Ang Espiritung Nagbibigay-buhay

Dakilang Kapistahan ng Pentekostes—Taon B
24 Mayo 2015

may24

Ang kapistahan ng Pentekostes ay itinuturing na kaarawan ng Simbahan. At ang kahandaan ng mga alagad ng Panginoon na lumabas ng silid upang ipangaral ang Ebanghelyo ay isang katangiang taglay Niya hanggang sa panahon ngayon. Likhang sining ni Br. Paul Dungca, SDB

Isa sa mga paborito kong kuwento sa Bibliya ay ang kabanata sa buhay ni Propeta Elias kung saan nasumpungan niya ang pagdating ng Panginoon, hindi sa dagundong ng lindol, o sa malakas na hangin, o ng pagputok ng bulkan, kung hindi sa simoy ng banayad na hanging at katahimikang dumating pagkatapos nito.

Sa ganito paraan maaari din nating ihambing ang naganap sa unang pagbasa ngayong Linggo (Gw 2:1-11), kung saan ang mga disipulo’y nagkatipon sa isang lugar. Mayroong mahalagang kapistahan sa araw na iyon, at nakaugalian na nilang tumungo ng templo upang ipagdiwang ito, ngunit sila’y nandoon lamang sa lugar na iyon (ipinagpapalagay na naroon sila sa mismong silid kung saan idinaos ni Hesus ang kanyang huling hapunan kasama nila).

Makulay ang paglalahad ni San Lucas (siya ang kinikilalang may akda ng mga Gawa ng mga Apostol) ng pagdating ng Espiritu. Aniya, sa lugar na iyon, nakarinig sila ng isang ugong mula sa langit,   animo’y hagunot ng malakas na hangin, at napuno nito ang bahay nakinaroroonan nila. May nakita silangwari’y mga dilang apoy na lumapagsa bawat isa sa kanila. At silang lahatay napuspos ng Espiritu Santo atnagsalita ng iba’t ibang wika, ayonsa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu.

Tunay ngang kamangha-mangha! Kagila-gilalas! Kahindik-hindik!

Ngunit katulad nang naganap sa mga disipulo, ang tunay na sukatan na naroroon nga ang Espiritu–at higit sa lahat, na Siya nga ang Espiritung bumaba mula sa Diyos–ay ang mismong pagbabagong naganap sa bawat isa sa kanila. At tunay ngang pagkatapos ng kabanatang ito ng Pentekostes, ang mga susunod na pahina ng aklat na ito ay magpapahayag sa pagbabagong dulot ng pagbaba ng Espiritu Santo sa kanila. Si Pedro na kinikilala nilang pinuno bilang kahalili ng Panginoon, ay buong lakas na mangangaral kasama ng labing-isa. Sa huli, tatlong libong tao ang magpapabinyag sa kanila (Gw 2:38–4).

Sa ikalawang pagbasa (1 Cor 12:3- 7.12-13), pinapaalalahanan ni San Pablo na ang bawat isa’y binigyan ng kaloob na naghahayag na sumasakanya ang Espiritu, hindi para sa pansariling dahilan, ngunit para sa ikabubuti ng lahat. Lahat tayo ay biniyayaan ng iba’t-ibang talinong nagbibigay yaman sa Simbahan na nagsisilbing katawan ni Kristo.

Ang kapistahan ng Pentekostes ay itinuturing na kaarawan ng Simbahan. At ang kahandaan ng mga alagad ng Panginoon na lumabas ng silid upang ipangaral ang Ebanghelyo ay isang katangiang taglay Niya hanggang sa panahon ngayon.

Sa pamumuno ni Papa Francisco, binigyang diin niyang ang Simbahan ay dapat na laging “on the move.” Nais niyang makita ang Simbahang mayroong galos at madungis tanda ng paglalagalag upang makasama ang mga tao sa kalye, at kung saan saan pa.

Kasama natin ang Espiritung ipinangako ng Panginoon. At hatid Niya ay biyayang makakatulong sa ating pangatawanan ang mga pangakong binigay natin nang tayo’y binyagan, nang tayo ay maging bahagi ng Simbahan.

Sa araw na ito, ipanalangin natin ang Simbahan na patuloy na maging buhay na simbolo ng Panginoong palagiang handang magmahal, umunawa, at magpatawad. Tayo nawang nakikibahagi upang mapatatag ang pundasyong meron ito sa lupa ay maging karapat-dapat ding maging tagapagmana nito, pagdating ng panahon, sa kalangitang ipinangako sa atin ng Ama.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s