Month: December 2015

Tularan natin ang Halimbawa ni Maria

Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos–Taon K
1 January 2016

Luke 2_16_21

Graphics by Aspirant Paul Lopez.

Sa wikang Inglis, January ang tawag natin sa unang buwan ng taon.

Hango daw ang pangalang ito sa ma-alamat na diyos ng mga Romanong si Janus. Ayo sa paglalarawan sa kanya, mayroon siyang dalawang mukhang mag-katalikurang nakatingin sa harap at sa likuran. Tila ganito rin ang ating pag-uugali sa pag-aabang sa pagsapit ng bagong taon: Binabalikan natin ang nakaraang taon nang may pagpapasalamat, at hinaharap naman natin ang darating na bagong taong inaasam-asam ang pagpapala ng Maykapal.

Ang pagpapala ng Diyos ay tampok sa ating unang pagbasa. Hatid ito ng isang sinaunang panalanging mismong itinuro ng Panginoon kay Moses, upang ipasa naman ito kay Aaron at sa kanyang mga anak na mga pari ng kanilang bayan noong panahong iyon.

Sa pamamagitan ng panalanging ito, makakamtan ng kanilang sambayanan ang pagpapala ng Panginoon. At ang bisa ng panalanging ito ay nakabatay sa mismong pangalan ng ating Panginoon. Para sa mga Hudyo, mahalaga ang pangalan. Hindi lamang ito isang hungkag na salita, ngunit ito mismo ay nagbabadya ng presensiya ng Panginoon. Kaya nga ang ikatlong kautusan ay tumutukoy sa pagbibigay-halaga sa ngalan ng Panginoon.

Sa tanda ng panalanging itong ipinasa mula sa hindi na mabilang na salinlahi, malamang na si Maria mismo ay natutunan ito mula sa kanyang mga magulang—na siya rin namang itinuro nito sa batang si Hesus!

Kaya naman kung iisipin, mapapatanong tayo na kung ganoon kahalaga ang pangalan ng Diyos—ano na lang ang importansiyang dapat nating ibigay sa Kanyang mismong presensya kung kasama natin Siya?

Ito naman ang nilalaman ng ikalawang pagbasa. Sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Galacia, binibigyang diin niyang isinugo ng Ama ang Kanyang tanging Anak sa takdang panahon. Upang dahil dito’y tayo’y hindi lamang maligtas tayo mula sa ating mga kasalanan. Ngunit dahil sa bisa ng Kanyang pagsasakripisyo, tayo’y hindi na mga alipin, ngunit tayo mismo ay maging mga anak din ng Ama, tagapagmana ayon sa kalooban ng Diyos.

At kung mayroong isa sa ating nauna nang nagmana ng kaharian ng Diyos, walang iba ito kung hindi si Maria. Sa Mabuting Balita, nalantad na ng tuluyan ang plano ng Diyos. At tumambad kay Maria na konektado ang mga pangyayari sa kanyang buhay na mayroong kaugnayan sa nauna nang pagbabalita ng anghel na siy a’y magdadalantao, katulad ng pagdadalang-tao ng kanyang pinsang si Elisabet.

Idagdag pa sa mga bagay na ito ang pagsasalaysay ng mga nagpapastol sa parang kung paano nila natunton ang kinaroroonan ni Maria. Isa pa ito sa mga pangyayaring nagpapatotoo sa pambihirang papel na ginampanan ng Diyos sa kanilang buhay-pamilya.

Natanim ang lahat ng ito, hindi lang sa isip ni Maria. Ang mga bagay na ito ay naging gabay niya sa patuloy niyang pagtunton ng kalooban ng Diyos na kanyang isinabuhay.
Ina siya ni Hesus na taong totoo at Diyos din namang totoo. Ngunit mayroon pa rin siyang mga bagay na na hindi maunawaan sa pagkatao ng kanyang Anak. Gayunpaman, patuloy siyang nagtiwala.

