Tagasunod ni Kristo, Lingkod ng Panginoon

Ika-29 Linggo sa Karaniwang Panahon—B
18 October 2015

29 sun

Ang daan patungo sa Panginoon ay makitid, at batbat ng pasakit. Nawa, sa pamamagitan ng katawan ni Kristong ating pinagsasaluhan, magkaroon tayo ng lakas ng loob, at tibay ng sikmurang sumunod sa Kanya sa daan ng krus na Kanyang tinahak. Graphics by Br. Paul Dungca, SDB

Sa ‘initiation rites’ na pinagdaanan namin bilang mga junior seminarians, mayroong ipinainom sa amin mula sa isang plastic cup. Hanggang ngayon, sariwa pa sa panlasa ko kung ano ang laman niyon: kape, suka, asukal—at sabi ng isa sa mga higher years na nag-organize nito, nilahukan pa daw ito ng dinurog na mabolo!

Ang tanda ko, 13 kaming uminom ng laman ng basong iyon. At sa huling bilang ko, apat na lang kaming nagpatuloy. Ang karamiha’y pinili ang buhay sa labas. Pwedeng sa labas nila nasumpungan ang tawag sa kanila. O ‘di kaya naman ay dahil mahirap nga ata talaga ang buhay sa loob.

Sa Mabuting Balita, maririnig natin ang pagnanais ng dalawang alagad ng Panginoon na uminom din mula sa basong iinuman ng Panginoon. Kung sa panahon natin ito magaganap, ito ang maibabansag sa dalawang: mga #feelingero!

Ngunit ang pag-inom sa basong iinuman ng Panginoon ay sumisimbolo sa kahandaan nilang isagawa ang misyong ibibigay sa kanila, kahit pa may kalakip itong paghihirap. Ang diretsang tanong ng Panginoon sa kanila at ganito: Mababata ba ninyo ang hirap na babatahin ko? At walang kagatol-gatol, ang sagot nila ay ganito: Opo.

Sa unang pagbasa, pinapaalala sa atin ang paghihirap na dinaanan ng matuwid na Lingkod. Ngunit sa paghihirap niyang ito hindi siya mag-iisa, tatanglawan ang kanyang daraanan patungo sa kalooban ng Diyos. Kung kaya naman ang kanyang paghihirap at pagdurusa ay magsisilbing isang alay, isang kaloob. Tanda ko ang katagang paboritong sambitin ng isang paring misyonero “something to suffer, something to offer.”

Iyon marahil ang nagbigay ng lakas ng loob sa Lingkod upang mapagtagumpayan ang mga paghihirap na kailangan niyang suungin. Hindi na natin marahil kailangan pang paalalahanan na mahirap ang buhay. Ito’y isang realidad na araw gabi’y kasama na natin. Ngunit marahil, nalilimutan nating may kahulugan sa likod ng paghihirap na ito. Katulad ng Lingkod na sinuong ang maraming pasakit, nawa’y maging batid tayo sa katotohanang may pupuntahan ang ating pagsasakripisyo.

Nitong taon lang, nagkasakit ang tatay ng isa kong kaibigan. Kailangan nilang gumastos upang matustusan ang pagpapa-pagamot sa kanya. Makalipas ang ilang buwan, kamakailan lang, binawian ito ng buhay. Mabait ang kaibigan mo. Madasalin. Mapagkawang-gawa, nagsusumikap tupdin ang kalooban ng Diyos. At sa nangyaring ito sa buhay niya at ng kanyang pamily, napatanong ako, Ano kaya ang nais ipahatid ng Diyos sa karanasan niyang ito?

Nitong linggo lang, ipinagdiwang natin ang kapistahan ni Sta. Teresa. Napakalapit ng babaeng ito sa Panginoon. Minsan, sakay ng isang karitela patungo sa isang bagong bukas na kumbento nasira ang karitela at bumagsak siya sa putikan. Walang kagatol-gatol, nasabi nito sa Panginpon “Hindi ako nagtatakang kaunti ang mga kaibigan mo. Dahil ganito mo sila ituring.”

Nakausap ko ang nanay ng kaibigan ko, ang tanging nasabi ko sa kanya, magpakatatag siya. Ako ang nagulat sa tibay ng kanyang dibdib. Alam niyang nandoon pa ang kanyang mga anak. At sa pamamagitan nila, ramdam niya ang tulong ng Panginoon. Hindi siya nag iisa.

Ganito marahil ang tinutumbok ng ikalawang pagbasa. Inaanyayahan tayong tingnan ang ating Panginoong Hesus bilang isang dakilang saserdote. Sa Bibliya, ang tungkulin ng pari ay ipamagitan ang tao at ang Diyos sa pamamagitan ng pagbigkas ng mga panalangin at paghahain niya ng sakripisyo.

Ngunit si Hesus ay hindi lamang isang paring naghandog ng alay—Siya mismo ang sakripisyong ating inialaay upang maipanumbalik ang ating nasirang relasyon sa Ama. Sa pamamagitan ng kanyang dugo, nagkaroon tayong muli ng bagong buhay.

Nang ordinahan ako bilang isang diakono, umiinom na rin akong madalas sa kopang iniinuman ng pari tuwing ipinagdiriwang ang banal na Uukaristiya. Madalas, nahuhuli ko ang aking sariling bumubuwelo muna bago tuluyang tunggain ang dugo ng Panginoon na nasa anyo ng alak. Hindi kasi ako nasanay na uminom ng alak. Mayroong pait, at kaunti pa lang ang naiinoam ko ay madali akong tamaan. Ngunit alam ko din na sa bawat pagtungga ko sa kopa, naroon ang alingawngaw ng paanyayang binigay sa mga alagad, ang hamon ng Panginoon: Kaya mo bang batahin ang hirap na kailangan Kong pagdaanan?

Tayong mga binyagan ay nakikiisa sa hamong ito na binigay sa mga alagad. Ang daan patungo sa Panginoon ay makitid, at batbat ng pasakit. Nawa, sa pamamagitan ng katawan ni Kristong ating pinagsasaluhan, magkaroon tayo ng lakas ng loob, at tibay ng sikmurang sumunod sa Kanya sa daan ng krus na Kanyang tinahak.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s