Si Kristo ang Liwanag ng Buhay!

Misang Pang-hatinggabi

1914053_10201374909771781_154956755285774082_n

Graphics by Christian Decena. 

Nakalunok po ba kayo ng kwitis? Pag ngumiti po kasi kayo, may spark.

May theory po sa physics na nagsasabing “light travels faster than sound.” Kung hindi po ako nagkakamali, si Albert Einstein ang nagsabi na wala na daw pong hihigit pa sa bilis ng liwanag. Kaya nga po nauuna ang pagdating ng kidlat, at saka, matapos ang ilang segundo, doon pa lang darating ang dagundong ng kulog.

Ganito rin sa mga paputok. Makikita natin ang pagsambulat ng nakakasilaw na liwanag sa alapaap, pagkatapos, saka pa lang natin maririnig ang pag-putok nito.

Kataka-taka dahil kanina pa tayo nandirito, at pansin natin na balot na balot po ang ating pagdiriwang ng Banal na Misa ngayon ng liwanag. Kapansin-pansin ito, hindi lamang dito sa ating altar na napapalamutian ng sari-saring ilaw. Pansin din natin ang mismong tema nito sa ating liturhiya ngayong gabi. Kahit na sa ating mga pagbasa’y walang naman tayong narinig na mga pasabog.

Sa unang pagbasa, narinig natin mula sa Aklat ni Propeta Isaias na ang isang bayang matagal nang nababalot ng kadiliman ay makakatanaw ng isang malaking liwanag.

Noong Lunes, nawalan ng loob ang marami sa atin nang tinawag si Ms. Colombia bilang nanalong si Ms. Universe. Ngunit nang i-anunsyo ng host na mayroong isang pagkakamali—at si Ms. Philippines ang siyang dapat na mag-uwi ng—lubos tayong natuwa. Nagalak tayo bilang isang bansa. Para tayong isang bayang naghihintay ng pagka-tagal-tagal sa kadiliman. Ngunit nang naiputong sa ulo ni Ms. Philippines ang korona, nakatanaw tayo ng isang napakalaking liwanag.

May isang high school graduate na gustong pumasok ng seminaryo. Araw ng pasukan noon ng mga bagong seminarista. At sa gitna ng napakaraming mga panauhin sa seminaryo namin na naghahatid ng mga bagong pasok na seminarista, isang seminarista ang lumapit sa akin, “Brother, may isa pong ayaw payagan ng parents niya. Samahan ninyo po ako. Sunduin natin siya.” Hindi po ganun ang regular na gawi namin na ang isa sa mga seminary formators ay magsusundo ng mga aplikante upang dalhin sa seminaryo. Pero mayroong nagbulong sa aking, samahan ko ang seminaristang iyon.

Pagdating ko sa bahay nila, nakita ko ang kahirapan ng kanilang buhay.  Masikip ang kanilang bahay. Maliliit pa ang kaniyang mga kapatid. At si Levi ang pinaka-kuya sa kanila. Bus driver ang tatay niya, at ang nanay naman niya’y walang hanapbuhay. Nang tinanong ko kung bakit ayaw siyang payagang pumasok ng seminaryo, luhaang sinabi sa akin ng nanay niyang mahirap lang sila at wala silang maipapantustos sa pag-aaral nito… Naiiyak na rin po ako noong sandaling iyon. Pero lakas loob kong sinabi sa nanay ni Levi na “Subukan po natin ang kabutihan ng Diyos. Siya ang bahala.”

Limang taon na rin halos ang dumaan nang naganap iyon. Nakatapos na siya ng kursong Bachelor of Science in Secondary Education. Isa na rin siyang licensed teacher. Nasa loob pa rin siya ng seminaryo at naghahanda para maging isang novice. Tumaya siya at ang kanyang pamilya sa pag-asang hatid Diyos. Nakatanaw sila ng isang liwanag.

Ngunit ang liwanag na isinasaad ni Propeta Isaias ay hindi lamang kumakatawan sa pagkakapanalo sa isang paligsahan ng pagandahan o pagpasok ng seminaryo. Higit pa ang liwanag na tinutukoy ni Isaias dito. Sa kanyang paglalahad, “Sapagkat ipinanganak para sa atin ang isang sanggol na lalaki.” At ang sanggol na iyon ang “Makapangyarihang Diyos.”

Sa ikalawang pagbasa, nanghihikayat si San Pablo sa kanyang liham na mabuhay tayong naaayon sa kalooban ng Diyos. Ipinapaalala niya sa ating ang liwanag  ng kanyang kagandahang-loob “ang siyang aakay sa ating talikdan ang likong pamumuhay at damdaming makalaman.” Sa pamamagitan ng liwanag na taglay ni Kristo, malalaman natin ang daan patungo sa Ama, at daang magdadala sa atin upang isantabi ang hidwaan, upang magpatawad, upang maging liwanag din sa ibang mga kapatid nating nadidiliman ng landas.

