Ang Pagkaing Nagbibigay-buhay

Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon—Taon B
16 Agosto 2015

Aug 16, 20th Sunday OT-B

Noong unang taon ko sa seminaryo, 15 taon na ang nakaraan, na-assign akong maglinis ng retreat house sa compound kung saan nandoon ang seminaryo. Sa isang poste ng retreat house na iyon, tumawag sa pansin ko ang nakapaskel na papel na may quotation galing kay Fr. Alfred Cogliandro, isang Italyanong Salesyanong misyonero sa bansa.

Hindi ko na tanda ang eksaktong nakasaad doon, pero ganito ko ito naintindihan: Nang nilikha tayo ng Diyos, sinadya niyang hindi tayo maging kumpleto. Kaya kahit na anong bagay o tao o pagpupunyagi ang ilagay natin sa ating buhay, hindi pa rin natin mapupunuan ang kakulangang iyon … Kaya mayroon pa ring pagkagutom at pagkauhaw … Mayroon pa ring paghahanap. At ang tanging makakapuno lang ng kakulangang iyon ay Siya mismong lumikha sa atin.

Naalala ko ito habang pinagninilayan ko ang liturhiya natin ngayong Linggo.

Sa unang pagbasa (Kaw 9:1-6), mababatid natin ang masidhing pagnanais ng Panginoon na makasalo tayo sa piging na inihanda Niya para sa atin. Kumpleto na ang lahat: Kinatay na ang hayop na pagsasaluhan, natimpla na din ang iinumin. Ang mesa ay punong puno ng pagkain!

At ang kanyang pangako sa mga makikisalo sa piging ay hindi lamang kabusugan, kung hindi karunungan at kapunuan ng buhay.

Maraming taong nagugutom. Ngunit ito’y hindi lamang pagkagutom sa pagkain. Ang iba’y kulang sa atensyon at sa pagmamahal. Ang iba’y nagnanais ng kapatawaran. At madalas, hinahanap natin ang kapunuan sa kakulangang ito sa mga tao o bagay o gawaing akala nati’y makapupuno nito.

Sa ikawalang pagbasa (Ef 5:15-20), pinag-iingat tayo ni San Pablo sa paraang kung paano tayo mamuhay. Sabi niya, huwag daw tayong maging mangmang. Nagmungkahi siya ng isang paraan kung paano mamuhay ng matalino: “sa pamamagitan ng pagsasamantala na makagawa ng mabuti.”

Ngunit hindi nga ba’t sa kabila ng ating pagsusumikap na gumawa ng kabutihan sa iba, sa pagpapatawad natin sa mga kakulangan nila, sa pagpapasensiya sa karupukan nila, madalas, nakakapagod na rin. Ngunit tunay na magagawa lang natin ang hamong ito sa pamamagitan ng ating Panginon.

Ngayong Linggo, muli tayong inaanyayahan ni Kristo sa Mabuting Balita (Jn 6:51-58) na makisalo sa pagkain ng Kanyang Katawan. Hindi lamang dahil may pangako Siyang ang kumakain ng Kanyang laman ay may buhay na walang hang­gan, at muling bubuhayin sa huling araw. Higit sa lahat, dahil sa pagkain natin sa Kanyang Katawan, hindi lamang tayo napapalapit sa Kanya, nagkakaroon Siya ng pagkakataong maipluwesiyahan ang buhay natin.

Kaya kung napapansin nating nanlulumo tayo, nanghihina, gutom, napapagal, huwag nang magpatumpik tumpik pa. Nandiyan lang Siya. Ang pagkaing pumupuno, bumubusog, nagbibigay ng buhay na walang kaparis, naghahandog ng buhay na walang hanggan!

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s