“Nasa Puso Mo”

Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon—Taon B
21 June 2015

11125326_10204331822437649_1972495696_n (1)

Minsang nakaranas ng matinding tukso si Sta Teresa, nilabanan niya ito ng husto. Kinabukasan, nang mapansin niyang lumisan na ang demonyo, tinanong niya kung nasaan ang Panginoon sa gitna ng pagsubok na ito. Sumagot ang Panginoon, “Nasa puso mo.” Likhang sining ni Mark Anthony Ramos.

Natutulog ba ang Diyos? Kapag may mga unos na dumaraan sa ating buhay, marahil, nasambit na rin natin ang tanong na ito.

Ganito rin ang karanasan ng mga apostoles sa Mabuting Balita ngayong Linggo (Mc 4:35-41).

Hinahampas ng malalaking alon ang bangka, anupat halos mapuno ito ng tubig. Si Hesus nama’y nakahilig sa unan sa may hulihan ng bangka at natutulog. Tinawag nila ang atensyon ni Hesus. Mababanaagan dito ang kapangahasan. “Guro,” anila, “di ba ninyo alintana? Lulubog na tayo!

Mangingisda sila at sanay sa mga pangyayaring tulad ng sinapit nila sa laot. Malamang, hindi ikinagulat ni Hesus ang kanilang pagkatakot sa bagyong bumabayo sa kanila; kahit na sino’y hindi masasanay sa panganib na dala ng kalikasan. Ngunit ang ikinabigla Niya ay ang kawalan nila ng pananampalataya sa Kanya. Palagian Niya silang kasama, at malamang, hindi lang nila minsang nasaksihan kung ano ang posibleng magagawa ng Panginoon.

Hindi pinalampas ni Hesus ang pagkakataong iyon upang pagsabihan ang mga alagad at ipaunawa sa kanilang ang kanilang reaksyon sa harap ng isang umaalimpuyong unos ay walang katuturan sapagkat sila’y mga alagad Niya.

Ganito rin ang nilalaman ng ating unang pagbasa (Job 38:1.8-11), sa gitna ng nag-aalimpuyong bagyo, tinugon ng Panginoon ang mga katanungan ni Job. Kung susumahin, ang unang 37 na kabanata  ng aklat ay nagdedetalye ng mga katanungan at maging ng pagbatikos ni Job patungkol sa Diyos dala ng kanyang sinapit.

Sa katunayan, ang tanong ni Job, ay naipukol na rin natin sa Diyos: Bakit nangyari ang masasamang bagay sa isang mabuting tao?

Sa harap ng isang napakabigat na suliranin ng buhay, wala tayong maapuhap na mainam na sagot sa katanungang ito at maging sa mga daing ng mga malalapit sa ating nagbabahagi sa atin ng iba’t-ibang tanong sa buhay: “Bakit kailangang maghirap ang tatay ko?”; “Paano naaatim ng asawa kong magpabaya sa aming mga anak?”; “Bakit parang walang nangyayari sa mga pagsisikap ko?

Kalakip ng mga katanungang ito, inaanyayahan tayo ng ating liturhiya ngayong ika-12 Linggo ng Karaniwang Panahon na huwag pag-aksayahan ng panahon ang unos o maging sa ating mga sarili, at pamalagiing nakatuon ang ating atensyon sa Panginoong dahil sa pag-ibig sa ati’y dumanas ng pasakit hanggang sa namatay—ngunit sa kalauna’y dumaig din naman sa kamatayan! (ikalawang pagbasa: 2 Cor 5:14-17).

Sapagkat ang Diyos ng pag-ibig ay wala sa labas ng bangka at malayo sa unos ng buhay. Nasa loob Siya nito—kasa-kasama natin sa pagsuong ng kung anong balakid na mayroon tayo.

Minsang nakaranas ng matinding tukso si Sta Teresa, nilabanan niya ito ng husto. Kinabukasan, nang mapansin niyang lumisan na ang demonyo, tinanong niya kung nasaan ang Panginoon sa gitna ng pagsubok na ito. Sumagot ang Panginoon, “Nasa puso mo.”

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s