Pag-ibig na walang hanggan

Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon–B
08 November 2015

wpid-wp-1446965930840.jpeg

Sa ating liturhiya ngayong Linggo, nakilala natin ang tatlong pigurang handang magbigay hindi mula sa kanilang kalabisan, nagbigay sila, kahit na wala na silang maibibigay pa. Nawa’y matutuhan din nating buhayin ang halimbawang kanilang ipinakita. Guhit ni Fr. Anotnio Molavin, SDB

Ipinakikila ng ating liturhiya ngayong Linggo ang mga personalidad na hindi lamang nagbigay mula sa kanilang kalabisan. Tunay silang nagbigay, mula sa kanilang kakapusan. Hanggang wala nang matira sa kanila.

Sa Unang Pagbasa, tila hindi na mahalaga ang kanyang pangalan kaya hindi na ito isinama pa sa kuwento. Inilarawan na lamang siya, ang balong mula sa Sarepta.

Tama nga na ang balong kanyang hiningan ng tulong ay kumukuha ng panggatong. Ibig sabihin, mayroon silang iluluto, mayroon silang kakainin! Ngunit iginiit ng balo sa kanyang ito na ang huling pagkaing kanyang isisilbi sa kanyang anak dahil said na ang kanilang sangkap. Mali ang tiyempo ni Elias. Dumaranas ng tag-gutom ang buong lupain. Hindi nagpapaligoy-ligoy ang balo. Wala na rin silang pagkain.  Ang kakaunting sangkap na natira sa banga ay ang tanging magsasalba sa kanilang mag-ina. At isa pang bibig na sasalo sa kanila, magkakaroon na sila ng problema.

Ngunit ewan niya, hindi niya rin naintindihan ang sarili. Sinunod niya ang propeta. Kung mayroon man siyang dinaramdam, hindi na natin malalaman pa. Ang alam lang natin, wala siyang pinakawalang katanungan o mura man patungkol sa propeta. Binigay niya ang lahat-lahat hanggang wala nang matira pa sa kanya.

Sa Ebanghelyong ating narinig, may isa na namang balong nasali sa kuwento. Kung hindi siya binigyang pansin ni Hesus, malamang, hindi rin natin siya mapupuna. E kasi naman, sangkatutak at naglalakihan ang mga inihulog na abuloy ng mga nauna sa kanya.  Ngunit hindi na natuos ni San Marcos kung magkano ang halaga ng kanilang inabuloy sa templo. Siguro, sobrang laki nito at hindi na kailangang bilangin pa. Basta, malaki ito! Ngunit kapansin-pansin na natuos ang kakarampot na halagang nanggaling sa balo:  dalawang kusing na katumbas ng isang pera.

Malaking abuloy ng mga may kaya, ng mga mayayaman laban sa dalawang kusing na inihulog sa abuluyan mula sa isang balo.  Kahit saang anggulo natin sipatin, hindi tamang ipagkumpara ang dalawa—dehado ang galing sa balo! Ngunit mayroong pagtutuos na alam ang ating Panginoon na kaiba sa paraan ng pagbibilang na itinuro sa atin ng mundo. Ang alam Niya at ipinasa sa Kanyang mga tagasunod ay hindi tumingin sa halaga ng kung anong ibinibigay ngunit sa bukas loob na pagbibigay. Hindi iyong galing sa bulsa, kung hindi yung galing sa puso.

Bukod sa dalawang kusing na iniwan ng balo sa templo, nag-iwan din siya ng araling hindi matutumbasan ng anumang halaga. Ang ating Panginoon ang nagbulalas nito sa kanyang mga alagad, “Sinasabi ko sa inyo: ang dukhang balong iyon ay naghulog ng higit sa kanilang lahat. Sapagkat ang iba’y nagkaloob ng bahagi lamang ng hindi na nila kailangan, ngunit ibinigay ng balong ito na dukhang-dukha ang buo niyang ikabubuhay.”

Mga kapatid, hindi mahirap magbigay kung mayroon tayong sobra. Kung mayroon pang matitira sa atin. Pero ang inihahain sa atin ng Panginoon ay paano na kung wala nang matitira pa sa atin, magbibigay pa rin ba tayo? Ang dalawang kusing na iyon ay kumakatawan sa kabuhayan ng balo.

Ang halimbawa ng dalawang balong nabanggit sa ating mga pagbasa, ay masasalamin natin sa ating Panginoong Hesus.

Pero ano nga ba ang idinulot ni Hesus sa mundo? Ito ang tanong ng ating dating Santo Papang si Benedict XVI sa librong “Jesus of Nazareth.” Hindi daw puwedeng kapayapaan (mayroon pa ring digmaan), hindi rin naman puwedeng kasaganahan (marami pa ring nagugutom), hindi rin naman mas mainam na mundo (lublob pa rin ito sa kasalanan). Ano nga ba ang idinulot ni Hesus? Ang sagot ni Benedict XVI, “Dinala niya ang Diyos.”

Dahil sa ating Panginoong Hesus, tumambad sa atin ang mukha ng Diyos. Nasilayan natin ang mukha ng Kanyang pag-ibig. Pag-ibig na hindi nagtutuos, pag-ibig na hindi mapaghanap, pag-ibig na handang isuko ang lahat para sa ikabubuti natin.

Ito ang ipinahayag sa ikalawang pagbasa. Hindi lamang nagsilbing pari si Hesus upang mag-alay ng sakripisyo para sa atin. Hindi lang siya pumili ng pinaka-malusog na tupang handog. Upang iligtas tayo sa ating mga kasalanan, inialay Niya ang Kanyang mismong buhay.

Sa halimbawang ito ni Hesus. Nawa’y makita natin na ang tumay na halaga ng pagbibigay ay masusumpungan sa ating kakayahang umibig nang walang  hinahanap na kapalit. Pag-ibig na walang sukat, pag-ibig na walang kondisyon, pag-ibig na walang hanggan!

Sa ating liturhiya ngayong Linggo, nakilala natin ang tatlong pigurang handang magbigay hindi mula sa kanilang kalabisan, nagbigay sila, kahit na wala na silang maibibigay pa. Nawa’y matutuhan din nating buhayin ang halimbawang kanilang ipinakita.

Mayroon pa rin tayong maibibigay. Hindi man siguro pera, o materyal na bagay.

Sa pag-alis natin ng Simbahan mamaya sa pagtatapos ng ating Misa, nawa’y ang pag-ibig ng ating Panginoon ay baunin natin upang tayo man din ay makapagbigay.

Matuto tayong magbigay ng walang hinihintay na kapalit, magbigay ng walang sukat, at umibig ng walang hanggan.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s