Handa na ba ang Puso mo?

Handa na ba ang Puso mo?
Ika-2 Linggo ng Adbiyento–K

06 December 2015

December6_2ndAdvent

Mainam na manunulat si San Lucas. Maingat ang paglapat ng kanyang panulat sa papel. Wala siyang inaaksayang salita. Ang bawat titik ng kanyang panulat ay hitik sa kahulugan. Ngunit sa pagsisimula ng ating Mabuting Balita ngayong Linggo, mapapakamot tayo ng ulo… Graphics by Prenovice Jonas Lacson.

Noong nakaraang Linggo, binigyang diin natin na ang panahon ng Adbiyento ay panahon ng pagdating. Kaakibat ng pagdating na ito ay  paghahandang kailangan nating isagawa. Ngayong Linggo naman binibigyang diin ng ating mga pagbasa ang isang aspeto ng paghahandang ito.

Sa Unang Pagbasa, inihayag ni Propeta Baruch na ang isang bayang ipinatapon sa malayong lugar ay makaririnig ng salita na magdudulot sa kanila ng lubos na kaginhawahan. Ang atas sa kanila’y ihinto na ang pagluluksa. Ang mga nawalay na anak ay muling matatagpuan at babalik sa kanilang mga magulang. Ang ala-ala ng pighati, paghihirap at pagdadalamhati ay lilisang lahat.

Sinumang makarinig ng mga salitang ito ng propeta ay hindi mangingiming patuloy na magtiwala, at halungkating muli ang pag-asang minsan nang isinantabi.

Ganito rin ang mensahe sa atin ng Ikalawang Pagbasa. Masasalamin natin ang kagalakan ni San Pablo sa kanyang liham sa mga taga-Filipos.  Isang uri ng kagalakang hindi panandalian lang, kagalakang hindi maaaring ihatid ng mundo—ngunit isang kagalakang hahaplos sa ating balat, tatagos sa ating mga buto, at manunuot sa ating mga kaluluwa.

Sa kanyang liham ding ito mababatid natin ang isang klase ng pagmamahal na puro, dalisay, at walang pagsisino. Isang pag-ibig na nagbibigay lakas upang magbunsod sa isang minamahal na piliin ang nararapat ayon sa kalooban ng Diyos. Ang pagmamahal na ito’y hindi lamang bunsod ng sentimentalismo o nanggaaling sa damdaming maaaring magpabago-bago, ngunit pagmamahal na naghahamong i-ayon ang buhay alang-alang na rin sa taong nagmamahal.

May kilala akong isang inang mayroong anak na nasa mga dalawampu’t limang gulang lang, ngunit halos sumuko na siya sa kanya. Gumon na kasi ito sa ipinagbabawal na gamot. Nananakit na siya ng mga bata. Nagbebenta ng mga gamit nila sa bahay. Kaya naman ayaw man sana niya, ipinadala niya ang anak sa isang rehabilitation center. Pagkatapos ng mahigit isang buwang paglagi rito, pansin ang mabilis na pagbabago ng anak niya. Nitong nakaraang linggo lang, mangiyak-ngiyak nito sinabi sa akin ang sabi ng anak niya sa kanya, “Ma, paglabas ko dito, ako naman po ang mag-aalaga sa inyo!”

Mainam na manunulat si San Lucas. Maingat ang paglapat ng kanyang panulat sa papel. Wala siyang inaaksayang salita. Ang bawat titik ng kanyang panulat ay hitik sa kahulugan. Sa pagsisimula ng ating Mabuting Balita ngayong Linggo, mapapakamot tayo ng ulo—kung sino-sinong mga makapangyarihang pangalang tinitingala ng lipunan ang ipinarada ni San Lucas—si Tiberius Cesar, si Pontio Pilato, si Herodes, si Annas, si Caifas—at mapapatanong tayo: kailangan bang banggitin ang mga ito? Ngunit may plano si Lucas sa kanila. Sa pamamagitan nila, gusto niyang ipakilala sa atin ang payak na pigura ni Juan.

Makikita natin ang mga naunang pangalan sa kanilang mga palasyo, o di kaya nama’y sa marangya at komportable nilang tahanan. Kaya naman talagang kawawa ang dating ni Juan.

Sa pagitan ng dalawa, ipinakita ni San Lucas na ang Espiritu ng Diyos ay mananahan sa isang aba. Ang kagustuhan ng Diyos ay gaganapin hindi ng mga may kapangyarihan, kung hindi iyong mga walang-wala sa buhay.

Ang pa-tulang paglalahad ni San Lucas na hiram galing sa pangitain ni Propeta Isaias ay napakaganda, hindi lang sa anyo nito, bagkus, at higit sa lahat, sa mismong nilalaman: itutuwid ang kaluluwa ng mga tao, pupunuin ang mga pusong hungkag, paiinamin ang mga daan upang maging instrumento ito ng pag-hilom at pag-aayos ng mga relasyon.

Tunay ngang walang sinuman o anuman ang makapagpapahinto sa plano ng Diyos na magdulot ng kaligtasan sa lahat–maging ang ating sariling kapalaluan!

Sa Martes, ika-8 ng Disyembre, ipagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Paglilihi sa ating Mahal na Ina. Isang katangi-tanging pangyayari sa kasaysayan ng sangkatauhan na nagpapakita sa ating hindi kailanman sumuko ang Diyos sa Kanyang dakilang pagmamahal para sa atin.

Sa araw ding iyon, bubuksan ng ating Santo Papa ang Taon ng Awa. Isang buong taong pagninilay at pagdiriwang ng awa ng Diyos para sa bawat isa sa atin.

Ngunit gaano man kadakila, mananatiling hungkag ang lahat ng ito kung tayo naman ay hindi handa upang tanggapin ang Kanyang awa at biyaya.

Kaya naman ang paanyaya’t hamon sa atin, isa Kanyang pagdating, ihanda natin ang ating mga puso.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s