Simulan natin ang taong itong nakatuon ang ating mga mata sa ating mahal na inang hindi lamang huwaran nating mga Kristiyano dahil sa bisa ng kanyang halimbawang pagsunod sa kalooban ng Diyos, ngunit sa pamamagitan niya, naipapahatid ang ating panalangin sa Diyos—at higit sa lahat, nailalapit niya tayo sa kanyang Anak, ang ating Panginoong Hesus!

Advertisements

FB COVER PHOTOS FOR JANUARY 2016

Here’s another batch of Facebook header photos for the first month of the year 2016 that is yet to be ushered in.
This time, a very young aspirant, Paul Lopez, rendered the design. He’s just on his first year in our seminary in Canlubang.
As before, here are graphics which you could use for your FB cover photos which highlight the essence of the liturgical theme for all the Sundays of January. Incidentally, next month, our country plays hosts to the 51st Eucharistic Congress. The Third and Fourth Sundays of Ordinary Time reflect this.
Please feel free to download, use and share.
I thank Don Bosco for the opportunity to serve in propagating the  Gospel, 
and also, in getting to know young people who are gifted, passionate in their craft, and who are not willing to share their gifts, but also, their lives as well, all for the service of God.
May God bless our endeavors for the upcoming year!
Luke 2_16_21

January 1, 2016   l   Solemnity of Mary, Mother of God–Year C

Matthew 2_1_12

January 3, 2016   l   Solemnity of the Epiphany–Year C

Luke 3_15,21_22

January 10, 2016   l   Baptism of the Lord–Year C

STO. NIÑO

January 17, 2016   l   Feast of the Sto. Nino–Year C

JANUARY 24

January 24, 2016   l   3rd Sunday in Ordinary Time–Year C
Opening of the 51st Eucharistic Congress

Luke 4_21_30

January 31, 2016   l   4th Sunday in Ordinary Time
Closing of the 51st Eucharistic Congress–Year C

Simbang Gabi FB Cover Photos

 

Despite the tedious activities they had in the seminary during the Christmas novena days, Prenovice Jonas Lacon and Prenovice Gab Tamondong managed to design these cover photos.

image

December 16, 2015   l   1st Day of the Simbang Gabi–Year C
Designed by Prenovice Jonas Lacson

2SGGodbornfamily

December 17, 2015   l   2nd Day of the Simbang Gabi–Year C
Designed by Prenovice Jonas Lacson

12347602_10153807698322188_77640878736190836_n

December 18, 2015   l   3rd Day of the Simbang Gabi–Year C
Designed by Prenovice Jonas Lacson

image

December 19, 2015   l  4th Day of the Simbang Gabi–Year C
Designed by Prenovice Jonas Lacson

December20_4thAdvent

December 20, 2015   l 4th Sunday of Advent–Year C
5th Day of the Simbang Gabi
Designed by Prenovice Jonas Lacson

image

December 21, 2015   l   6th Day of the Simbang Gabi–Year C
Designed by Prenovice Jonas Lacson

image

December 22, 2015   l   7th Day of the Simbang Gabi–Year C
Designed by Prenovice Gab Tamondong

image

December 23, 2015   l   8th Day of the Simbang Gabi–Year C
Designed by Prenovice Jonas Lacson

9SGBenedictus

December 24, 2015   l   9th Day of the Simbang Gabi–Year C
Designed by Prenovice Gab Tamondong

wp-1451139382637.png

December 27, 2015   l  Feast of the Holy Fanily–Year C
Designed by Prenovice Jonas Lacson

 

Tayong Lahat ay Magkakapamilya!

Kapistahan ng Banal na Mag-anak
27 December 2015

image

Nakaugalian na po ng Simbahan na ang unang Linggo pagkatapos ng pagdiriwang ng kapaskuhan ay isinasantabi upang gunitain ang Banal na Mag-anak.

