Ang Mukha ng Pag-ibig ni Hesus

Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon–Taon B
19 Hulyo 2015

16th Sunday in Ordinary Time--B

At ito rin ang hamon sa atin, na sa pamamagitan ng ating buhay, maipamalas nawa natin sa ating kapwa ang mapagkalingang pag-ibig ni Hesus. Likhang sining ni Mark Anthony Ramos.

Naibulalas ng isa kong kaibigan sa Facebook ang kanyang paghanga sa transport system ng mga kapit-bansa ng Pilipinas. At napaisip siya, “Magaling namang manggaya ang mga Pinoy, bakit kaya hindi natin maisipang gayahin ang efficient na transport system ng mga nasa karatig bansa natin?”

Ito naman ang status ng isa ko pang kaibigan sa Facebook, “Diary ng Panget. Na taxi. Na bus. Na MRT. Ang Diary ng Panget na public transport system.”

Habang sinusulat ko ito, naalala ko ang pakutyang komentaryo ng isang radio announcer na sa Pilipinas daw matatagpuan ang pinakamalaking parking lot sa buong mundo: Ang EDSA.

Sa mukha ng napakapangit na sistema ng trapiko at transport system sa bansa, mapapatanong tayo “May malasakit nga ba ang mga pinuno natin?

Ito din ang tanong ng sambayanang Israel sa kanilang mga pinuno sa unang pagbasa ngayong Linggo (Jer 23:1-6). Dumaraan kasi sa matinding pagsubok ang kanilang bayan. Sinakop sila ng mga taga-Babilonya at ang masaklap pa nito, binigo sila nga kanilang mga pinuno. Imbes na itaguyod ng mga ito ang kapakanan ng bayan, inuna nila ang kanilang sariling interes.

Ginamit ni Propeta Jeremias ang imahe ng pastol bilang pinuno ng bayan, na siyang tagapag-alaga ng mga tupa. Ngunit sa halip na kalingain nito ang tupa, ang tupa pa mismo ang isinasakripisyo ng mga ito upang maisulong ang kanilang interes. Walang kagatol gatol na binigyan niya ng babala ang kanilang mga pinuno, “Parurusahan ng Panginoon ang mga namumunong walang malasakit sa kanilang mga nasasakupan at pinababayaang ang mga ito’y mangalat at mamatay.

Sa kabila ng babala niyang ito, mayroon siyang hatid na mensahe ng pag-asa para sa kanyang bayan: Ang Diyos na mismo ang magpapastol ng kanyang bayan. Titipunin Niyang muli ang  kanyang mga tupa at paparamihin ang mga ito. Hindi na sila muli pang daranas ng takot at agam-agam, at wala nang maliligaw kahit isa.

Ganito rin ang pag-asang hatid ng ikalawang pagbasa (Ef 2:13-18). Sa pamamagitan ng liham ni San Pablo sa mga taga-Efeso, binibigyang diin niya na sa pamamagitan ng Katawan ng ating Panginoon, tayo ding lahat ay titipunin niya. Sa pamamagitan Niya, ang pader na naghihiwalay sa mga Judio at mga Hentil ay nawasak na. At sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus, winakasan niya ang alitan ng dalawang bayan, kapwa pinapanumbalik sa Diyos at pinagbuklod sa iisang katawan.

Sa ating Ebanghelyo (Mc 6:30-34), muli nating mamamalas ang mapagkalingang pagpapastol ng ating Panginoon sa Kanyang kawan. Kababalik pa lang ng Kanyang mga apostoles mula sa kanilang misyon. Patunay ang daluyong ng mga taong sumusunod sa kanila na naging matagumpay sila sa kanilang misyon. Dahil din sa mga taong ito, hindi na sila makakain. Hindi man nagsabi ang Kanyang mga apostoles na kailangan nilang magpahinga, Siya na mismo ang nag-alok sa kanilang magtungo sa isang malayong pook upang mapalayo sa karamihan nang makapagpahinga kahit kaunti lang.

Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis. Kaya’t mula sa lahat ng bayan, ang mga tao’y mabilis na tumungo sa dakong pupuntahan nina Hesus at nauna pang dumating doon kaysa kanila. Nakita ng Panginoon ang napakaraming tao; nahabag Siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol.

Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ninyo kung kayo ang nasa kalagayan ni Hesus. Ako, tiyak na maiinis. Magdadahilan akong kailangan ko ng pahinga at kumain. Pero iba ang awa at pagkalinga ng Panginoon. Hindi ito marunong manala at hindi kumikilala ng kahit na anong dahilan kung ang isang miyembro ng kanyang kawan ang nangangailangan.

Kaya nga, maririnig natin sa salmo “Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang. Ako’y pinahi-himlay sa mainam na pastulan, at inaakay niya ako sa tahimik na batisan, binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.”

Mayroong isang kura paroko na sinabihan ng kanyang mga nasasakupang informal settlers na idedemolish ang kanilang barung-barong. Hiningan siya ng tulong na ipagdasal sila dahil pinapangambahan nilang may maganap na karahasan dahil tutol ang mga tao sa napipintong demolition.  Nag-isip siya kung ano ang dapat gawin.

Napagpasyahan niyang samahan ang mga ito sa mismong araw kung saan darating ang demolition team. Sa huli, natuloy ang pagsira ng mga bahay. Isa sa mga parukyano niya ang lumapit sa kanya upang magpasalamat. Anito, hindi naman nila inaasahang ang kanyang presensiya ay makapagpapahinto sa pag-demolish ng kanilang mga bahay. Ngunit ang mismong presensiya niya ay sapat na upang maramdaman nilang hindi sila nag-iisa.

Sa pamamagitan ng halimbawang ipinakita ng paring iyon, nagiging konkreto ang pag-ibig ng Diyos, nagkakaroon ng mukha ang Kanyang pagkalinga’t awa. Ang dalangin natin, sana kapag titingin tayo sa mga mukha ng mga namumuno sa atin, ganitong mukha din sana ang ating mamalas.

At ito rin ang hamon sa atin, na sa pamamagitan ng ating buhay, maipamalas nawa natin sa ating kapwa ang mapagkalingang pag-ibig ni Hesus.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s