“Kaya ko ring maging Santo!”

Kapistahan ng mga Banal
November 1, 2015

nov1_allsaintsday

“Kaunting bato, kaunting semento, monumento!” Madalas, ito ang tingin natin sa mga santo: isang statwa. Ngunit malayo ang kalagayan ng isang statwa sa isang santo. Malayong malayo. Graphics by Prenovice Jonas Lacson.

Ang sementeryo sa La Loma, sinasabing ang pinakamatandang sementeryo sa kamaynilaan, ang destinasyon namin ni Mama kapag sumasapit ang panahong ito. Bitbit ang mga biniling bulaklak galing sa Dangwa, mga kandila, at ilang makakain, gugugulin namin ni Mama ang pagdarasal ng rosaryo sa puntod ng aming mga yumaong kamag-anak.

Sa kapal ng daluyong ng mga taong pumapasok at lumalabas sa sementeryo, hindi ko maiwasang hanapin sa arko ng sementeryo ang mga salitang “Campo Santo,” isang posibleng salin sa Tagalog ay “kuta ng mga santo.” Hindi man kilalang santo ang mga nakahimlay doon, ngunit dahil binyagang mga Kristiyano sila, kinikilala ng Simbahan ang kanilang pagpupunyagi upang mabuhay sa daan ng kabanalan, sa landas patungo sa Panginoong Hesu-Kristo.

Ang litrato ay mula sa www.theurbanroamer.com

Ang litrato ay mula sa http://www.theurbanroamer.com

Ngayong araw, ginugunita natin ang kapistahan ng mga banal na katulad nila. At kung mayroong pinakamahalagang mensahe ang araw na ito sa bawat isa sa atin: Tayong lahat ay inaasahang maging santo!

Sa Unang Pagbasa, nahayag ang isang pangitain kay Juan. Tumambad sa kanyang mga mata ang napakaraming mga banal. Napakarami daw nila na hindi kayang bilangin ninuman! Inilarawan niya na “Sila’y mula sa bawat bansa, lahi, bayan, at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at ng Kordero, nakadamit ng puti at may hawak na mga palaspas.”

Isinulat ang Aklat ng Pahayag sa panahong dumaraan sa matinding problema ang bayang Israel. Sakop sila ng mga mababangis na kalaban, ngunit sa dilim ng hinaharap, mayroong kislap ng liwanag na nagbigay sa kanila ng pag-asa, “Ang kaligtasan ay mula sa Kordero, at sa ating Diyos na nakaluklok sa trono!”

Ang pagiging banal ay hindi naman ibig sabihin na wala silang pagkululang, na wala silang kasalanan. Ngunit ito’y pagpupunyagi na sa gitna ng mga pagsubok ng buhay, naroroon ang ang pagsisikap na sundin ang kalooban ng Diyos. Ang ganda ng linyang #hugot  ng manunulat na si Oscar Wilde. Sabi niya, “Every saint has a past, and every sinner has a future.”

Sa Ikalawang Pagbasa, ito rin ang binibigyang diin ng sulat ni San Juan. Tayong ang inaasahan ang Panginoon ay tumutulad kay Kristo, nagsisikap maging malinis. Pinapaalalahananan niya tayong tinatawag tayong mga anak ng Diyos. Sa bawat pagpupunyagi nating daigin ang masama, lupigin ang kasalanan, pinapatunayan natin ang katotohanang ito.

Kaya nga, may mga kakilala tayong alam nating hindi naman mga talagang banal, pero andoon ang pagsisikap upang maging mabuti, upang maging “ilaw at asin ng sanlibutan,” pinapakita nila sa atin na higit na mas nagkakaroon ng kahulugan ang buhay sa bawat pagtindig sa sandaling madapa.  Hindi dahil kaya nila itong mag-isa, ngunit dahil mayroong Diyos na palagiang kaagapay nila. Tunay na tunay, mapapalad ang mga banal dahil mayroong Diyos!

Mayroon akong narinig na ganitong kasabihan “Kaunting bato, kaunting semento, monumento!

Madalas, ito ang tingin natin sa mga santo: isang statwa. Ngunit malayo ang kalagayan ng isang statwa sa isang santo. Malayong malayo. Sa liham ni Juan Pablo II, sabi niya, ang kabanalan ay hindi lamang isang antas ng buhay, ngunit isang tungkulin.

Ganito ang isinasaad sa ating Mabuting Balita. Malinaw na iginuhit ni San Mateo ang larawan ng mga banal na mismong halaw sa katangian ng ating Panginoon. Hindi lang dapat na mayroon silang personal na pakikitungo sa Diyos (5:3-6); ang relasyong ito ay mayroon ding dapat na kaugnayan sa iba (5:7-12).  At sa ating nakaganap sa hamong iyon, dapat tayong “Magdiwang at magalak, sapagkat malaki ang [ating] gantimpala sa langit.”

Kapag nagdiriwang ako ng sakramento ng binyag, madalas kong itanong sa mga magulang kung ano ang pangarap nila sa kanilang mga anak. Madalas, naibubulalas nila na gusto nilang magkaroon ito ng magandang buhay. Makatapos ng pag-aaral. Maging doktor, abogado, engineer. Ngunit sa mata ng Simbahan, ang pinakamainam namaaari nating pangarapin para sa isang mahal na buhay ay maging isang santo. Dahil sa pagiging isang banal, masusumpungan natin ang kaganapan ng buhay ng isang tao.

Habang nagpupugay tayo sa mga santo, hamunin din natin ang ating sarili, “Sa tulong at biyaya ng Diyos, kaya ko ring maging Santo!”

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s