Kaya nga angkop na sa ating Ebanghelyo, narinig natin ang isang tagpo sa pamilya nila Jose, Maria at Jesus. Ayon kay San Lucas, taon-taon, naging kaugalian nilang magtungo sa Jerusalem sa pagdiriwang ng Paskuwa. Tradisyon ito ng mga Hudyo bilang pag-gunita sa kabutihang ipinakita ng Diyos sa pagpapalaya sa kanila sa Egipto.

At si Jose at Maria, bilang mabubuting magulang ay ginabayan ang batang si Jesus upang Siya man din ay makapagpasalamat at makasamba sa Ama.

Pabalik na sila ng Nazareth nang mapansin ng mag-asawa na nawawala ang bata. Hinanap nila ito. At nang hindi nila ito makita, bumalik sila sa Jerusalem upang hanapin siya doon. Nagulat sila ng makita nila ang hinahanap nila: Ang bata ay nakaupo kasama ng mga guro sa templo, matamang nakikinig, at nagtatanong. Ang mga taong nakamalas ng pangyayari ay manghang-mangha sa nasaksihan.

Tinanong Siya ni Maria, “Anak, bakit mo ito ginawa sa amin? Hindi mo ba alam na nag-alala kami sa paghahanap sa iyo?” Ang sagot naman ni Jesus, “Bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ninyo ba alam na ako’y nasa tahanan ng Aking Ama?”

Ngunit hindi nila naintindihan ang tinurang ito ni Hesus.

Sa tagpong ito ng Mabuting Balita, nasilayan natin ang isang pambihirang tagpo sa buhay ng Banal na Mag-anak. Sa maikling pagbasang ating napakinggan, nasaksihan natin ang pagkawala ng isang bata, ang pag-aalala ng mga magulang, at gayundin ang hindi nila pagkaka-intindihan.

At masasabi nating napaka-ordinaryo ng pamilyang ito!

Kung siguro tayo ang Diyos, ang pipiliin nating mag-asawa na mangalaga sa Kanyang Anak nang maging tao ito, gugustuhin natin ang mag-asawang may marangyang buhay. O kaya naman ay may celebrity status para sikat kaagad. O kaya naman ay ‘yung mga mukhang modelo para pwedeng pang-cover ng magazine.

Ngunit iba ang pamantayan ng Diyos. Pinili Niya ang isang ordinaryong mag-asawa. Upang kasama ng Anak Niya, bubuo sila ng isang pamilya.

Marahil, sa gabi pagkatapos ng kasal, mangangarap ang dalawa ng magandang bahay, disenteng kotse, at kasabay nito ay pagpa-plano sa kinabukasan ng kanilang mga anak. Wala man siguro tayong ekta-ektaryang lupaing pwedeng iwan sa kanila, masasabi nating pinagsikapan naman nating iwan sa kanila ang isang mas maliwanag na bukas. Dahil naranasan natin ang hirap ng buhay, ayaw na natin itong iparanas pa sa kanila.

Pero iba si Jose’t Maria. Hindi ang ari-arian ang gusto nilang ipasa sa batang si Hesus, kung hindi, ang mismong buhay pananampalataya nila. At batid ng mag-asawang ito na ang pundasyon ng isang mainam na pamilya ay ang pananampalataya sa Panginoon.

Ganito rin ang napakinggan natin sa unang pagbasa. Pinakita ng mag-asawang si Ana at Elkana na ang pananampalata sa Panginoon ang nagbuklod sa kanila bilang isang mag-anak. Ginawa nila ito hindi lamang sa pagsamba sa templo ayon sa nakaugalian. Ngunit ang kanilang nag-iisang anak na si Samuel ay inialay sa Panginoon.

Ilan kaya sa atin ang may bukas-pusong makagawa nito? Narinig ko sa isang sermon ng pari na kapag matalino daw ang anak, dapat mag-doktor ito, o kaya ay maging engineer o abogado. Hindi  sasagi sa isip nila na ialay ito sa Diyos upang maging pari. Ngunit ang mag-asawang ito, nag-iisa lamang si Samuel na supling nila, ipinagkaloob nila sa Panginoon. Kay inam na halimbawa ng mga Kristiyanong magulang!

