Diyos lang ang Tunay na Papurihan

Ika-14 Linggo sa Karaniwang Panahon—Taon B
July 6, 2015

11667190_10204485001507030_266432933_n

Kung iisipin, ang mga taong ito’y nakilala ang Panginoon sapagkat kasama Niya silang lumaki. At dapat lang na mas maging mainit ang kanilang pagtanggap Nila sa Kanya at sa mensaheng dala Niya. Sa halip, “Ayaw nila Siyang kilalanin.” Likhang sining ni Mark Anthony Ramos.

Sabi ng teacher ko noong college, simple lang ang subject na Public Relations. Ang explanation niya, you just have to do something good, and then, let the world know about it.

Ang unang pagbasa (Ez 2:2-5) at ang ating Ebanghelyo (Mc 6:1-6) ngayong Linggo ay parehong nagpapahayag ng mapait na karanasan ng mga propetang itinakwil ng mundo.

Fifteen years na nang natapos ako sa college. Pero hanggang ngayon, nasa puso ko pa rin ang explanation ng teacher ko. At napaisip ako, kung ang mga propeta kaya noong panahon ng Lumang Tipan ay gumamit ng PR para maihayag ang mensahe ng Diyos sa Kanyang bayan, ipagtatabuyan pa rin ba sila ng mga tao?

Sa ating unang pagbasa, ipinakilala sa atin si Propeta Ezekiel. Narinig nating ang Espiritu pa mismo ang lumukob sa kanya. Sa maikling pahayag din ng ating unang pagbasa, binigyan tayo ng ideya kung anong klaseng mga tao ang nakatira sa bayan kung saan siya isusugo: Mga suwail, mapaghimagsik, walang modo, at may katigasan ang mga ulo. Sa pagtatapos ng unang pagbasa, kapansin-pansin ang babala ng Diyos kay Ezekiel: Hindi ka nila papakinggan.

Kaya nga ang tanging masasabi natin kay Ezekiel, “Good luck!

Binibigyang diin naman sa ating Ebanghelyo ang karanasan ng ating Panginoon nang mangaral Siya sa mismong mga kababayan Niya. Kung iisipin, ang mga taong ito’y nakilala ang Panginoon sapagkat kasama Niya silang lumaki. At dapat lang na mas maging mainit ang kanilang pagtanggap Nila sa Kanya at sa mensaheng dala Niya. Sa halip, “Ayaw nila Siyang kilalanin.”

Nitong nagdaang dalawang Linggo, namalas natin kung gaano ka-posible ang imposible sa Panginoon: Pinatigil Niya ang bagyo (Ika-12 Linggo), pinagaling Niya ang babaeng dinudugo at binuhay Niya ang isang batang namayapa na (Ika-13 Linggo). Ngunit dahil sa katigasan ng ulo ng Kanyang mga kababayan, halos wala Siyang nagawang himala. Hindi dahil sa wala Siyang kapangyarihan, ngunit dahil wala silang pananampalataya sa Kanya.

Pananampalataya ang nararapat na tugon natin sa Panginoon na patuloy na kumakalinga sa atin, at pananampalataya rin ang nagbibigay sa atin ng liwanag upang hanapin ang tunay na kahulugan ng buhay (CCC, 26). Sa nangyari kay Hesus sa ating Ebanghelyo, malinaw na inilarawan ni San Marcos na hindi lang wala silang pananampalataya kay Hesus, ang malala pa dito, ayaw din nila Siyang kilalanin.

Sa Lumang Tipan ang mga propeta ay hindi lamang kinilala ng mga taong gusto nilang iligtas, sa kamay mismo ng mga ito, dumanas sila ng kalupitan. Halimbawa, si Propeta Isaias ay hinati sa dalawa ni Haring Manasseh sa pamamagitan ng paglalagari sa kanyang katawan; si Propeta Jeremias naman, matapos matakasan ang kamatayan ng maraming beses, ay pinatay sa pamamagitan ng pagbabato ng kanya mismong mga kababayan. At ganito rin ang sinapit ni Propeta Zacarias.

