“Give me souls, take away the rest”

Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon—Taon K
Dakilang Kapistahan ni San Juan Bosco
31 Enero 2016

Luke 4_21_30

 

Ngayong araw, nagtatapos ang 51st International Eucharistic Congress (IEC) na ginanap sa Cebu nitong mga nakaraang araw. Nag-uumapaw ang isang buong linggong ito ng mga pagninilay, panayam, at mga gawaing patungkol sa pagpapaibayo ng debosyon patungkol sa Eukaristiya.

Bilang isang studyante ng Theology, ikinagalak kong maging bahagi ng IEC dahil ang mga theologians at authors na sa mga libro ko lang nababasa, o kaya naman ay sa mge lectures nila sa Youtube, ay personal kong mapapakinggan–at kung papalarin, makapag-pa-picture na rin kasama nila.

Pero hindi ko inaasahan na mas tatawag ng pansin sa akin ang mga pagbabahagi ng mga ordinaryong tao, kung paanong naging tunay na tinapay para sa kanila ang ating Panginoon sa pamamagitan ng pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya.

Halimbawa na lang ay ang kuwento ni Cardinal Tim Dolan kahapon tungkol sa isang obispo sa China na nakakulong ng mahigit 40 taon dahil lamang sa kanyang pagiging isang Kristiyano. Isang madilim, at napakaliit na selda ang pinaglagakan sa kanya. Siya lamang ang nag-iisa doon. Makalipas ang apat na dekada, tila lumambot ang puso ng mga gwardiyang nagbabantay sa kanya. Binigyan siya ng mga ito ng pagkakataong humiling ng kahit na ano: masarap na pagkain, makapag-lakad-lakad, lumipat sa isang silid na mas malaki, o ‘di kaya naman ay makapaligo at makapag-palit ng mas malinis at komportableng damit. Ngunit wala sa mga ito ang pinili niya; at ang kanyang kahilingan–ang makapagdiwang ng Banal na Misa!

Ngayong Linggo, maaari nating bigyang pansin ang kakayahan ng Diyos na baguhin ang buhay natin kung hahayaan lamang natin Siyang maging Diyos ng buhay natin.

Sa unang pagbasa, makikita natin na ganoon na lang ang pagtanggi ni Propeta Jeremias sa paanyaya ng Diyos na maging isang propeta. Alam niyang hindi lang mahirap ang maging isang katulad nila, mapanganib ito. Hindi lang ang kanyang dignidad ang nakataya, maging ang kanyang buhay din.  At sigurado siyang hindi siya handa sa gawaing ito.

Ngunit ang problema, mas sigurado ang Diyos sa paghirang sa kanya. At dahil ito ang kalooban Niya, hindi siya nito hahayaang mapahiya. Ang kabuuan ng ating pagbasa ngayon ay mistulang pagdedetalye ng kanyang buhay at paniniguro nito sa Kanyang hinding hindi Siya nito iiwanan.

Ito ang pangako ng Diyos kay Jeremias, “Ang bawat isa sa lupaing ito – ang mga hari ng Juda, ang mga pinuno, ang mga saserdote, at ang buong bayan – ay sasalungat sa iyo. Ngunit gagawin kitang sintibay ng isang lunsod na naliligid ng mga muog.” At ito rin ang pangako Niya sa bawat isa sa ating nagsusumikap ganapin ang Kanyang Salita sa pamamagitan ng ating buhay.

Sa ikalawang pagbasa, ipinapaalala sa atin ni San Pablo ang kalidad ng tunay na pag-ibig. Marami man sa atin ang nakaranas na ng kabiguang magmahal, ang mensahe ni San Pablo ay patuloy na nagbibigay sa atin ng pag-asang sumubok muling umibig, at isang hamong ganito rin nawa ang uri ng pag-ibig na ipagkakaloob natin sa iba. Huwag magsawang magpatawad. Huwag mapagod magbigay. Huwag maging manhid sa pangangailangan ng iba.

Sa pamamagitan ng pag-ibig na ipinakikita natin sa iba, masasalamin sa buhay natin kung anong klaseng Diyos mayroon tayo: Dyos na hindi napapagal sa pagmamahal. Diyos na hindi  nagsasawang yakagin tayo pabalik sa Kanyang piling. Kahit na hindi naman tayo karapat-dapat sa Kanyang pagmamahal.

Ang dalawang pigurang ginamit ni Hesus ang nakatawag sa pansin ko sa Mabuting Balita: Ang balo ng Sarepat kung kanino humingi ng tulong ang propetang si Elias, at si Naaman, ang pinagaling mula sa sakit na ketong–ang dalawang ito ay itinuturing na taga-labas dahil hind sila mga Israelita. Ngunit sila man din ay nakalasap ng mapagkalingang pag-ibig ng Diyos. Walang itinaangi ang Diyos. Lahat ay kasama sa Kanyang plano.

Ang mga kababayan ni Hesus, hindi sila makapaniwalang mayroon Siyang kakayahang mangaral sa kanila dahil batid nila kung Sino siya. Isa lang Siyang anak ng karpintero. Lalo pa sigurong nagpuyos ang kanilang damdamin ng ipaalala ni Hesus ang kasalanan ng kanilang mga ninuno. Ipinagtabuyan nila Siya. Ngunit gayunpaman, alam nating malalim ang pinag-huhugutan ng Diyos ng pag-ibig. Alam ni Hesus na mahina sila. Higit sa pang-unawang kaya Niyang ibigay sa kanila, minahal Niya sila ng sobra sobra.

At itong klase ng pagmamahal na ito ang uri ng pag-ibig na handog Niya sa atin.

Ngayong Linggo din ipinagdiriwang ng buong Simbahan ang kapistahan ni San Juan Bosco, isang dakilang tagasunod ni Hesus na nag-alay ng kanyang talino, lakas at buhay upang maipadama sa napakadaming mga kabataan ang bottomless na pag-ibig ng Diyos. Ang buong buhay niya ay umikot sa kanyang motto, “Give me souls, take away the rest” (Kunin na ninyo ang lahat, maliban na lang sa mga kaluluwa). Ang kanyang

Nang siya’y pumanaw, inilarawan ng doctor na tumingin sa kanya na tila isa siyang kandilang natunaw na lang dahil wala na siyang ibibigay pa.

Sa pamamagitan ng panalangin ni Don Bosco, nawa’y makatugon din tayo sa panawagan ng Diyos na maibigay din natin ang lahat-lahat ng nasa atin para sa Kanyang ikakaluwalhati, at sa kaligtasan ng mga kaluluwa.

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s