Itinuro sa atin ng santong si Papa Juan Pablo II na ang pamilya ay maituturing na isang “paaralan ng kagandahang asal.” Sa sakramento ng binyag, binibigyang diin na ang mga magulang ang “unang guro ng pananampalataya sa kanilang mga anak.” Ito rin ang paniwala ni Papa Francisco. Ang pinakamagandang magagawa ng mga magulang sa kanilang anak ay palakihin silang mayroong pananampalataya.

Sabi ni Cardinal Tagle… “Pananampalataya ang hangin na sinisinghot, nilalanghap ng simbahan. Ang buhay niya ay pananampalataya. Kaya naman kapag ipapasa niya ang pananampalataya, ano ang kanyang ipinapasa? … Ang kanyang buhay. Kasi ang buhay niya ay pananampalataya.”

Kaya po sa maikling tagpong ito sa Banal na mag-anak, nakikita nating kung gaano binigyan ng pagpapahalaga ni Maria’t Jose ang buhay pananamapalataya nila sapagkat ito ang kanilang buhay. Ito rin po ba ang masasabi natin sa ating pamilya?

Sa ikalawang pagbasa, binigyang diin ang ating kaugnayan sa Diyos bilang ating Ama. At tayo naman ay Kanyang mga anak. Iyon ang kaugnayan natin sa Kanya. Tayo ang bumubuo ng pamilya ng Diyos. At lantarang maihahayag ito kapag nakita na natin ng buong buo ang Kanyang kadakilaan.

Ngunit habang hinihintay natin ito, sana ay maipakita natin kung paano dapat ang tamang pag-uugali ng isang kapamilya ang Diyos. Sana, sa bawat tahanan natin, mayroong pagmamahalan, mayroong pagbibigayan, mayroong pagtatawaran. Kung gaganapin natin ito, ang pasko ay hindi lang okasyon na inaasam-asam natin isang beses sa bawat taon, ngunit isang realidad na araw-araw nating ipagdiriwang.

Si Kristo ang Liwanag ng Buhay!

Misang Pang-hatinggabi

1914053_10201374909771781_154956755285774082_n

Graphics by Christian Decena. 

Nakalunok po ba kayo ng kwitis? Pag ngumiti po kasi kayo, may spark.

May theory po sa physics na nagsasabing “light travels faster than sound.” Kung hindi po ako nagkakamali, si Albert Einstein ang nagsabi na wala na daw pong hihigit pa sa bilis ng liwanag. Kaya nga po nauuna ang pagdating ng kidlat, at saka, matapos ang ilang segundo, doon pa lang darating ang dagundong ng kulog.

Ganito rin sa mga paputok. Makikita natin ang pagsambulat ng nakakasilaw na liwanag sa alapaap, pagkatapos, saka pa lang natin maririnig ang pag-putok nito.

Kataka-taka dahil kanina pa tayo nandirito, at pansin natin na balot na balot po ang ating pagdiriwang ng Banal na Misa ngayon ng liwanag. Kapansin-pansin ito, hindi lamang dito sa ating altar na napapalamutian ng sari-saring ilaw. Pansin din natin ang mismong tema nito sa ating liturhiya ngayong gabi. Kahit na sa ating mga pagbasa’y walang naman tayong narinig na mga pasabog.

Sa unang pagbasa, narinig natin mula sa Aklat ni Propeta Isaias na ang isang bayang matagal nang nababalot ng kadiliman ay makakatanaw ng isang malaking liwanag.

Noong Lunes, nawalan ng loob ang marami sa atin nang tinawag si Ms. Colombia bilang nanalong si Ms. Universe. Ngunit nang i-anunsyo ng host na mayroong isang pagkakamali—at si Ms. Philippines ang siyang dapat na mag-uwi ng—lubos tayong natuwa. Nagalak tayo bilang isang bansa. Para tayong isang bayang naghihintay ng pagka-tagal-tagal sa kadiliman. Ngunit nang naiputong sa ulo ni Ms. Philippines ang korona, nakatanaw tayo ng isang napakalaking liwanag.

