Ang Liwanag na Taglay ni Kristo

Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon—Taon K
3 Enero 2016

Matthew 2_1_12

Graphics by Aspirant Paul Lopez.

Zimatar ang pelikulang kauna-unahan kong napanood sa sinehan. May isang eksena sa pelikulang hanggang ngayon ay tandang-tanda ko pa rin. Nakita ni Zimatar ang isang bruhang naghahanap ng nawawala niyang singsing. Nang tinanong niya ito kung saan niya nawala, ang sabi ni bruha’y “sa loob ko ng kuweba nawala,” kaya’t nagtaka ang binata kung bakit siya sa labas ng kuweba naghahanap. Ang sagot niya ay “Dito kasi sa labas ng kuweba ay maliwanag.”

Malaki ang papel ng liwanag sa ating liturhiya ngayong Linggo, Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon.

Sa panimula ng ating unang pagbasa, ayon sa pangitain ni Propeta Isaias, magbibigay daan ang dilim sa kaningningang taglay ng Jerusalem. At ang lahat ng mga bansang balot ng dilim ay magbibigay-pugay sa liwanag na taglay ng bayan ng Diyos.

Ang liwanag nito’y hindi galing sa kanya, kung hindi sa Diyos na tumatanglaw sa kanya. Maihahambing ito sa liwanag ng buwan na nagmumula sa sikat ng araw. At ang kaliwanagang ito ang magbubunsod sa bawat isa na magbalik-bayan.

Ang larawang ito marahil ay naging isang realidad nitong mga nagdaang araw dahil marami sa ating mga kababayan ang nagbalik-bayan upang ipagdiwang ang kapaskuhan. Muling nag-yakap ang mga nagmamahalang nagkatampuhan ng matagal. Isinantabi ang hidwaan, at nagpatawaran alang-alang sa isang batang bagong silang!

Ganito rin ang mensahe ni San Pablo sa ikalawang pagbasa. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos, at sa Mabuting Balitang nasumpungan natin sa buhay ng ating Panginoong Hesukristo, hindi na lamang ang mga Hudyo ang itinuturing na mga anak ng Diyos, kasama na rin ang mga Hentil na mapapabilang sa mga tagapagmana ng langit.

Dahil sa Panginoong Hesu-Kristo, bahagi na rin sila ng “iisang katawan” at “kahati sa pangako ng Diyos.” Kung ganito ang laman ng ating isip at puso, at ipupukol natin ang tingin natin sa mga taong hindi natin kagaanan ng loob, sigurado akong “kapatid” ang tatambad sa ating mga mata, at hindi taong “iba” sa atin.

Dahil natamo natin ang pag-ibig ng Panginoon, tayo rin nawa ay maging instrumento ng Kanyang pag-ibig. Dahil nasilayan natin ang ganda ng liwanag na hatid ng Panginoon, tayo rin ay hinahamong anyayahan ang iba upang masilayan ang liwanag Niya.

Sa Mabuting Balita, ang liwanag ng isang tala ang nag-ugnay kay Herodes, sa mga punong saserdote at eskriba, at sa mga pantas. Noong panahong iyon, ayon na rin sa impluwensiya ng kultura ng mga Griyego at Romano, ang pagsilang ng isang dakilang tao ay may kalakip na tanda mula sa langit.

At ganito ang mismong mensahe ng talang natanaw ng mga pantas. Bihasa sila sa pagbabasa ng mga kalakaran ng mga bituin. At galing pa sila sa silangan, sa pagsunod nila sa direksyon ng tala, at sa kanilang pagtatanong-tanong upang makasamba sa bagong silang na pinuno, nakarating sila sa Jerusalem.

Si Herodes naman ay isang pinunong hindi mapakali dahil sa kanyang nakaraan: Hindi siya dalisay na Hudyo. At batid niyang anumang oras ay maaaring maagaw ng iba ang kanyang kapangyarihan—at masugid niya itong binabantayan. Kaya nga responsible siya sa pagpapapatay ng maraming taong posibleng pumalit sa kanya. Kahit na ang mga mismong anak niya.

Kaya nang marinig niyang isinilang na ang “Hari ng mga Judio,” naligalig siya. Batid niyang bilang na kasi ang mga oras niya.

Ang takot niya’y nadagdagan pa nang ang mga bihasa sa Batas na mga eskriba, at gayundin ang lahat ng mga punong saserdote ay nagpahayag na mayroon ngang nasusulat na sa Bethlehem magmumula ang isang pinunong mamamahala sa bayang Israel.

Sa tagpong ito ng Ebanghelyo, mapapansing hindi lahat ay masaya sa pagdating ng liwanag. May mga taong takot sa sinag na taglay nito; hindi lahat ay natutuwa sa pagdating ng Panginoon. At alam nating ang reaksyong ito ang magbubunsod kay Herodes na ipapatay ang napakaraming inosenteng bata upang mahinto ang pagdating ng Haring ito.

Gayundin naman, sa pagtatapos ng bawat Ebanghelyo, makikita natin ang papel na ginampanan ng mga eksperto sa Batas, ang mga taong maituturing na malalapit sa Diyos sa pagkamatay ng Panginoon. Ang bagay na hindi naisagawa ni Herodes, sila na mismo ang tumapos.

Ngunit sa mga pangyayaring ito, alam nating mananaig ang kalooban ng Diyos.

Ito ang mensahe ng kapistahang ating ipinagdiriwang ngayong Linggo: Walang sinuman ang makapag-kubli ng liwanag na taglay ng Diyos!

Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pagpapakasakit ng ating Panginoong ipinagdiriwang natin sa Banal na Eukaristiya,  nawa’y ang ating buhay ay maging isang kaiga-igayang lamparang nag-iingat—at nagsisiwalat—ng liwanag ni Kristo.

Hinahamon tayong maging liwanag din ni Kristo sa mga kapatid nating ang buhay ay balot ng kadiliman. Nawa, kapag napatingin sila sa anumang bagay na ating ginagawa, maaakit silang tularan tayo. Dahil ang liwanag ni Kristo sa ating buhay ang tumambad sa kanila.

Advertisements

3 comments

  1. What a beautiful reflection! It gave me a deeper appreciation of the star, the magis, Herod, darkness and my role to be a light-for-others. A new insight was how the law experts finished what Herod could not do. Searching for the missing ring (from the movie Zimatar) also hit a chord in me as many times in my life I look at the wrong places simply because I do not like to step out of my comfort zone.

    Your reflection, written in Filipino, brings the truth closer to our lives…thank you!

      1. What insights I had was yours, Donnie! I also write so I know too well what it must have cost you to write a gospel reflection that impacts to a reader like me (enough to make a comment, which I normally do not do). Will read more of your past reflections…too bad you were never in my theo classes when I studied in DBCS last sem…would have loved to have coffee with you…but do keep writing because you have the gift of words…

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s