…at ang Dalawa ay Naging Iisa!

Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon–Taon B
04 October 2015

27sun

Nandoon ang Diyos hindi lamang upang sumaksi, ngunit upang pagtibayin din ang pagsasamahan ng mag-asawa sa hirap at ginhawa, sa sakit man o kalusugan, at sa habang buhay. Graphics by Br. Paul Aldrin Dungca, SDB

Maraming nagugulat kapag narinig nilang umaabot ng mahigit sampung taon bago maging isang ganap na pari ang isang seminarista. Matagal nga naman talaga kung tutuusin. Pero naman. Ang pagpapari ay isang bokasyong pang habang buhay.

Parang pagpapakasal.

Pero ako naman ang nagulat nang nalaman ko kung gaano tumatagal ang pre-cana seminar—Ito ay isang pag-aaral tungkol sa buhay pag-aasawa na binibigay  ng Simbahang Katolika sa mga gustong magpakasal sa simbahan—isang araw lang!  Pero hindi ba na pang habang buhay din ang buhay pag-aasawa?

Pang habang buhay nga bang talaga? Ang kalakaran ng ating lipuna’y nagsasabi sa ating tanggapin ang realidad na mayroong pagsasamang hindi nag-tatagal. Ang karanasan ng iba’y pagkatapos ng kasal, hindi maiiwasang hindi maghiwalay. Ngayong Linggo, inaanyayahan tayo ng ating liturhiyang pagtuunan ng pansin ang kahalagahan ng sakramento ng kasal.

Simulan natin sa unang pagbasa, sa aklat ng Genesis, ang pinaka-unang aklat ng Bibliya. Hindi daw mainam na mag-isa ang tao. At kahit na may iba pa siyang kasama sa paraiso—mga hayop na nasa parang, o lumilipad sa himpapawid, mga hayop na mababangis o maging yung mga maaamo—walang angkop sa mga ito na makasama o makatulong niya. Maliban na nga lamang sa isa—sa mismong kauri niya. Isang tao ring katulad niya ang ipinagkaloob sa kanya upang hindi na siya mag-isa.

Ito ang dahilan kaya iniiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina upang sumama sa kanyang asawa, at dito, sila’y nagiging iisa. Hindi ba’t ganito ang gawi ng mga tunay na nagmamahalan? Kinokompleto nila ang bawat isa. Parang buy one take one… Parang champuradong kailangan ng gatas, ng kape at ng creamer, ng itlog maalat at kamatis. Ang dalawang magkaibang bagay ay halos nagiging isang bagay na lamang. Ganoon din ang mga puso ng mag-asawang nagmamahalan—isa na lang ang tinitibok nito—ang pagmamahalan ng bawat isa.

Sa ating Mabuting Balita, tinanong ng mga pariseo ang Panginoon “Naaayon ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?” Alam na nila ang sagot sa mismo nilang tanong. Gusto lang nilang siluin ang Panginoon. Noong panahon kasi nila, katulad din ng nangyayari sa panahon natin ngayon, mainit na paksa ang diborsyo.

Ang paniniwala nila, ayos naman daw kay Moises na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa. Sa tradisyon nila, kung ang babae ay kinakitaan ng isang kahiya-hiyang bagay at hindi ito naging kalugod-lugod sa kaniyang asawa, lalagda na lang ito ng isang kasulatan ng paghihiwalay, at matapos niyang ibigay ito sa babae’y malaya na ang bawat isang humanap ng ibang puwedeng mapakasalan (Deut 24:1).

Ito ang problema, ano ang kahiya-hiyang bagay na maaaring maging dahilan upang hiwalayan ng lalake ang babae? Alam nating pangangalunya ang isa sa mga angkop na sagot. Ngunit may mga pagkakataong dahil sa lumalamlam na ang pagtingin ng lalake sa babe, kahit ultimo hindi kahusayan sa pagluluto ng babae ay maaaring dahilan ng paghiwalay ng lalake.

At isa pa, sa isang lipunang katulad nila, lalaki lamang ang pwedeng magreklamo tungkol sa kapareha. Walang karapatan ang mga babaeng manguna sa pakikipaghiwalay sa kani-kanilang mga asawa. Ano na ang nangyari sa “babae at lalaking iniiwan ang kani-kanilang mga magulang upang maging isa”? E sa bisa lang pala ng isang kasulatan, malalagot na ang bigkis na magtatali sa kanila sa pang habang buhay.

Bukod sa tapat na pagmamahalan ng mag-asawa, ang sandigan ng kasal ay nakatuon  sa pundasyon ng pantay na dignidad ng babae’t lalaking nagtatagumpay sa pag-inog ng panahon, impluwensya ng kultura, at maging ng iba’t-ibang pangyayaring nagaganap sa ating lipunan.

Ito ang gustong bigyang diin ng Panginoon, at inaanyayahan Niya tayong lingunin nating muli ang orihinal na plano ng Ama ‘Nilalang niya silang lalaki at babae. Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa, at sila’y magiging isa.’

Mga kapatid, matapat ang Diyos. Humingi  tayo ng tulong sa kanya, ng gabay, ng inspirasyong maging matapat din sa ating kapareha.

May mga pagkakataong dumaraan sa pagsubok ang pagsasama ng mag-asawa. May karupukan ang tao, mahina, nagkakasala.  Ngunit, huwag sana nating kalimutang ang babae at lalake ay hindi lamang naging iisa sa bisa ng kanilang pagtanggap sa isa’t-isa sa sakramento ng kasal. Nandoon ang Diyos hindi lamang upang sumaksi, ngunit upang pagtibayin din ang pagsasamahan ng mag-asawa sa hirap at ginhawa, sa sakit man o kalusugan, at sa habang buhay.

Advertisements

One comment

  1. Bigyan natin muli ng kahalagahan ang pagkaroon ng asawa sa dalawang nilalang na namumuhay sa mundo. Parang binabalewala na sa ngayon ang Sakramentong Kasunduan na Pagtaguyod ng Masayang Pamilya

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s