May isang high school graduate na gustong pumasok ng seminaryo. Araw ng pasukan noon ng mga bagong seminarista. At sa gitna ng napakaraming mga panauhin sa seminaryo namin na naghahatid ng mga bagong pasok na seminarista, isang seminarista ang lumapit sa akin, “Brother, may isa pong ayaw payagan ng parents niya. Samahan ninyo po ako. Sunduin natin siya.” Hindi po ganun ang regular na gawi namin na ang isa sa mga seminary formators ay magsusundo ng mga aplikante upang dalhin sa seminaryo. Pero mayroong nagbulong sa aking, samahan ko ang seminaristang iyon.

Pagdating ko sa bahay nila, nakita ko ang kahirapan ng kanilang buhay.  Masikip ang kanilang bahay. Maliliit pa ang kaniyang mga kapatid. At si Levi ang pinaka-kuya sa kanila. Bus driver ang tatay niya, at ang nanay naman niya’y walang hanapbuhay. Nang tinanong ko kung bakit ayaw siyang payagang pumasok ng seminaryo, luhaang sinabi sa akin ng nanay niyang mahirap lang sila at wala silang maipapantustos sa pag-aaral nito… Naiiyak na rin po ako noong sandaling iyon. Pero lakas loob kong sinabi sa nanay ni Levi na “Subukan po natin ang kabutihan ng Diyos. Siya ang bahala.”

Limang taon na rin halos ang dumaan nang naganap iyon. Nakatapos na siya ng kursong Bachelor of Science in Secondary Education. Isa na rin siyang licensed teacher. Nasa loob pa rin siya ng seminaryo at naghahanda para maging isang novice. Tumaya siya at ang kanyang pamilya sa pag-asang hatid Diyos. Nakatanaw sila ng isang liwanag.

Ngunit ang liwanag na isinasaad ni Propeta Isaias ay hindi lamang kumakatawan sa pagkakapanalo sa isang paligsahan ng pagandahan o pagpasok ng seminaryo. Higit pa ang liwanag na tinutukoy ni Isaias dito. Sa kanyang paglalahad, “Sapagkat ipinanganak para sa atin ang isang sanggol na lalaki.” At ang sanggol na iyon ang “Makapangyarihang Diyos.”

Sa ikalawang pagbasa, nanghihikayat si San Pablo sa kanyang liham na mabuhay tayong naaayon sa kalooban ng Diyos. Ipinapaalala niya sa ating ang liwanag  ng kanyang kagandahang-loob “ang siyang aakay sa ating talikdan ang likong pamumuhay at damdaming makalaman.” Sa pamamagitan ng liwanag na taglay ni Kristo, malalaman natin ang daan patungo sa Ama, at daang magdadala sa atin upang isantabi ang hidwaan, upang magpatawad, upang maging liwanag din sa ibang mga kapatid nating nadidiliman ng landas.

Ngunit hindi lahat ng liwanag ay nagbibigay ng gabay. May liwanag na mapag-balatkayo. Nang-aakit, upang mailigaw tayo.

Mayroon po akong nakilalang isang ina sa parokya kung saan ako naka-assign kapag weekend. Umiiyak siyang nag-share sa akin ng problema tungkol sa kanyang anak na gumon sa ipinagbabawal na gamot. Nananakit na ito ng mga apo niya sa bahay. At nag-bebenta na ng kung ano-ano pa upang may maipantustos sa bisyo. Ang liwanag na dulot ng droga ay panandalian lang.

Gayundin ang liwanag na taglay ng maka-sariling ambisyon, ng hindi pagrespeto sa mga maliliit dahil sa napakataas na tingin sa sarili, ng pagiging ganid sa salapi at materyal na bagay—mag-iingat po tayo, dahil madalas—ang mga taong umaangkin dito ay inaangkin din nito. Nakakatakot, dahil nabubulag nito ang mga taong lumalapit at nahuhumaling dito.

