Anong buti ng lahat ng kanyang ginawa!

Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon—Taon B
06 September 2015

Ang pagiging bingi ay hindi lamang nakakaapekto sa ating pandinig. Maski ang paraan ng pagsasalita’y naapektuhan nito. Sa mga pagkakataong hindi natin marinig ng mabuti ang sinasabi ng Panginoon, wala rin tayong kakayahang magsalita ng patungkol sa Kanya. Likhang sining ni Mark Anthony Ramos

Ang pagiging bingi ay hindi lamang nakakaapekto sa ating pandinig. Maski ang paraan ng pagsasalita’y naapektuhan nito. Sa mga pagkakataong hindi natin marinig ng mabuti ang sinasabi ng Panginoon, wala rin tayong kakayahang magsalita ng patungkol sa Kanya. Likhang sining ni Mark Anthony Ramos

Reversal of fortune ang kadalasang tema ng mga dramang trahedya ng sinaunang Griyego. Ito’y tumutukoy sa pagbabago ng kapalaran ng isang tao sa lipunan. Halimbawa, isang hari na naging palaboy na lang pagsapit ng katapusan ng dula. O di kaya nama’y isang pulubi na pinalad na yumaman sa huli.  Tila ganito rin ang tema ng ating liturhiya ngayong Linggo.

Ang ating unang pagbasa mula sa aklat ni Propeta Isaias (Isa 35:4-7a) ay lumalarawan sa kalunos-lunos na sitwasyon ng bayang Israel na ipinatapon sa ibang bayan, at sa pagdating ng Panginoon, isang rebolusyon ang magaganap na hindi lamang magliligtas sa kanila mula sa kamay ng kanilang mga tagapag-usig.

Sa unang pagbasa, ginamit ang paglalarawan ng kung anong posibleng mangyari sa mga taong may kapansanan sa sandaling dumating na ang Panginoon. Silang mga bulag, bingi, pilay at pipi—mga taong madalas ay hindi naman binibigyan ng pansin ng ating lipunan dahil itinuturing na ‘iba’ sila ay pinahahalagahan ng Panginoon.

Sa ikalawang pagbasa (San 2:1-5), binibigyang diin ni Santiago na labag sa Kristiyanong pagmamahal ang pagtangi sa mga nakaka-angat sa buhay—sa puntong hindi na natin nabibigyan ng atensyon ang mga mahihirap. Para sa kanya, ang Simbahan ay isang pook kung saan hindi dapat nangyayari ang ganitong klaseng pag-kiling.

Madalas ay nakakalimutan nating “Hinirang ng Diyos ang mga dukha sa sanlibutan upang maging mayaman sa pananampalataya at maging kasama sa kahariang ipinangako ng Panginoon sa mga umiibig sa kanya” (San 2:5).

Sa ating Mabuting Balita (Mc 7:31-37), binigyang katuparan ng ating Panginoon ang pangitain ni Isaias sa unang pagbasa sa pamamagitan ng pagpapagaling Niya sa isang lalaking may kapansanan.

Sa tagpong iyon, hiniling nilang ipatong ni Hesus ang Kanyang mga kamay upang mapagaling ang lalaking bingi at utal. Ngunit hindi eksaktong ganoon ang ginawa ng Panginoon. Inilayo ni Hesus ang lalaki mula sa karamihan. Maraming ibig sabihin ang ginawang iyon ng Panginoon: hindi niya nais na magpakitang-gilas sa harap ng marami, o ‘di kaya naman ay  ayaw Niyang mas lalong mapahiya pa ang lalaking may kapansanan.

Hindi man natin batid kung ano ang tunay na kahulugan nito, sa pag-kilos na ito ng Panginoon, binibigyan ng pansin ni San Marcos ang kalahagahan ng sandaling kasama ng lalaki ang Panginoon. Lalong higit sa ating panahon ngayon, kung saan iba’t-ibang boses ang nag-kukumpitensiya sa ating atensyon, mahalagang makapag-laan tayo ng oras at lugar kung saan alam nating mas higit nating mapagtutuunan ng pansin ang boses ng Diyos.

Hinilom ng Panginoon ang pagiging bingi ng lalaki. Ngunit marahil, hindi lang ang tenga ng lalaki ang pinagaling ng Panginoon. Mahal ng Diyos ang kabuuan natin, ang lahat-lahat na mayroon tayo, at hindi lamang ang bahagi ng ating katawan na nangangailangan ng pansin. At sigurado akong, maski ang kaluluwa nito ay pinagaling din sa karamdaman.

Ang pagiging bingi ay hindi lamang nakakaapekto sa ating pandinig. Maski ang paraan ng pagsasalita’y naapektuhan nito. Sa mga pagkakataong hindi natin marinig ng mabuti ang sinasabi ng Panginoon, wala rin tayong kakayahang magsalita ng patungkol sa Kanya.

Ang karanasan ng lalaki na pinagaling ng Panginoon sa Kanyang karamdaman ay isang karanasang nagpakilala sa Kanya sa kadakilaang ng Diyos, at malamang, buong buhay Niyang pupurihin ang Diyos sa Kanyang kabutihan.

Sa pagtatapos ng sipi ng ating Mabuting Balita, naibulalas ng mga nakasaksi “Anong buti ng lahat ng kanyang ginawa!”

Nawa’y sa pamamagitan ng matiim na pakikinig sa boses ng Diyos sa ating buhay—sa pamamagitan ng mga taong nakapaligid sa atin, sa mga biyayang  tinatamasa natin, sa ganda ng buhay na mayroon tayo—nawa’y ganito rin palagi ang ating masambit.

Upang tayong nakatanggap ng Kanyang pagmamahal ay maging isang instrumento din ng paghilom sa karamdaman ng iba.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s