Kristo: Liwanag ng Bukas

Ika-33 Linggo sa Karawniang Panahon—B
November 15, 2015

nov15_33rd

Makikita naman natin ang Anak ng Tao na nasa alapaap, dumarating na may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan. At sa pamamagitan ng kanyang mga anghel, titipunin nila ang mga hinirang ng Diyos, mula sa lahat ng dako. Graphics by Prenovice Jonas Lacson

Sa librong Tuesdays with Morrie, si Morrie ay isang dating gurong nagkaroon ng isang malubhang sakit.  Bilang na ang kanyang oras. At kung mayroon siyang natutuhan sa pagharap sa kanyang karamdaman, ito iyon: Kapag nabatid natin kung paano tayo mamamatay, malalaman din natin kung paano talaga ang mabuhay.

Nakakatakot ang mensahe ng mga pagbasa natin ngayong Linggo dahil tungkol ito sa pagwawakas, sa pagtatapos.

Halimbawa, ang mensahe ng unang pagbasa—napaka-ikli nito—tatlong verses lang! Pero kung pakikinggan natin ng mainam, sapat na ang paglalarawan ng bahaging ito ng Aklat ni Propeta Daniel upang iparating sa atin kung ano ang magaganap sa hinaharap. Ayon sa pangitain ni Propeta Daniel, magkakaroon ng matinding kahirapang hindi pa nangyayari kailanman.

Kapag napapanood natin ang mga pelikulang ang tinatalakay ay may tema tungkol sa pagka-gunaw ng mundo, mas madali na lang na mawalan ng loob, manlumo, at matakot. Sa susunod na Linggo ang huling linggo ng kasalukuyang taong liturhikal. Sa bawat pagtatapos ng taon, ganito ang tema ng mga pagbasa.

Sa katunayan, ito rin ang tinutumbok ng ating Mabuting Balita. Ang sabi ng Panginoon, Sa mga araw na iyon, pagkatapos ng mga napakalaking kapighatian, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalawakan.

Ngunit tingnan naman ninyo, kalakip ng kagimbal-gimbal na pangitaing ito ay ang napakagandang mensahe ng pag-asa. Ito ang paalala sa atin sa unang pagbasa,  Maliligtas ang mga kababayan nating ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng Diyos… at higit pa dito, yaong may pagkaunawa at umakay sa marami tungo sa kabutihan ay magniningning na parang tala sa kalangitan magpakailanman.

Tapat ang Diyos sa Kanyang pangako ng kaligtasan para sa lahat. Sa ikalawang pagbasa, mapapakinggan natin kung paanong ang ating Panginoon ay inihambing sa dakilang saserdote. Ngunit sa halp na mag-hain ng alay para sa kapatawaran ng mga kasalanan ay mismong sarili ang inialay.  Minsan niya lang itong kailangang gawin. Ngunit ito ang sanhi kung bakit tayo’y malaya na sa kuko ng kasalanan.

Sa Mabuting Balita, hindi man muling sisikat ang araw at magliliwanag ang buwan pagkatapos ng mga ‘napakalaking kapighatian,’ Makikita naman natin ang Anak ng Tao na nasa alapaap, dumarating na may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan. At sa pamamagitan ng kanyang mga anghel, titipunin nila ang mga hinirang ng Diyos, mula sa lahat ng dako.

Sa pagtatapos ng taong liturhiko, ipinapaunawa sa atin ng mga pagbasa na ang Panginoon ang Diyos ng kasaysayan. Batbat man ito ng kapighatian, kalungkutan, karimlan, mananaig pa rin ang ningning ng kapangyarihan ng Diyos.

Dalawang taon na ang nakararaan, sinalanta ng bagyong Yolanda ang ating bayan. Pagkalalaking alon na tumangay ng ari-arian, napakalakas na hanging hindi lamang bumuwal ng mga puno sa kagubatan at nagpatumba sa napakaraming mga bahay sa kapatagan, kung hindi kumaladkad din ng pagkalalaking mga sasakyang pantubig.

Nitong linggo lang, ibinahagi ni Cardinal Tagle ang kanyang karanasan nang binisita niya ang mga Syrian refugees na kinupkop ng bansang Greece. Bago siya pumunta doon, sabi niya sa sarili na sa dami ba naman ng kalamidad na nangyayari sa ating bansa, dapat ay naihanda na siya nito sa mga bagay na makikita niya doon.

Ngunit mali ang akala niya. Hindi lang daw tumambad sa mga mata niya ang pananangis ng mga kapatid natin, naamoy niya rin daw ang matindi nilang paghihirap. Sa maikling panahon ng pamamalagi niya roon, nasilip niya na rin daw ang impiyerno.

Darating na nga po ang wakas, katulad ng sinasabi ng Mabuting Balita. Ngunit hindi natin alam kung kailan ito magaganap. Kaya nga hinihingi ang ating kahandaan. May katotohanan ang sinabi ni Morrie, Kapag nabatid natin kung paano tayo mamamatay, malalaman din natin kung paano talaga ang mabuhay.

Marami tayong mga kakilala na ang kapakanan ng iba ang iniisip. Minsan, ang iba sa kanila’y kasama pa natin sa ating pamily, “Hindi ko na kakainin itong mansanas, para si kuya matikman din. Hindi na muna ako manonood ng program na ito para makapanood naman si papa ng basketball. Marahil sa mga maliliit na bagay na ito, namamatay tayo sa ating sarili. Ngunit sa pamamagitan din nito, nabubuhay tayo para sa iba. Katulad ni Kristo.

Tularan natin si Kristo. Sapagkat kung nabubuhay tayo ngayon sa paraan Niya, tiyak na may liwanag ang ating bukas.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s