Maging Pagkain Tayo Para sa Iba!

Ika-19 Linggo sa Karaniwang Panahon—Taon B
09 Agosto 2015

Aug 9, 19th Sunday OT-B

Tayong binibigyan ng panibagong lakas sa pamamagitan ng pakikinabang ng Kanyang Katawan ay may misyong ibahagi rin Siya sa iba sa pamamagitan ng pagtulad sa halimbawang iniwan Niya para sa atin. Graphics by Mark Anthony Ramos

Mayroon akong dating kakilalang nag-resign upang maghanap ng ibang mapagtatrabahuhan. Matagal din siyang nabakante. At dahil hindi siya makakita ng bagong trabaho, palagi siyang pinagsasabihan ng kanyang asawa.  Marahil narindi na rin siya sa mga reklamo nito kaya isang araw, nakita na lang siya sa kanilang banyo, nakabigti at wala nang buhay.

May mga pagkakataon sa buhay nating katulad niya, gusto na rin nating sumuko. Animo’y ang daming problemang dumarating sa atin na ‘di na nating makayang harapin pa. At parang ang pinakamainam at napakadaling solusyon ay sumuko na lang, h’wag nang mabuhay.

Ganito ang karanasan ni Propeta Elias sa ating unang pagbasa ngayong Linggo (1 Ha 19:4-8). Hinahabol siya ng mga hukbo ni Reyna Jezebel matapos niyang ipapatay ang maraming bulaang propeta nito. Binalaan siya ng reynang matutulad din ang kanyang kapalaran sa mga propetang nasawi. Wala namang kasalanan si Elias. Sinusunod niya lang ang utos ng Panginoon. Ngunit kailangan niyang tumako at magtago para na rin sa kanyang kaligtasan. Ngunit napagod na rin siya. At sa huli, nasambit na lang niya, “Panginoon, kunin na po ninyo ako. Ako po’y hirap na hirap na. Nais ko na pong mamatay.”

Dumating ang isang anghel at inalok siya ng tinapay at tubig. Kumain siya at uminom. Pagkatapos ay nahiga uli. Ngunit bumalik ang anghel ng Panginoon at sinabi sa kanya: “Bumangon ka at kumain. Napakahaba pa ng lalakarin mo.” Kumain nga siya at uminom at siya’y lumakas. Sa tulong ng pagkaing iyon, naglakbay siya ng apatnapung araw at apatnapung gabi, hanggang sa makarating sa Horeb, ang Bundok ng Diyos.

Ang pagkaing dulot ng anghel ay nagbigay ng panibagong lakas para sa kanyang katawan. Ngunit hindi doon nagtatapos ang kuwento. Pagkatapos siyang pakainin, ang hamon sa kanya’y magpatuloy sa paglalakbay patungo sa Bundok ng Diyos.

Nito lang linggong, habang kami’y nasa biyahe, nakasabay namin ang isang sasakyang may sakay na mga baboy. Sa itsura ng mga baboy, mukhang bilang na ang mga oras nila. Naawa ako. Pero mukhang naiinggit sa kanila ang katabi ko, sabi niya, “Mabuti pa sila, alam na nila ang misyon nila sa buhay.”

Sa ating Mabuting Balita ngayong Linggo (Jn 6:41-51), inihayag ng ating Panginoong Siya ang Pagkaing bumaba mula sa langit. Malinaw sa Kanyang iyon ang misyon Niya kung bakit Siya naririto. Ngunit tila hindi siya pinaniwalaan ng mga nakarinig sa Kanya. Ang patutsada nila, “Paanong magkakaganoon e kilala natin ang mga magulang Niya? Paano Niya masasabing bumaba Siya mula sa langit?”

Hindi rin natin sila masisisi. Hindi naman ganoon kalaki ang pananampalataya nila sa Panginoon. Hindi nga ba’t kaya lang naman sila sumusunod sa Kanya ay dahil nabusog sila sa tinapay at isdang pinamigay Niya sa kanila?

Sa pagdiriwang ng Banal na Misa, ang tinapay at alak na ihahandog sa altar ay nagkakaroon ng pagbabago: nagiging Banal na Katawan at Dugo ito ng Panginoon. Ngunit tayong pumipila upang makinabang sa pagkain ng Kanyang Katawan ay hindi lamang hinihimok na maniwala sa pagbabagong naganap. Higit sa lahat, tayo’y hinahamong magbago upang sa ating pakikinabang ng Kanyang Banal na Katawan, tayo’y maging tunay na bahagi ng Simbahan.

Tayong mga anak ng Diyos, ang paalala ni ni San Pablo sa ikalawang pagbasa (Ef 4:30-5:2), ay hinahamong tularan Siya. Maipapakita natin ito sa pamamagitan ng pag-ibig natin sa kapwa. Sa pagiging maawain natin sa isa’t isa, sa ating pagpapata­waran, tulad ng pagpapatawad sa atin ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo.

Tatlong taon na ang nakakaraan nang makilala ko ang isang bata habang nagbibigay kami ng formation sa mga kabataan. Parang may dinaramdam siya at talagang hindi maipinta yung mukha niya; natatandaan ko na hindi naman siya ganuon nu’ng mga nakaraang linggo. Tinanong ko siya kung bakit. Sabi niya, hindi pa daw siya kumakain. Binilhan ko siya ng lumpia. Medyo lumiwanag yung mukha niya. Tapos kinain niya yung isa at ibinulsa na niya yung tatlo. Tinanong ko siya kung anong gagawin niya dito. Hindi pa din daw kumakain yung ate niya, ititira na lang daw niya ito para sa kanya.

Sa pamamagitan ng mga katulad ng batang iyon, patuloy tayong binubusog ng Pagkaing minsang bumaba mula sa langit.

Tayong binibigyan ng panibagong lakas sa pamamagitan ng pakikinabang ng Kanyang Katawan ay may misyong ibahagi rin Siya sa iba sa pamamagitan ng pagtulad sa halimbawang iniwan Niya para sa atin.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s