Sa ating Mabuting Balita, malaki din ang papel ng liwanag na taglay ng isang anghel. Sa pamamagitan nito, naihayag sa mga nagpupuyat na pastol ang isang napakagandang balitang magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao: Isisilang na ang tagapagligtas–Ang Kristong Panginoon.

Alam po ninyo, ang mga pagbasang ating napakinggan ay taon-taon nating ginagamit. Pero hindi tayo nagsasawang pakinggan ang mga ito, siguro dahil hinding hindi natin pagsasawaan ang kuwento ng pasko!

Hindi lamang isang mainam na story teller si Lucas, isa rin siyang historian. At sa tagpong ito ng Mabuting Balita, nais niyang patunayan sa ating naganap ang Pasko sa kasaysayan ng sangkatauhan.  Sa pagsisimula ng Mabuting Balita, maingat ni isinama ni San Lucas ang pangalan ng pinuno ng Roma at ng Syria upang ilagay sa konteksto ng kasaysayan ng mundo ang pagkakatawang-tao ng ating Panginoong Hesu-Kristo.

Hindi lang sumulpot na lang ang Panginoon nang basta, isinilang Siya sa isang tunay na lugar, sa isang sabsaban sa Bethlehem at sa panahong kung kailan na ang emperador ng Roma na sumasakop sa Israel ay si Augustus Ceasar.

Binalot niya ng lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panunuluyan. Maikli lang ang pagsasalarawang ito ni San Lucas, pero ito mismo ang magsisilbing palatandaan upang matunton ng mga pastol ang bagong silang na Panginoon.

Sa maraming paraan, hindi maaalis sa atin ang kagustuhan nating makakita ng pasabog. Dapat may wow factor. Dapat makulay. Dapat kapansin-pansin; ‘yun bang mapapalingon ang mga tao.

Pero hindi ito ang gawi ng Diyos. Nang pumasyal Siya sa atin bilang katulad natin, naging isang sanggol na bata Siya. Mahina. Maliit. At ang kasama sa guest list niya ay hindi mga prinsipe’t prinsesa, kundi mga simpleng pastol na nagbabantay ng kanilang mga kawan, na nagpupuyat sa gabi.

Mga kapatid, huwag tayong umasang dumarating ang Diyos na kasabay na mayroong pasabog. Hindi masamang maniwala na ang Diyos ay ang responsable sa pag-hilom ng mga maysakit, o sa pagkakaroon ng mga himala. Ngunit huwag sana lang tayong maghanap ng Diyos sa mga ganoong pangyayari. Sapagkat ang Diyos ay naroroon din sa mga pagkakataong naghahari ang katahimikan, kung saan namumuhay ang mga tao ng ordinaryo.

May mga pagkakataong mamamalas lamang natin ang presensiya ng Diyos sa pamamagitan ng pag-ibig at pananampalataya. Ang mga ordinaryong pastol ay nakita ang isang bagay na hindi nakita ng marami.

Mamaya po, itataas ni Fr. ang tinapay, ilan kaya sa atin ang luluhod o mag-lalagay ng kanilang mga kamay sa tapat ng kanilang puso dahil sumasampalataya silang tunay na tunay na Katawan ito ng Panginoon?

Ang Pasko ay kapistahan ng liwanag. Sapagkat si Hesus ang mismong ilaw na walang simula, at kailanpanman, hinding hindi Siya magkakaroon ng katapusan.

At dahil narito Siya, manampalataya tayo sa liwanag na taglay Niya. Magkakaroon ulit tayo ng pag-asa. At mayroon tayong dahilang umibig ulit dahil nakalasap tayo ng pag-ibig na kailanma’y hindi naglagay ng hangganan sa kabila ng ating kabuktutan.

