“Ilan nga ba ang langit?”

Ika-26 Linggo sa Karaniwang Panahon–Taon B
27 September 2015

27 Sept DB

…Hindi kasi kaibigan o kapit-bahay ang turing natin sa ibang dapat nating handugan ng pagmamahal—ngunit ka-kumpitensiyang kailangan nating daigin, kaaway na kailangan nating patumbahin. Graphics by Mark Anthony Ramos

Ito ang tanong ng isang bata sa nanay niya dahil sa iskwelahan daw nila, may mga kaklase siyang ka-anib sa iba’t-ibang relihiyon. Dahil nga daw ang bawat isa’y may pinaniniwaalaang kanya-kanyang “Diyos,” at “magkaka-iba” ang mga ito, dapat lang na may kanya-kanyang “langit” din ang bawat isa.

Hindi ako sigurado kung napagtuunan na ninyo ng pansin ang bagay na itong tumawag sa atensyon ng bata. Pero ang mga tauhan sa ating mga pagbasa ngayon ay nalagay sa ganitong kaisipan: Iba kami sa kanila.

Sa unang pagbasa, iniutos ng Panginoon kay Moises na pumili ng pitumpo mula sa kanyang pangkat. Babahaginan ng Panginoon ang mga ito ng Kanyang espiritu upang matulungan nila si Moises sa gawaing pamamahayag.

Ngunit may dalawang pinuno ang hindi sumama sa grupo. At may isang binatang nakakita sa dalawang ito na nagpapahayag na parang nga propeta din. Tinanong ni Hosue kay Moses kung  sasawayin niya ang dalawa. Ang tanong naman ni Moses sa kanya “Bakit? Nangangamba ka bang ako’y mabawasan ng karangalan?”

Dagdag pa ni Moses, “Gusto ko ngang maging mga propeta at mapuspos ng Espiritu ng Diyos ang lahat ng mga Israelita.”

Sa tanong ni Hosue, masasalamin ang kakaibang pag-uugaling mayroon ang marami sa atin patungkol sa mga taong hindi natin katulad: mayroong panglalait, may pang-aakusa, mayroong pang-mamaliit.

At sa pamamagitan ng tugon ni Moises sa kanya, mahimasmasan sana tayo sa katotohanang hindi ito ang kalooban ng Diyos para sa atin.

Sa Mabuting Balita, halos ganito rin ang eksena.

May nakita ang mga alagad ng Panginoon na nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng pangalan ng Panginoong Hesus. At dahil hindi naman sila kabilang sa grupo, pinagsabihan nila ito. Ngunit nagulat sila nang ipag-utos ni Hesus sa kanilang hindi nila ito dapat na ginawa, sapagkat walang taong matapos gumawa ng kababalaghan sa pangalan ng Panginoon ang agad magsasalita ng masama laban sa Kanya.

Magandang pagnilayan ang sinabing ito ng Panginoon. Para sa Kanya, hindi dapat na ituring na kalaban ang ibang taong hindi natin katulad. Hindi man tayo pareho, pero hindi ibig sabihin nito ay may dahilan na tayo para ituring na kalaban ang iba.

Sa pag-uugaling iyon ng mga alagad, pinamukha sa kanila ng Panginoon, at marahil, maging sa atin din, na buksan dapat natin ang ating isip at puso para sa iba.

Sa sulat ni Santiago sa ating ikalawang pagbasa, mayroon siyang binigay na konkretong halimbawa ng pagkakanya-kanya.  Binigyan niya ng babala ang mga mayayamang hindi pansin ang paghihirap ng kapwa. Dahil bingi sila sa pananangis at pighati ng maralita, mauuwi lamang daw sa kinalawang na ginto at bulok na kayamanan ang inimpok nila pagdating ng huling araw.

Pero hindi lang naman iyong mga may kaya ang dapat na mangamba. Tayo man din na mayroong kakayahang tulungan ang iba, ngunit hindi naman kumikilos upang isagawa ito. Sa jeep halimbawa, isang pasaherong nakaupo sa dulo, nagsisisigaw na upang i-abot ang bayad, pero naging busy ang lahat para hindi siya mapansin. Mahirap bang mag-abot ng bayad ng iba?

Nang dumalaw ang Santo Papa sa bansang Cuba nitong nagdaang linggo lang, naibahagi niya sa mga kabataan doon na dahil sarado tayo sa iba, minsan, mayroon na tayong sariling mundo, at dito na lang naka-sentro ang ating pag-iral.

Ang marami sa atin ay ikinagagalak at ipinagkakapuring sabihin na “katoliko sarado” daw sila. Pero ano nga bang ibig sabihin ng katagang ito? Na tayo lang ang maliligtas? Na ipipikit natin ang ating mga mata at tenga sa paghihirap ng mga taong hindi naman kaanib sa relihiyon natin? Na dahil tayo lang ang may “tamang gawi,” ayon sa sinasaad ng ating Simbahan, tama lang na tingnan natin ng may pang-huhusga ang iba?

May sinabi rin ang Santo Papa na may kaugnayan dito. Kapag ang isang relihiyon daw ay sinarado ang kaisipan sa kanyang mismong sarili lang, nagiging napakaliit lamang nitong kumbento, at nawawala ang kahusayan nitong ituro ang daang patungo sa Panginoon. At ang Ebanghelyo ay nagiging isang ideolohiya na lamang. Ngunit dapat nating matanto na ang Ebanghelyo ay hindi isang ideolohiya, hindi lamang itong prinsipyo, ito’y Mabuting Balita na inihahayag hindi lamang para sa iilan.

Nagbabala si Professor Michael Tan, isang anthropologist, na hindi lang daw tayo nawiwili na hindi kausapin o bigyang pansin ang kabilang kampong tinagurian na nating kalaban, dumarating din sa panahong nagkakaroon na rin ng karahasan. Kaya nga hindi nakakapagtakang hitik ng karahasan ang kasaysayan ng tao. Hindi kasi kaibigan o kapit-bahay ang turing natin sa ibang dapat nating handugan ng pagmamahal—ngunit ka-kumpitensiyang kailangan nating daigin, kaaway na kailangan nating patumbahin.

Nagsimula ako sa tanong, “Ilan nga ba ang langit?”

Ang dalangin ko, sana, tayong nagsimba ngayon at nakapakinig ng Salita ng Diyos, alam ang sagot sa tanong na ito.

Pero ang mas mahalaga, ang ating sagot nawa ay makita sa araw-araw nating pamumuhay.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s