Si Propeta Ezekiel at ang ating Panginoong Hesus ay nabuhay sa dalawang magkaibang panahon. Ngunit sa kanilang karanasan, mababatid natin ang isang katotohanan: ang mga propetang hinirang ng Diyos ay itinataboy ng mundo.

Kung tutuusin, may mga pagkakataong nakakainis din ang mga propeta. Mayroon silang mga pananaw na hindi natin masakyan:  hinahamon nila tayong mas maging makatarungan, mas maging maunawain, mas maging mapagmahal at ginagawa nila ito sa kabila ng panganib na hindi natin sila mauunawaan.

Naninindigan ang mga propeta sa katotohanan, sa mga pagpapahalagang niyakap at itinuro ng ating Panginoon. Sa kanilang presensya lang, magdadalawang isip ang kanilang kaharap kung itutuloy ang bastos na biro. Ang bawat katagang namumutawi sa kanilang mga bibig ay nag-iiwan ng pagkabagabag sa puso ng mga makasalanang taong nakikinig sa kanila.

Ito’y marahil dahil binigyan sila ng biyayang malaman kung ano ang nais ng Diyos  para sa sangkatauhan. At para sa ating may mga makikitid na pag-iisip at nagnanais lamang na bigyang pansin ang ating personal na interes, hindi natin sila maunawaan, o mas tama sigurong, ayaw natin silang intindihin.

Ang mga propetang ito ay nag-aanyaya sa ating tanggapin ang Salita ng Diyos at humihikayat sa ating magbalik-loob tungo sa daang tatahak sa Panginoon: (1) Isipin naman natin ang kapakanan ng mga mahihirap; (2) kumampi naman tayo sa katotohanan; (3) itaguyod naman natin ang mga karapatan ng naaapi.

Tayong mga nakapakinig ng Kanyang Salita ay propeta ding maituturing sa gitna ng ating mga kaibigan at pamilya, sa ating mga opisina, sa mga classrooms natin, sa palengke, at maging sa social media: Nagiging huwaran nga ba tayo ng Kanyang Salita? Sa bawat post ba natin sa Facebook, mababatid na kakampi tayo ng Diyos? Masasalamin ba sa ating buhay na mayroong Diyos na punong-punong-puno ng pag-ibig?

Ang Plenary Council of the Philippines II ay humahamon sa buong Pilipinong Simbahang maging mga propeta (119-120, 525). Maniwala tayong dahil sa bisa ng sakramento ng binyag na tinanggap natin, mayroon tayong bokasyon ng pagiging isang propeta! Marami sa atin ay mabubuting mga Katoliko. Ngunit hindi sapat na magsisimba lang tayo tuwing Linggo at magsumikap na magpakabuti, tapos tapos na.

Ang salita ay nagpapatotoo sa gawa. Kailangan natin ang mga propeta para mapag-usapan ang mga bagay na nagawa nila. Kapag pinapahayag natin ang dahilan kung bakit natin ginagawa ang isang bagay, hinahamon natin ang kausap nating mag-isip-isip din. Mga kapwa ko propeta, kailangan din po ng mundong mapakinggan ang pinaniniwalaan natin!

Noong inordinahan kami bilang mga diyakono, pinuri ng mga tao ang isa kong kaibigang kumanta ng salmo. Tunay na maganda ang kanyang pagkakanta. Nasurpresa ako ng marinig ko sa kanyang “Praise the Lord!” matapos niyang matanggap ang isang papuri. Hindi siya nagpasalamat dahil sa papuring natanggap. Higit pa dito ang ginawa niya. Ibinalik niya sa Panginoon ang papuri sa pag-gamit sa kanya upang mahaplos ang damdamin ng mga nagsisimba.

Public Relation is the art of doing something good, and letting the world know about it.

Pero mas higit pa dito ang ginawa ng mga propeta na gumawa ng napakaraming kabutihan, ngunit hindi nila inaring kanila ang mga ito—sa kanilang buhay, masasalamin ang pagnanais na Diyos lamang ang tunay na papurihan.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s