 

Ang Awit ng Buhay Natin

Simbang Gabi—Day 9
24 December 2015

9SGBenedictus

Graphics by Prenovice Gab Tamondong

Samantalang mayroong komportableng tahanan si David, nagkaroon siya ng insipirasyong pagawan ng mas mainam na tahanan ang Kaban ng Tipan na noo’y nabububungan lang ng isang tolda. Balak pa nga lang itong maituturing ngunit kung tutuusin, ito’y isang pagdakila na sa Panginoon.

Ang alingaw-ngaw ng papuri ng Unang Pagbasa ay dinig na dinig din sa ating Mabuting Balita.

Ang paring si Zacarias na siyam na buwan na tikom ang bibig ay nagkaroon ng kakayahang magsalitang muli. At ang unang mga salitang lumabas mula sa kanyang bibig ay papuring laan lamang patungkol sa Diyos.

Si Haring David at ang paring si Zacarias ay hindi naman ubod ng buti. Hayag din naman ang kanilang kapintasan: Si David ay nangalunya’t pinapatay pa ang karibal niya. Si Zacarias nama’y paring maituturing ngunit kinulang siya ng pananampalataya nang ihayag sa kanya ng anghel ng Diyos na magiging tatay siya sa kabila ng kanyang katandaan.

Hindi sila pinili dahil sa kung anong meron sila, ngunit kahit na ano pang kakulangan ang mayroon sila, kinahabagan sila ng Panginoon.

Ang napakagandang awit ni Zacarias ay isang awit-panalangin na punong puno ng #hugot. Ang bawat linya’y hindi lutang sa hangin, ngunit inani ng may akda sa kanyang mismong karanasan, at maging ng kanyang kawawang bayan.

At sa kanilang ka-abahan, nalasap nila ang kabutihan ng Diyos para sa kanila.

Ang awit na ito’y isang pagpapatotoo sa pangako ng Diyos na nabigyan ng katugunan.

Ang awit-papuring ito, bagamat patungkol sa Diyos, ay tungkol din sa pagdakila sa kakayahan nating lumingon sa ating pinanggalingan, umalala’t magpasalamat.

At ang dalawang pigurang ito ng Bibliya, bagama’t hindi perpekto’y kadaki-dakila dahil mayroon silang kababaang-loob na umasam sa kabutihang dulot ng Diyos, ngunit, at higit pa dito, pusong marunong magpasalamat sa mga pagpapalang ipinagkaloob sa kanila.

Kaya naman itong pangarap ni David na bigyan ng mainam na  lugar kung saan ilalagak ang Arko ay hinigitan ng Panginoon: Ang paghahari ni David ay hindi magkakaroon ng katapusan. Si Zacarias naman, isang matandang huklubang isinuko na ang pag-asang magkaroon ng supling ay biniyayaan ng isang tanging anak  na magkakaroon ng mahalagang papel sa pagliligtas ng sanlibutan.

Ang kanilang buhay ay naging isang napakagandang awit ding nag-aanyaya sa ating, pakinggan, tangkilikin, at sabayan.

 

Regalong Walang Katumbas

Simbang Gabi—Day 8
23 December 2015

Simbang Gabi Day 8

Graphics by Prenovice Jonas Lacson

“Ano ng bang meron sa pangalan?”

Sa mga mahilig sa panitikang Inglis, malamang na popular ang linyang ito na halaw sa isa sa mga akda  ni Shakespeare. Ma-drama at makapigil-hininga ang tagpo ng ating Mabuting Balita ngayon, pero kung tutuusin, sa linya sa itaas umiinog ang kuwento, at marahil, maging ang kahulugan nito.

Natatandaan pa ba ninyo si Elisabet? Siya ang asawa ni Zacarias na nakilala natin nitong Linggo lang. Baog siya, at matanda na. Ngunit ngayong araw, sa kanya magbubukas ang Mabuting Balita: Manganganak na siya ngayon.

Dahil nga medyo pambihirang magbuntis—at manganak—ang isang lola, marami ang tao sa bahay nilang mag-asawa upang samahan ang mag-asawa sa kagalakang ito, kasabay na rin siyempre ng kanilang pag-uusyoso.

