Liwanag na hindi maitatago!

Simbang Gabi–Day 1
16 December 2015

image

Ngunit mayroon silang malaking problema: ang Ama mismo ang nagbigay ng patotoo sa mga pangaral at pagkatao ng Panginoon. Paano nga naman ba nila mapapasinungalingan ang mga himalang ginawa Niya? Graphics by Prenovice Jonas Lacson.

Noong panahong wala pa ang Facebook, Twitter, Instagram at Tumblr, hindi pa rin naiimbento ang #ThrowbackThursday o #Hugot at hindi pa nauuso ang pagse-selfie, aliw na aliw ang marami sa Friendster.
Para sa mga masyado pang bata upang maalala o kaya sa mga nagbabata-bataan na ayaw nang alalahananin pa, sumikat ang paggawa ng testimonial para sa kaibigan sa Friendster. Maaari kang magsulat ng isang mensahe at ipaskel ito sa wall ng Friendster account ng iyong kaibigan. Sa pamamagitan nito, pwede mo siyang bigyang patotoo. 

Sa ating Mabuting Balita, naghahanap ng pagpapatotoo ang mga Hudyo sa kung sino nga ba talaga si Hesus. Wala silang bilib kung sino Siya, kung kaya’t kinwestyon nila ang mensaheng ipinapangaral niya. Hindi sila makapaniwalang Siya ang Mesiyas, ang Sugo na magliligtas sa kanilang bayan sa pagka-alipin.

Takot sila sa lumalaking popularidad ng Panginoon kung kaya’t maingat silang naghanap ng paraan upang mapasinungalingan ang pagpapatotoo ng nakararami sa Kanya.

Ngunit mayroon silang malaking problema: ang Ama mismo ang nagbigay ng patotoo sa mga pangaral at pagkatao ng Panginoon. Paano nga naman ba nila mapapasinungalingan ang mga himalang ginawa Niya?

Masakit man tanggapin ngunit ang katotohan ng Kanyang salita ay hindi lamang pumukaw ng kanilang atensyon, ngunit kumurot din sa kanilang puso. At hindi sila komportable dito.

Ilang beses na nating napatunayan na ang Diyos ay gumagamit ng mga tagapamagitan upang maipahatid ang Kanyang mensahe upang makita natin ang Kanyang kalooban sa kabila ng mga sitwasyong hindi  madaling tanggapin at upang makarating ito sa mga taong hindi pa nakakakilala sa Kanya. Narinig natin sa unang pagbasa, mula sa Aklat ni Propeta Isaias na “Di dapat sabihin ng isang dayuhang nakipag-kaisa sa bayan ng Diyos, na siya’y hindi papayagan ng Panginoon na makisama sa pagsamba ng kanyang bayan.”

Sa mga tagapamagitan ng Panginoon, si Juan Bautista ang isa sa mga pinaka-namumukod-tangi.

Ang kanyang halimbawa’y inihalintulad ng Panginoon sa isang lamparang nagbibigay ng liwanag. Ngunit binigyang diin din ng Panginoon na ang liwanag na dala ng Panginoong Hesus ay mas nakahihigit pa sa ilaw na taglay ni Juan Bautista sapagkat si Hesus ang Siyang mismong ilaw.

Ngayon ay ang unang araw ng ating pag-sisiyam para sa nalalapit na kapaskuhan. Iba-ibang dahilan ang nag-udyok sa atin kung bakit natin naisipang magsimba: ispesyal na pangangailangan para sa sarili o sa mahal sa buhay? Pagsunod sa nakagisnan nating tradisyon?
Pagkakataon para makasama si girlfriend? O masilayan si crush? Samu’t-saring dahilan!

Pero sana, huwag nating kakalimutang isama sa mga dahilang ito ang Panginoon. Ilaw ang isa sa mga natatanging dekorasyong kaakibat ng kapaskuhan. Hindi lamang ito dahil sa tala na nagbigay ng giya sa mga pantas upang matunton ang pook kung isinilang ang Panginoon. Si Kristo ang liwanag ng Pasko. Siya ang Liwanag na hindi maitatago.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s