Isang Bata sa Piling ng Ama

Kapistahan ng Santo Nino—Taon K
17 Enero 2016

STO. NIÑO

Graphics by Aspirant Paul Lopez. 

Nalaman kong ang pamangkin ay nam-bubully ng kanyang mga kalaro. Kinausap ko ito at ipinaliwanag sa kanyang hindi maganda ang ginawa niya. Kaagad niyang pinuntahan ang mga kalaro niya at humingi ng paumanhin. Agad ding tinanggap ng mga batang nasaktan niya ang kanyang pag-sosorry.

Naisip ko, kung sana, ganun din kabilis humingi ng dispensa at magpatawad tayong mga mas nakakatanda—siguro, mas gagaan ang mga suliranin natin sa buhay, dahil nagpapasimple ito ng mga bagay na komplikado.

Ngayong Linggo, masasabi nating medyo komplikado ang tagpo sa ating Mabuting Balita tungkol sa buhay ng Banal na Mag-anak. Ayon kay San Lucas, taon-taon, naging kaugalian nilang magtungo sa Jerusalem sa pagdiriwang ng Paskuwa. At si Jose at Maria, bilang mabubuting magulang ay ginabayan ang batang si Jesus upang Siya man din ay makapagpasalamat at makasamba sa Ama. Pabalik na sila ng Nazareth nang mapansin ng mag-asawa na nawawala ang bata. Hinanap nila ito. At nang hindi nila ito makita, bumalik sila sa Jerusalem upang hanapin siya doon. Nagulat sila ng makita nila ang hinahanap nila: Ang bata ay nakaupo kasama ng mga guro sa templo, matamang nakikinig, at nagtatanong. Ang mga taong nakamalas ng pangyayari ay manghang-mangha sa nasaksihan.

Tinanong Siya ni Maria, “Anak, bakit mo ito ginawa sa amin? Hindi mo ba alam na nag-alala kami sa paghahanap sa iyo?” Ang sagot naman ni Jesus, “Bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ninyo ba alam na ako’y nasa tahanan ng Aking Ama?” Ngunit hindi nila naintindihan ang tinurang ito ni Hesus.

Makikita nating kahit sa mismong pamilya ni Hesus, mayroong gusot, mayroong ‘komplikasyon,’ mayroong hindi pagkakaintindihan. Marahil, hindi batid ng mag-asawa ang pangangailangan ng batang si Hesus—ang Kanyang pagka-uhaw sa Kanyang Ama sa langit. Pero, dito natin hahangaan sila Jose at Maria dahil sa kabila ng pagkakataong katulad nito, na hindi nila maunawaan si Hesus, patuloy silang umagapay sa bata.

Mga magulang, ganito rin ba tayo katulad ng mag-asawa? Malalim din ba ang pang-unawa natin sa mga bata? Na hindi natin sila tinataasan ng boses o pinag-bubuhatan ng kamay  kapag naiinis tayo sa kanila. Pero pinipili natin silang intindihin dahil alam nating marami pa silang mga bagay na kailangang matutuhan. At bilang mga matatanda sa buhay nila, andoon tayo upang umagapay.

Marami sa ating ang tingin sa kabanalan ay nakukuha sa dami at sa laki ng mga ginagawa natin. Ang iba, ang tingin sa sarili ay santo na dahil sa kabila ng kabi-kabilang nobenang dinadasal, araw-araw pa silang nagsisimba. Pero madalas, dahil ganito ang tingin natin sa kabanalan, tinitingnan natin ito bilang ‘ating’ gawain. Sa karanasan ng Banal na Mag-anak, makikita nating hinayaan ni Jose at Maria na gawin ng Diyos ang pambihirang bagay sa pamamagitan nila.  Naroroon lang sila upang alagaan si Hesus, upang mahalin Siya bilang kanilang anak. At iyon ang naging daan upang marating ang kabanalan.

Mga kapatid, ang kabanalan ay gawain ng Diyos. At sa pamamagitan ng pagbubukas ng mag-asawang ito sa mga buhay nila sa Panginoon, nagawa ng Diyos ang nararapat Niyang gawin: Napabanal sila ng Diyos!

Sa unang pagbasa, iniulat ni Propeta Isaias na “Nakatanaw ng isang malaking liwanag ang bayang malaon nang nasa kadiliman, namanaag na ang liwanag sa mga taong namumuhay sa lupaing balot ng dilim.” Kahit na nasanay na ang mga mata natin sa dilim, patuloy pa rin tayong naghahanap ng liwanag. At sa bawat pagkakataong nakakatunghay tayo ng mga taong bukas ang kalooban sa Diyos at tumutulong sa kapwa, nakakakita tayo ng liwanag sa karimlan. Sabi nga ng isang post sa social media: Faith in humanity restored.

Ngunit ipinapaalala sa atin ni San Pablo sa ikawalang pagbasa na ang ang pagpapalang espirituwal, ay nakakamit lamang natin dahil sa ating pakikipag-isa sa Diyos. Pinagpapala tayo dahil nasa tabi natin si Kristo! Kaya huwag na huwag tayong aalisa sa piling ng Diyos.

Ngayong Linggo, sa ating pagdiriwang ng Kapistahan ng Santo Nino, hinahamon tayong maging isang batang nakabantay sa kalooban ng Diyos, laging nasa piling ng Ama. Sapagkat tulad ng isang mabuting magulang, wala Siyang ibang hangarin kundi ang mapabuti ang ating buhay dito sa lupa, at makasama Niya tayo sa Kanyang kaharian pagdating ng araw.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s