Manalig tayo!

Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon—Taon B
28 June 2015

11272018_10204331822717656_996414032_n

Naiimpluwensiyahan ng takot ang ating pag-iisip at maging ang ating pag-kilos.

Ayaw nating pumunta sa isang madilim na silid dahil hindi natin alam kung ano ang naroroon. Ayaw nating manligaw, kasi, takot tayong ma-basted.

Pero isang bagay ang kinakatakutan nating lahat: ang kamatayan.

Hinuhudyat ng kamatayan ang pagtatapos ng lahat: Ang paghinto ng paghinga, ang pagbagsak ng blood pressure, ang biglaang paghinto ng tibok ng puso. Wala nang gamot na magbibigay lunas sa isang taong patay na. Gayundin ang koneksyon ng taong namayapa na sa mundong patuloy pa rin sa pag-inog. At ang isang taong namayapaya na ay magsisilbi lamang bilang isang ala-ala.

Sa unang pagbasa (Karunungan 1:13-15;2:23-24), mapapakinggan natin mula sa Aklat ng Karunungan ang sagot sa tanong na “Ano ang kinalaman ng Diyos sa kamatayan?”

Ang kamatayan ay hindi likha ng Diyos.
Ang pagkamatay ng alinmang may buhay
ay hindi niya ikinalulugod
(Kar 1:13).

Tayo raw ay “dust in the wind.” Ito ang pinaniniwalaan ng ating modernong mundo. Dito tayo nagmula, at ito rin ang ating destinasyon. Isang alikabok lamang. At walang Diyos na lumikha sa atin.

Ngayong Linggo, tampok si Jairus sa ating Ebanghelyo, isa siyang amang lubhang ikinatakot ang sitwasyon ng kanyang anak na nasa bingit ng kamatayan. Tagapamahala si Jairus ng sinagoga. Siguradong mayroon siyang magandang katayuan sa kanilang pamayanan. Ngunit dahil sa kagustuhan niyang hindi mangyari ang kanyang kinakatakot—ang mawala ang kanyang anak na babae—hindi lamang siya lumapit kay Hesus. Nagpatirapa siya sa harap ng Panginoon, at nagsumamo siya sa harap nito. “Kung maaari, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo sa kanya ang inyong kamay upang siya’y gumaling at mabuhay!”

Ang tagpong ito sa Ebanghelyo ni San Marcos ang maituturing na pinakarurok sa serye ng mga bagay na imposibleng posible pala sa Panginoon: Hindi lamang Siya nanggamot (Mc 5:30), o nagpaalis ng demonyo (Mc 5:12), o ‘di kaya’y nagpatahimik ng bagyo (Mc 4:40), ngayong araw, gusto sa ating sabihin ng Panginoon, na kaya Niya ring bumuhay ng patay.

Papunta na sila Hesus sa bahay ni Jairus nang may ilang dumating upang ibalitang patay na ang anak niya. Inilarawan ni San Marcos na nagsisiksikan ang mga taong sumusunod kay Hesus. Malamang, nang marinig nila ang balitang ito, nakahanap sila ng pagkakataong maibaling sa kanila ang atensyon ng Panginoon. Ang wika ng isa, “Bakit pa ninyo aabalahin ang Guro?”

Ngunit bago pa siya makakilos, nagwika ang Panginoon,  “Huwag kang mabagabag, manalig ka.”

Sa harap ng mapait na balitang karirinig pa lamang ng tagapamahala, may kung anong tila kapangyarihan ang sinabing ito ni Hesus. Hindi pa pala tapos ang lahat! Dahil nagwika ang Panginoon, nagkaroon siya ng dahilang patuloy na umasa.

At nangyari ang kanyang inaasam-asam: Binuhay ng Panginoon ang kanyang anak!  

“Huwag kang mabagabag, manalig ka.” Ito  ang katagang binanggit ng Panginoon kay Jairus noon. Ito rin marahil ang pinanghawakang salita ng napakaraming taong nag-alay ng buhay tanda ng kanilang pagsunod sa landas na tinahak ng Panginoon. Nanalig sila! Nagsugal ng buhay para sa kanilang pinananampalatayaan.

Kamakailan lang, nabalita sa Internet ang pagpatay ng mga ISIS sa isang grupo ng kanilang mga Kristiyanong bihag. Isinilid ang mga ito sa isang kulungan, pagkatapos, ibinaba sa isang swimming pool, at sa pamamagitan ng isang underwater video, na-i-record kung paano sila naghirap bago tuluyang malagutan ng hininga. Karumal-dumal. Nakakatakot.

Pero hindi na natin kailangang mapanood ito upang matakot.

Marami na tayong ikinakatakot. Ngunit sa harap ng mga bagay na ito, nawa’y ang Salita ng Panginoon ang magbigay ng lakas ng loob sa atin. Katulad ni Jairus, Huwag tayong mabagabag, manalig tayo!

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s