Diyos ang Nakapangyayari!

Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon—Taon B
14 Hunyo 2015

11422720_10204344687039256_1974685934_n

Sa Ebanghelyo (Mc 4:26-34), mayroong dalawang parabulang inihahalintulad ni Hesus sa Paghahari ng Diyos. Sa unang parabola, binigyang diin niya na ang kakayahan ng Kaharian upang lumago ay hindi mula sa tao kundi sa Diyos. Matapos na maihasik ang mga binhi, hindi na kailangan pang alagaan ito.  Likhang sining ni Mark Anthony Ramos.

Mayroong isang batang nag-bigay ng kulay ng aking buhay noong ako’y nagsisimula pa lang sa pagtuturo. Matigas ang ulo ng bata, ginagawa niya ang kahit anong maibigan at lagi siyang late sa pagpasok ng silid aralan.  Isang araw, late na naman siya. At parang wala lang ito sa kanya. Bago ko pa napigilan ang aking sarili, pasigaw ko siyang sinabihang “Pinagdadasal naman kita. Bakit hindi ka nagbabago?”

Kapag naaalala ko ang insidenteng iyon, hindi ko maiwasang matawa sa kasimplehan ng pananaw ko sa buhay—at nahihiya ako sa kapangahasan kong magtiwala sa aking kakayahang papagbaguhin ang isang tao sa isang iglap sa pamamagitan ng aking panalangin.

Ito marahil ang mensahe ng ating liturhiya sa atin ngayong Linggo. Sa kabila ng ating pagsusumikap na palaguin ang Kaharian ng Diyos, sa huli, sa Kanya pa rin nakasalalay ang pagpapayaman nito.

Tampok sa unang pagbasa (Ez 17:22-24) ang isang sangang itatanim na magsisilbing usbong na pangangalagaan at pagyayamanin ng Panginoon. Lalago ito at mamumunga ng mabuti. Sa gayon, lahat ng uri ng hayop ay makapaninirahan sa ilalim nito. Ang mga ibon nama’y makapamumugad sa mga sanga nito. Ang matayog na punong ito’y kumakatawan sa bayan ng Israel.

Sa Ebanghelyo (Mc 4:26-34), mayroong dalawang parabulang inihahalintulad ni Hesus sa Paghahari ng Diyos. Sa unang parabola, binigyang diin niya na ang kakayahan ng Kaharian upang lumago ay hindi mula sa tao kundi sa Diyos. Matapos na maihasik ang mga binhi, hindi na kailangan pang alagaan ito. Tutubo at lalago ang binhi nang hindi nalalaman ng tao kung paano. Sa ikalawa naman, ipinakita ng Panginoon na ang isang maliit na buto na kumakatawan sa Paghahari ng Panginoon ay may kakayahang lumago sa paraang kamangha-mangha. Hindi dahil sa pagpupunyagi ng taong gawin ito. Bagkus, ito’y dahil sa kakayahan ng Panginoon.

Tanda ko pa na noong bumisita si Papa Francisco sa bansa, ibinahagi niya sa atin ang kanyang personal na debosyon kay San Jose. Sa kanyang lamesa, mayroong isang imahen ng natutulog na si San Jose. Kapag mayroon daw siyang problema, isinusulat niya ito sa isang piraso ng papel at inilalagay ito sa  ilalim ng statwa.  At hinahayaan niyang si San Jose mismo na Patron ng Pandaigdigang Simbahan ang managinip o mangarap ng solusyon sa problemang ito.

Nang marinig ito ng isa kong kaibigan, naibulalas niya na hindi siya kumporme sa istatwang ito ni San Jose. Aniya, ang natutulog na istatwa ni San Jose ay pangtamad daw. Ngunit kung susuriin, masasalamin sa mukha ng natutulog na imahen ni San Jose ang kanyang pagtitiwala na laging tapat ang Panginoon sa Kanyang pangako at hindi kailanman ito nagpapabaya.

Kung iisipin, lumaki ng husto ang mga puno sa kagubatan na hindi man lang nakatikim ng pangangalaga ng tao. Sapat na ang kapangyarihan ng Diyos na hindi lamang ito protektahan sa mga elementong puwedeng pumuksa nito, ngunit dahil nakapangyayari ang Panginoon, lumalago ng husto ang mga punong ito kahit na wala ang tao upang diligan ito nang ito’y maliliit pa lang.

Naibahagi minsan sa akin ng isang kaibigan na nang minsan siyang mag-retreat, napansin niya ang isang hardinerong nagdidilig ng mga halaman sa hardin. Nagtaka siya. Makulimlim naman ang panahon at sa hinuha niya, anumang oras ay maaaring bumuhos ang ulan. Napaisip siya kung alam nga ba ng mama ang ginagawa niya.

Ilang sandali pa nga at nagsimula na ang pagpatak ng ulan. At lalo siyang nagtaka sapagkat sa kabila ng bumubuhos na ulan, animo’y hindi ito alintana ng mamang patuloy sa ginagawa nitong pagdidilig. Nasabi niya sa sariling mas hamak na masustansiya ang tubig na dala ng ulan kaysa sa sa tubig na nagmumula mula sa hose ng mama, at kanyang naitanong sa sarili, “Bakit hindi niya na lang pabayaang basain ng ulan ang halaman, kaysa magpagod pa siya?”

Ngunit matapos niyang maibulalas ito sa kanyang isip, napaisip din siyang bigla. Maaari rin namang gawin ng Diyos ang mga bagay na ibig Niya, kahit na wala Siyang katuwang. Diyos naman Siya e. Ngunit sa kabila nito, minarapat pa rin ng Diyos na pumili ng mga makakatulong Niya kahit na kaya Niya namang gawin ang lahat kahit na Siya lang mag-isa.  At ang mga ito’y walang dahilan upang magmalaki dahil sa huli, Diyos pa rin naman ang nakapangyayari.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s