpatawad? Mapag-unawa ba siya? Marunong ba siyang magmahal?

Inalagaan ni Marlon ang kanyang asawang si Judith dahil may sakit ito. Pinagkakasya niya ang maliit na sahod para sa mga gamot nito. Ilang buwan na ang nakakaraan nang lumubha ang kondisyon ng kanyang maybahay. Sa huli, hindi na rin siya nakalakad. Inaalagaan pa rin siya ni Marlon. Naisip ko, kung iba lang siya, hahanap na lang siya ng iba. Pero ang pagmamahal niya para sa kanyang maybahay ay patunay na ang pag-ibig ay tumitiis ng kahit anumang hirap.

Nitong nakaraang linggo lang, binawian ng buhay si Judith. At hanggang sa huli, andoon si Marlon para iparamdam dito ang pag-ibig niya sa kanya.

Nakakalungkot kapag nakakarinig tayo ng may mga naghihiwalay na mag-asawa, ngunit nakakataba din ng puso ang malamang may mga pagmamahalang katulad ng kina Marlon at Judith, na kamatayan lang ang pansamantalang nagpapahiwalay.

Hinahamon tayo ng ating Panginoong ipakita sa iba ang ating pag-ibig. Na hindi lang natin mahal ang isa’t-isa kapag may pakinabang tayong nakukuha dito, o kapag nasa kondisyon tayo, o kapag maganda ang panahon.

Pinatunayan ng Panginoon ang pagmamahal Niyang kahit kamatayan ay hindi kinilala. Hinahamon Niya tayong magpunyagi din upang umibig ng wagas, ng walang pagsisino, ng walang hanggan.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s