Tayong Lahat ay Magkakapamilya!

Kapistahan ng Banal na Mag-anak
27 December 2015

image

Nakaugalian na po ng Simbahan na ang unang Linggo pagkatapos ng pagdiriwang ng kapaskuhan ay isinasantabi upang gunitain ang Banal na Mag-anak.

Kaya nga angkop na sa ating Ebanghelyo, narinig natin ang isang tagpo sa pamilya nila Jose, Maria at Jesus. Ayon kay San Lucas, taon-taon, naging kaugalian nilang magtungo sa Jerusalem sa pagdiriwang ng Paskuwa. Tradisyon ito ng mga Hudyo bilang pag-gunita sa kabutihang ipinakita ng Diyos sa pagpapalaya sa kanila sa Egipto.

At si Jose at Maria, bilang mabubuting magulang ay ginabayan ang batang si Jesus upang Siya man din ay makapagpasalamat at makasamba sa Ama.

Pabalik na sila ng Nazareth nang mapansin ng mag-asawa na nawawala ang bata. Hinanap nila ito. At nang hindi nila ito makita, bumalik sila sa Jerusalem upang hanapin siya doon. Nagulat sila ng makita nila ang hinahanap nila: Ang bata ay nakaupo kasama ng mga guro sa templo, matamang nakikinig, at nagtatanong. Ang mga taong nakamalas ng pangyayari ay manghang-mangha sa nasaksihan.

Tinanong Siya ni Maria, “Anak, bakit mo ito ginawa sa amin? Hindi mo ba alam na nag-alala kami sa paghahanap sa iyo?” Ang sagot naman ni Jesus, “Bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ninyo ba alam na ako’y nasa tahanan ng Aking Ama?”

Ngunit hindi nila naintindihan ang tinurang ito ni Hesus.

Sa tagpong ito ng Mabuting Balita, nasilayan natin ang isang pambihirang tagpo sa buhay ng Banal na Mag-anak. Sa maikling pagbasang ating napakinggan, nasaksihan natin ang pagkawala ng isang bata, ang pag-aalala ng mga magulang, at gayundin ang hindi nila pagkaka-intindihan.

At masasabi nating napaka-ordinaryo ng pamilyang ito!

Kung siguro tayo ang Diyos, ang pipiliin nating mag-asawa na mangalaga sa Kanyang Anak nang maging tao ito, gugustuhin natin ang mag-asawang may marangyang buhay. O kaya naman ay may celebrity status para sikat kaagad. O kaya naman ay ‘yung mga mukhang modelo para pwedeng pang-cover ng magazine.

Ngunit iba ang pamantayan ng Diyos. Pinili Niya ang isang ordinaryong mag-asawa. Upang kasama ng Anak Niya, bubuo sila ng isang pamilya.

Marahil, sa gabi pagkatapos ng kasal, mangangarap ang dalawa ng magandang bahay, disenteng kotse, at kasabay nito ay pagpa-plano sa kinabukasan ng kanilang mga anak. Wala man siguro tayong ekta-ektaryang lupaing pwedeng iwan sa kanila, masasabi nating pinagsikapan naman nating iwan sa kanila ang isang mas maliwanag na bukas. Dahil naranasan natin ang hirap ng buhay, ayaw na natin itong iparanas pa sa kanila.

Pero iba si Jose’t Maria. Hindi ang ari-arian ang gusto nilang ipasa sa batang si Hesus, kung hindi, ang mismong buhay pananampalataya nila. At batid ng mag-asawang ito na ang pundasyon ng isang mainam na pamilya ay ang pananampalataya sa Panginoon.

Ganito rin ang napakinggan natin sa unang pagbasa. Pinakita ng mag-asawang si Ana at Elkana na ang pananampalata sa Panginoon ang nagbuklod sa kanila bilang isang mag-anak. Ginawa nila ito hindi lamang sa pagsamba sa templo ayon sa nakaugalian. Ngunit ang kanilang nag-iisang anak na si Samuel ay inialay sa Panginoon.

Ilan kaya sa atin ang may bukas-pusong makagawa nito? Narinig ko sa isang sermon ng pari na kapag matalino daw ang anak, dapat mag-doktor ito, o kaya ay maging engineer o abogado. Hindi  sasagi sa isip nila na ialay ito sa Diyos upang maging pari. Ngunit ang mag-asawang ito, nag-iisa lamang si Samuel na supling nila, ipinagkaloob nila sa Panginoon. Kay inam na halimbawa ng mga Kristiyanong magulang!

Itinuro sa atin ng santong si Papa Juan Pablo II na ang pamilya ay maituturing na isang “paaralan ng kagandahang asal.” Sa sakramento ng binyag, binibigyang diin na ang mga magulang ang “unang guro ng pananampalataya sa kanilang mga anak.” Ito rin ang paniwala ni Papa Francisco. Ang pinakamagandang magagawa ng mga magulang sa kanilang anak ay palakihin silang mayroong pananampalataya.

Sabi ni Cardinal Tagle… “Pananampalataya ang hangin na sinisinghot, nilalanghap ng simbahan. Ang buhay niya ay pananampalataya. Kaya naman kapag ipapasa niya ang pananampalataya, ano ang kanyang ipinapasa? … Ang kanyang buhay. Kasi ang buhay niya ay pananampalataya.”

Kaya po sa maikling tagpong ito sa Banal na mag-anak, nakikita nating kung gaano binigyan ng pagpapahalaga ni Maria’t Jose ang buhay pananamapalataya nila sapagkat ito ang kanilang buhay. Ito rin po ba ang masasabi natin sa ating pamilya?

Sa ikalawang pagbasa, binigyang diin ang ating kaugnayan sa Diyos bilang ating Ama. At tayo naman ay Kanyang mga anak. Iyon ang kaugnayan natin sa Kanya. Tayo ang bumubuo ng pamilya ng Diyos. At lantarang maihahayag ito kapag nakita na natin ng buong buo ang Kanyang kadakilaan.

Ngunit habang hinihintay natin ito, sana ay maipakita natin kung paano dapat ang tamang pag-uugali ng isang kapamilya ang Diyos. Sana, sa bawat tahanan natin, mayroong pagmamahalan, mayroong pagbibigayan, mayroong pagtatawaran. Kung gaganapin natin ito, ang pasko ay hindi lang okasyon na inaasam-asam natin isang beses sa bawat taon, ngunit isang realidad na araw-araw nating ipagdiriwang.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s