Sabi ni Jesus “#MayForever”

Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon—Taon B
02 Agosto 2015

Aug 2, 18th Sunday OT-B

Iyong paborito mong damit na pinakaka-ingat-ingatan, kumukupas din. Yung ulam na itinago mo para kainin ulit, napapanis. At ‘yung taong minsang nagpakilig sa iyo, kukunin din siya ni Lord. Kaya nga kung sisipatin mula sa anggulong ito, may punto ang mga taong nagsasabing #walangforever. Graphics by Mark Anthony Ramos.

Noong nakaraang Lunes, napakinggan natin ang pinakahuling SONA ng Pangulo. ‘Yung iba sa atin ay natuwa sa narinig mula sa talumpati ng Pangulo. At tulad ng nakagawian, meron din naman sa ating naghintay ng mga bagay na gustong mapakinggan mula sa kanya—ngunit hindi naman dumating, mayroong pinaka-hanap-hinanap ngunit tila sadyang mailap naman ito.

Marahil, sa ganito rin natin maihahambing ang unang pagbasa at Ebanghelyo ngayong Linggo. Mayroong hinahanap ang mga tauhan sa mga pagbasang natin sa Linggo.

Sa unang pagbasa halimbawa (Exo 16:2-4.12-15), nagpapatutsada kay Moses  ang mga Israelita na nakatakas mula sa pagka-alipin sa disyerto. Malaya nga silang maituturing, pero siyempre nga naman, kailangan nila ng makakain.

Anila kay Moses, “Mabuti pa sana’y pinatay na kami ng Panginoon sa Ehipto. Doon, nakakakain kami ng karne at tinapay hanggang gusto namin. Dito naman sa ilang na pinagdalhan ninyo sa amin, mamamatay kami sa gutom.”

Ang nakakatuwa dito, hindi pa man nasasabi ito ni Moses sa Diyos, mayroon na kaagad na tugon ang Panginoon. Bibigyan sila ng karne pagkagat ng takipsilim, at sa umaga nama’y pauulanan sila ng tinapay “hanggang gusto nila.”

Samantala, ang mga tauhan sa sipi ng ating Ebanghelyo (Jn 6:24-35) ay tila may hinahanap din. Sa katunayan, pilit sila sa kasusunod sa Panginoon. Ngunit nang makaharap nila ito, harapan Niyang sinabi sa kanilang nabusog silang lahat nang pakanin Niya ang mga ito nang tinapay. At iyon lang ang dahilan kung bakit nila Siya hinahanap.

Kung tutuusin, hindi naman mali na maghanap ng tinapay, o ng damit, o ng bahay. At alam ng ating Panginoon na pangunahin nating kailangan ang mga ito. Natural lang naman na hanapin natin kung saan tayo pwedeng makakuha nito.

Ngunit gustong bigyang diin ng Panginoon na hindi dapat ito lang ang pinagtutuunan natin ng pansin, na hindi lang ito dapat ang umuubos ng ating oras at lakas. Nilikha tayo para mabuhay ng pang-habang panahon at ang mga bagay na ito’y pansamantala lang. Gaano man sila kahalaga sa atin, alam nating hindi sila pang-habang buhay.

Iyong paborito mong damit na pinakaka-ingat-ingatan, kumukupas din. Yung ulam na itinago mo para kainin ulit, napapanis. At ‘yung taong minsang nagpakilig sa iyo, kukunin din siya ni Lord. Kaya nga kung sisipatin mula sa anggulong ito, may punto ang mga taong nagsasabing #walangforever.

Pero sandali lang. Naniniwala si Hesus na #mayroongforever.

Sa katunayan, Siya ang pagkaing nagbibigay-buhay.  At ang lumalapit sa Kanya ay hindi na magugutom; ang nananalig sa Kanya’y hindi na mauuhaw kailanman.

Sa ikawalang pagbasa (Ef 4:17.20- 24) pinapaalalahanan tayo ni San Pablo na sa pamamagitan ng ating Panginoon, tayo ay bago nang mga nilalang, at higit sa lahat, tayo ang bumubuo ng katawan ni Kristo. At dahil dito, hindi na tayo dapat pang mamuhay na gaya nang dati nating mga sarili. Kung tayo ang bumubuo ng katawan ni Kristo, ang hamon sa ati’y ituon ang ating mga paningin hindi sa mga bagay na naglalaho, kung hindi sa mga bagay na pang-habang buhay.

Maraming mga bagay na hindi tayo sigurado. Pero, mayroon din namang nagbibigay sa atin ng katiyakan.

Una, lahat tayo’y mamamatay.

At pangalawa, sa bisa ng pangako sa atin ni Hesus, muli tayong bubuhayin upang hindi na mamatay magpakaylanman.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s