Maganda pa rin ang Mundo, Kahit na Hindi ito Perpekto

Simbang Gabi–Day 2
17 December 2015

2SGGodbornfamily.jpg

Nag-aanyaya ang ating liturhiya, ngayong ikalawang araw ng ating pagsisiyam bilang paghahanda sa kapaskuhan. Buksan din ang ating puso sa iba. Graphics by Prenovice Gabriel Tamondong.   

Ang “Heneral Luna” ay isa na marahil sa mga pelikulang nakagawa ng tatak sa kamalayan ng marami. Hindi lang dahil sa mataas na antas ng sining na ipinakita nito, ngunit sa araling nais nitong iwan sa atin.

Inanyayahan tayo nitong balikan ang mga pahina ng kasaysayan ng ating bayan upang matunghayang muli ang mga bayaning minsan nating dinakila sa ating mga silid aralan–o kaya’y ipinagpatayo ng rebulto sa iba’t-ibang pook sa bansa–at lantarang ihayag ang kanilang kahinaan o ‘di kaya’y kabuktutan.

Ganito rin marahil ang nais bigyang diin ni San Mateo sa Mabuting Balitang ihahayag sa ikalawang araw ng simbang gabi. Sa likod ng mahabang listahan ng mga pangalang bumubuo ng lahi ng Panginoong nakapaloob sa ating Mabuting Balita, mahahayag na hindi naman lahat  ng iyon ay mga perpekto. At kung batid natin ang kuwento ng buhay ng bawat isa, tiyak na mapapatanong tayo kung tunay nga ba sila talagang kamag-anak ng Panginoon.

Halimbawa na lang ay si Tamar na isang babaeng nang-akit sa kanyang mismong biyenan (Genesis 38). Andiyan din si Rahab na isang bayarang babae (Josue 2:1). At marahil, ang pinaka-tanyag sa kanilang tatlo, ang mismong ina ni Haring Solomon, si Batsheba, na habang kasal sa ibang lalaki ay  nagka-relasyon naman kay Haring David.

Sa pagkakaroon ng mga taong katulad nila sa mismong salinlahing panggagalingan ng ating Panginoon, mababatid natin ang kalooban ng Diyos na hindi mangingiming pumili ng isang taong may madilim na nakaraan, at sa pamamagitan nila’y makaguhit ng tuwid na linya ang Diyos sa pamamagitan ng ‘baluktot’ nilang buhay.

Sa ating unang pagbasa, matutunghayan nating nasa takip-silim na ang buhay ni Jacob, at mamamaalam na siya sa kanyang mga anak. Isa sa mga ito ay si Juda. Matatandaan nating isa siya sa mga kapatid ni Jose na nagkalakal sa kanya. Tulad ng mga pangalang binanggit sa Mabuting Balita, may taglay din siyang kahinaan. Mayroon din siyang madilim na nakaraan. Ngunit sa mismong lipi niya manggagaling ang isisilang na Panginoon.

Sa kanila natin mababanaag ang kahandaan ng Diyos na idulot ang Kanyang awa, isang Diyos na laging bukas ang bisig upang yakapin ang sinuman–maging iyong hindi maayos ang katayuan sa lipunan.

Nag-aanyaya ang ating liturhiya, ngayong ikalawang araw ng ating pagsisiyam bilang paghahanda sa kapaskuhan, na  buksan din ang ating mga puso sa iba. Na bago natin hatulan ang iba, sana’y makilala natin sa kanila ang isang kapatid na mas nangangailangan ng pang-unawa kaysa panghuhusga.

At kung mangyayari ito, mas magiging maganda sigurong manirahan sa ating mundo. Kahit na hindi ito perpekto.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s