Dito, makikita natin na hindi lang tayong mga Pilipino ang usisero!

Nang sumapit ang ika-walong araw, ayon sa kanilang nakaugalian, kailangang tuliin ang sanggol, at bigyan ito ng pangalan. Para sa akin, dito na magiging kapana-panabik ang kuwento. Marami kasi sa mga taong naroroon–‘yung  mga pumuntang usisero noong nag-silang si Elisabet, bumalik na naman ulit sila ngayon—ang inaasahang Zacarias Jr. ang ipapangalan sa bata.

Pero hindi rin naman kasi natin sila masisisi dahil ito na lang ang pagkakataon ni Zacarias na magkaroon ng Junior. Aba, mahirap nang umasa sa isa  na namang himala!

Kaya nga laking gulat nila ng nagsalita si Elisabet na taliwas sa kanilang inaasahan, “Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya.” Pero siguro, gusto nilang bigyang boses si Zacarias na hindi makapagsalita, ipinaliwanag nila kay Elisabet na wala namang ganyang pangalan sa talaan ng kanilang mga kamag-anak.

Hindi pa sila nakuntento’t bumaling sila kay Zacarias upang siya na ang mag-desisyon. Namangha sila nang isinulat niya ang ganito, “Juan ang kanyang pangalan!” Sa mismong tagpong iyon muling nakapagsalita si Zacarias.

Naging pala-isipan sa mga usisero ang kanilang nasaksihan. At ang tanong ng bayan “Magiging ano nga kaya ang batang ito?”

Para tugunan ang tanong, mainam na balikan ang unang linya ng pagninilay na ito: Ang kanyang pangalan ay magbibigay ng patotoo sa kanyang buhay. Ang ibig sabihin ng pangalan niya ay “God is gracious,” sa wika natin, “Ang Diyos ay mapagpala.”

Mahalaga ang pangalan sapagkat hindi lamang ito mga letra ng alpabetong hinalo-halo at ibibigay natin sa isang tao. Sa Bibliya, ang pangalan ay hindi lamang tumutukoy sa hinaharap ng isang tao, madalas, ito’y kumakatawan sa kanyang mismong pagkakakilanlan, sa kanyang mismong pagkatao.

Sa pamamagitan ni Juan, naipadama ng Diyos ang Kanyang pagpapala sa kanyang bayan. Ginanap niya ang misyong kaakibat ng kanyang pangalan sa pamamagitan ng panawagan sa kaniyang kababayang magbalik-loob sa Panginoon—at tikman ang awa at pag-ibig ng Diyos.

Gayundin ang kuwento ni Elias sa unang pagbasa. Siya ang sugo sa Matandang Tipang mag-hahanda ng daraanan ng Panginoon sa pagparito Niya sa ating mundo. Magkakaroon ng pag-hatol, ng pag-dalisay—tulad ng pagtubog ng apoy sa ginto—at si Elias ang maninigurong handa ang lahat sa pagdating ng Panginoon.

Ang pananahimik ni Zacarias ng siyam na buwan dahil sa pagkawalan niya ng kakayahang mag-salita ay isang panahon ng pagdalisay. Ang tagpong ito ng Ebanghelyo ay ang pinaka-rurok ng kanyang pigura sa kuwento ng pasko dahil siya mismo’y naging testigo sa habag ng Panginoon; ang ngalan ng kanyang mismong anak ay buong buhay na magbibigay ng karangalan at kadakilaang “Mapagpala nga ang Diyos!”

Ang pasko’y panahon kung saan ipinagdiriwang natin ang pagpapala ng Ama. Ito’y masasalamin sa Kanyang habag na hindi maaaring ilagay sa anumang sisidlan dahil lagi itong aapaw.

Kaya nga sa araw ng pasko, Siyang mismong may kaarawan ang naghandog ng regalo para sa atin—regalong hinding-hindi matutumbasan sapagkat ito’y pag-aalay ng Kanyang mismong sarili.