Unlimited ang Pag-ibig ng Diyos!

Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon—Taon B
July 26, 2015

11696489_10204485001427028_1491764656_n

Ngayong Linggo, inaanyayahan tayo ng ating liturhiyang ituon ang pansin sa Panginoong hindi mangingiming gumawa ng himala upang busugin tayo. Likhang sining ni Mark Anthony Ramos

Sakristan: Father, nakita ko yung pilay nagdasal sa altar tapos tinapon saklay niya at naglakad!
Pari: Diyos ko! Isa itong himala!!! Asan siya?
Sakristan: Andun po nakadapa, basag ang mukha..

***

Ano ang pagkakaiba ng magic sa miracle?

Sa magic, nasusubukan ang galing ng isang magician. Mabilis ang kanilang mga kamay, at alam nila kung paano tayo lalansihin. Ngunit alam nating pagkatapos ng performance, at ng palakpakan, doon na rin natatapos ang palabas.

Iba ang miracle. Oo naman, meron ding spectacle, pero hindi lang sa performer ng miracle ang atensyon; pati na rin sa kung sinong nabiyayaan nito. At higit sa lahat, hindi ito natatapos lang sa isang palabas. Nagpapatuloy ang epekto nito, hindi lang doon sa nakatanggap ng himala, ngunit maging sa mga nakamalas nito!

Ngayong Linggo, hitik ang ating mga pagbasa ng mga himala.

Sa unang pagbasa (2 Ha 4:42-44), hindi lang napagkasya ang 20 na tinapay sa 100 na katao—mayroon pang lumabis dito! Narinig nating tumutol ang katulong ni Eliseo nang sabihan niya itong ihain ang mga tinapay sa lahat ng mga tao. Pero nagiging praktikal lang naman ang katulong, tiyak kasing hindi sasapat ang mga ito. Ngunit iba ang pinanghahawakan ni Eliseo: Ang salita ng Panginoong “Mabubusog sila at may matitira pa!”

At iyon nga ang nangyari.

Kung hindi kapani-paniwala ito, mas lalo naman ang naganap sa mismong Ebanghelyo (Jn 6:1-15). Nang tanungin ng ating Panginoon si Felipe, isa sa mga alagad niya, kung paano mapapakain ang napakadaming taong sumusunod sa kanila, sumagot ito, “Kahit na po halagang dalawandaang denaryong tinapay ang bilhin ay di sasapat para makakain nang tigkakaunti ang mga tao.” Alam naman ni Hesus ang nararapat Niyang gawin, tinanong lang Niya si Felipe upang subukin ito. Mula sa kung saan, si Andres, isa pa sa kanyang mga alagad, ang bumida, “Mayroon po ritong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay na sebada at dala­wang isda.”

Pero bigla din siyang kumabig, “Ngunit gaano na ito sa ganyang karaming tao?”

Kapagdaka’y sinabihan ng Panginoon ang mga apostoles na paupuin ang mga tao. Sa orihinal na wikang Griyego, ginamit ang salitang “anapesein,” isang posisyong tumutukoy sa klase ng pagkakaupo ng mga taong naghahanda upang dumulog sa lamesa.

Kinuha ni Hesus ang tinapay at matapos magpasalamat sa Diyos ay ipinamahagi sa mga tao; gayon din ang ginawa niya sa isda. Binigyan ang lahat hangga’t gusto nila. Matatandaang hindi lamang daan-daan ang nagsalu-salo ng limang tinapay at dalawang isda, ang bilang ng mga lalaki’y umaabot ng limang libo, hindi pa kasama dito ang mga bata at mga babae!

At nang makakain na sila, sinabi niya sa mga alagad, “Tipunin ninyo ang lumabis para hindi masayang.” Gayon nga ang ginawa nila, at nakapuno sila ng labindalawang bakol.

Ang pag-aala-ala ni Andres na hindi kakasya ang limang tinapay at dalawang isda ay katulad ng pag-aalinlangan ng katulong ni Eliseo na magpakain ng 100 tao sa pamamagitan ng 20 na tinapay. Ngunit maihahambing ang resulta ng dalawa: Sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, hindi lang lahat ng nakakain ay nabusog, mayroon pang lumabis mula sa Kanyang handog.

Sa mga kamay ng isang bata, ang limang tinapay at dalawang isda ay hindi sapat na magpakain ng isang laksa. Ngunit nang mapasakamay ng ating Panginoon, ang hamak na handog ay pumuno sa kalamnan ng mga nagugutom.

Ngayong linggo lang, naisipan kong mag-post sa Facebook ng isang tanong: “Ano ang gusto mong ipagdasal ko para sa iyo ngayong linggo?” Hindi ko inaasahan na madami ang tutugon dito. Marami sa atin ang naghahanap ng kasagutan. Hindi lang iilan ang nagugutom at nauuhaw. Mayroong nanghihingi ng kapatawaran, ng kapayapaan, ng pagmamahal.

Ngayong Linggo, inaanyayahan tayo ng ating liturhiyang ituon ang pansin sa Panginoong hindi mangingiming gumawa ng himala upang busugin tayo. Sa ating pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya, nagpapatuloy ang mapaghimalang pag-ibig ng Panginoon. Hindi lamang tinapay ang Kanyang handog sa atin, ngunit ang Kanya mismong katawan!

Isa sa mga paborito kong manunulat—isa rin siyang piloto—ang nagbahagi ng kanyang karanasan nang ilipad niya sakay ng eroplano ang dalawang galing sa isang disyerto. Dinala niya sila sa isang talon ng tubig. Dahil nga galing sila sa isang disyerto, minsan lang sila makakita ng isang talon, napako ang dalawa sa pagkakatitig sa masaganang tubig na bumabagsak mula sa gilid ng bundok, at sa dagundong ng tubig na nilikha nito. Ngunit napansin niyang dumidilim na. Kailangan na silang lumipad pabalik sa disyerto. Kinailangan niyang ulitin ng makadalawang beses ang kanyang paalala sa kanila. Nasurpresa siya nang sagutin siya ng isang “Hindi pa tayo puwedeng umalis. Hindi pa nauubos ang tubig!”

Marahil sa isang talong hindi nauubusan ng tubig maikukumpara ang pag-ibig ng Diyos sa atin: Hindi ito nauubusan ng pagmamahal. At walang pagsidlan ang kanyang pagmamalasakit sa atin. Hindi natin dapat pagdudahan ang kabaitan at pagmamalasakit at awa ng Diyos.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s