Ngunit hindi lahat ng liwanag ay nagbibigay ng gabay. May liwanag na mapag-balatkayo. Nang-aakit, upang mailigaw tayo.

Mayroon po akong nakilalang isang ina sa parokya kung saan ako naka-assign kapag weekend. Umiiyak siyang nag-share sa akin ng problema tungkol sa kanyang anak na gumon sa ipinagbabawal na gamot. Nananakit na ito ng mga apo niya sa bahay. At nag-bebenta na ng kung ano-ano pa upang may maipantustos sa bisyo. Ang liwanag na dulot ng droga ay panandalian lang.

Gayundin ang liwanag na taglay ng maka-sariling ambisyon, ng hindi pagrespeto sa mga maliliit dahil sa napakataas na tingin sa sarili, ng pagiging ganid sa salapi at materyal na bagay—mag-iingat po tayo, dahil madalas—ang mga taong umaangkin dito ay inaangkin din nito. Nakakatakot, dahil nabubulag nito ang mga taong lumalapit at nahuhumaling dito.

Sa ating Mabuting Balita, malaki din ang papel ng liwanag na taglay ng isang anghel. Sa pamamagitan nito, naihayag sa mga nagpupuyat na pastol ang isang napakagandang balitang magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao: Isisilang na ang tagapagligtas–Ang Kristong Panginoon.

Alam po ninyo, ang mga pagbasang ating napakinggan ay taon-taon nating ginagamit. Pero hindi tayo nagsasawang pakinggan ang mga ito, siguro dahil hinding hindi natin pagsasawaan ang kuwento ng pasko!

Hindi lamang isang mainam na story teller si Lucas, isa rin siyang historian. At sa tagpong ito ng Mabuting Balita, nais niyang patunayan sa ating naganap ang Pasko sa kasaysayan ng sangkatauhan.  Sa pagsisimula ng Mabuting Balita, maingat ni isinama ni San Lucas ang pangalan ng pinuno ng Roma at ng Syria upang ilagay sa konteksto ng kasaysayan ng mundo ang pagkakatawang-tao ng ating Panginoong Hesu-Kristo.

Hindi lang sumulpot na lang ang Panginoon nang basta, isinilang Siya sa isang tunay na lugar, sa isang sabsaban sa Bethlehem at sa panahong kung kailan na ang emperador ng Roma na sumasakop sa Israel ay si Augustus Ceasar.

Binalot niya ng lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panunuluyan. Maikli lang ang pagsasalarawang ito ni San Lucas, pero ito mismo ang magsisilbing palatandaan upang matunton ng mga pastol ang bagong silang na Panginoon.

Sa maraming paraan, hindi maaalis sa atin ang kagustuhan nating makakita ng pasabog. Dapat may wow factor. Dapat makulay. Dapat kapansin-pansin; ‘yun bang mapapalingon ang mga tao.

Pero hindi ito ang gawi ng Diyos. Nang pumasyal Siya sa atin bilang katulad natin, naging isang sanggol na bata Siya. Mahina. Maliit. At ang kasama sa guest list niya ay hindi mga prinsipe’t prinsesa, kundi mga simpleng pastol na nagbabantay ng kanilang mga kawan, na nagpupuyat sa gabi.

Mga kapatid, huwag tayong umasang dumarating ang Diyos na kasabay na mayroong pasabog. Hindi masamang maniwala na ang Diyos ay ang responsable sa pag-hilom ng mga maysakit, o sa pagkakaroon ng mga himala. Ngunit huwag sana lang tayong maghanap ng Diyos sa mga ganoong pangyayari. Sapagkat ang Diyos ay naroroon din sa mga pagkakataong naghahari ang katahimikan, kung saan namumuhay ang mga tao ng ordinaryo.

May mga pagkakataong mamamalas lamang natin ang presensiya ng Diyos sa pamamagitan ng pag-ibig at pananampalataya. Ang mga ordinaryong pastol ay nakita ang isang bagay na hindi nakita ng marami.

Mamaya po, itataas ni Fr. ang tinapay, ilan kaya sa atin ang luluhod o mag-lalagay ng kanilang mga kamay sa tapat ng kanilang puso dahil sumasampalataya silang tunay na tunay na Katawan ito ng Panginoon?

Ang Pasko ay kapistahan ng liwanag. Sapagkat si Hesus ang mismong ilaw na walang simula, at kailanpanman, hinding hindi Siya magkakaroon ng katapusan.

At dahil narito Siya, manampalataya tayo sa liwanag na taglay Niya. Magkakaroon ulit tayo ng pag-asa. At mayroon tayong dahilang umibig ulit dahil nakalasap tayo ng pag-ibig na kailanma’y hindi naglagay ng hangganan sa kabila ng ating kabuktutan.

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s