Ano naman ba ang sa’yo?

Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon—K
7 Pebrero 2016

wp-1453707923283.jpeg

Graphics by Asp. Paul Lopez of Don Bosco Seminary. 

Kapag nakakakita tayo ng isang grupo ng mga seminarista, marahil isa siguro sa mga nais nating malaman sa kanila ay kung bakit sila pumasok sa seminaryo. Balot pa rin kasi ng hiwaga ang buhay nila. Sa isang mundong baon sa materyalismo at tukso, may mga katulad pa rin nilang handang tumalikod dito.

Ilang beses na rin akong natanong kung bakit ako pumasok sa seminaryo. Pero sa bawat pagkakataong marinig ko ang tanong na ito, nauubusan pa rin ako ng isasagot. At ang pinakamadaling paraan upang sagutin ito ay sa pamamagitan ng pagsasabing “Isa itong misteryo.”

Ngayong Linggo, hitik ang ating mga pagbasa ng kuwento kung paano tumatawag ang Diyos ng mga taong tutulong sa Kanya upang maihasik ang buto ng Mabuting Balita. At makikita natin ang sagot sa tanong na ito: Ang Diyos ang Tumatawag.

Maganda ang pagkakalarawan sa unang pagbasa ayon sa Aklat ni Propeta Isaias. Punong puno ng usok ang paligid, ang mga anghel ay walang tigil sa pagsasabi ng “Banal, banal, banal ang Panginoong Diyos!” Nagkaroon din ng pagyanig, at punong puno daw ng kaningningan ng Panginoon ang paligid. Sa konteksto ng Bibliya, kapag ganito ang sitwasyon, tumutukoy ito sa pagpapakita ng Panginoon. Sa panahon natin, ang tawag natin dito’y ‘may apparition’!

Sa ganitong tagpo natin makikita si Isaias. Ngunit sa halip na magalak, matindi ang takot niya. Hindi natin siya masisisi. Noong panahong iyon kasi, ang mga taong pinagpapakitaan ng Panginoon ay namamatay. Pero bukod dito—batid niyang hindi siya karapat-dapat na masilayan man lang ang kaningningan ng Panginoon. Kilala niya ang kanyang sarili. Makasalanan siya.

Anupa’t may isang anghel na lumapit sa kanya, may dala-dala itong baga. Inilapit nito ang baga sa kanyang bibig at sinabi sa kanyang “Wala ka nang sala. Napawi na ang kasalanan mo.” At kasabay nito, narinig niya ang tinig ng Panginoong nagtatanong, “Sino ang aking ipapadala? Sino ang aming susuguin?” Sumagot si Isaias: “Narito po ako. Ako ang isugo n’yo.”

Ganito rin ang tema ng ating Mabuting Balita ngayong Linggo—tampok naman ang pagtawag sa unang pangkat na bubuo ng Labindalawang tutulong sa Panginoon sa Kanyang misyon. Ngunit, hindi katulad ng unang pagbasa, hindi ito pambihira. Mapapansin natin ang paraan ng kasimplehan ng pagtawag ng Panginoon: Malansa ang paligid, pawisan ang mga lalaking lalapitan niya. Mga hamak lamang silang mangingisda. Masasabi nating napaka-ordinaryo ng tagpong ito kumpara sa unang pagbasa.

Tapos na daw mangisda sila Simon, Santiago at Juan. Magdamag silang nagpuyat sa laot. Ngunit katulad ng lasa ng dagat, inalat sila. Wala daw silang nahuli. Hinuhugasan na nila ang kanilang mga lambat nang datnan sila ng Panginoon. Sinabihan sila ni Hesus na muling pumalaot, kanilang ihulog ang mga lambat upang manghuli.

Sa tagal na nilang namamalakaya, malamang, kilala na nila ang ugali ng dagat. Bukod pa dito, dahil buong gabi silang nag-puyat, gusto na nilang matulog. Ngunit kung mayroong himalang nangyari, ito marahil iyon: Sumunod sila kay Hesus! At ang susunod na tagpo ay hindi nila inasahan—halos masira ang kanilang mga lambat sa dami ng kanilang huli.

Nakita ni Simon Pedro ang naganap. Katulad marahil ng naranasan ni Isaias sa unang pagbasa, naramdaman ni Pedro kung Sino ang nasa harap niya—at kung ano siya: Isang makasalanan. Pinalalayo niya si Hesus sa piling niya dahil hindi siya karapat-dapat na lumapit dito.

Ngunit nagwika ang Panginoon, “Huwag kang matakot. Mula ngayo’y mamamalakaya ka ng mga tao.” Ang tugon niya at ng kanyang mga kasama sa paanyayang ito ng Panginoon: Iniwan nila ang lahat, at sumunod sa Kanya.

Sa dalawang pagbasang napakinggan natin, malinaw na palaging ang Diyos ang unang nag-aanyaya. At ang pag-nanais nating sundan ang paanyayang ito ay ang ating mismong tugon.

Sa ikalawang pagbasa, binibigyang diin ni San Pablo ang kagandahang loob ng Diyos. Na kahit na hindi siya karapat-dapat na tawaging ‘apostol,’ dahil ito’y nakalaan lamang sa 12 na hinirang ni Hesus, at sapagkat minsan din niyang inusig ang Simbahan, pinili pa rin siyang maging isa sa Kanyang mga hinirang.

Ngunit hanggang ngayon, patuloy pa ring nag-aanyaya ang Diyos. Patuloy pa rin Siyang nananawagan sa ating paglingkuran Siya at ang ating kapwa. Hindi siguro sa pambihirang paraan–pero sa paraang abot ng ating kakayahan.

Nitong linggo lang, natuwa ako nang mabasa ko ang balita tungkol sa pagkakahalalal ng mga taong nakatira sa isla ng Lesbos sa bansang Greece upang tumanggap ng Nobel Peace Prize dahil sa pagtulong nila sa mga refugees na tumatakas mula sa kanilang mga bansa bunsod ng kahirapan at karahasan.

IIang taon na rin nilang tinutulungan ang mga refugees, ngunit dahil sa pagtaas ng bilang nito noong nakaraang taon, nabigyan ng mas malaking atensyon ang ginagawa nila. Nang kinakapanayam sila, nasabi ng isang mangingisdang “Kapag may nalulunod sa tabi, hindi naman maaatim ng konsiyensiya mong panoorin na lang ito. May gagawin ka upang maisalba ang kanyang buhay.”

Itong mangingisdang ito, literal na binuhay ang paanyaya ng Panginoong ‘mangisda ng tao.’

Ano naman ba ang tugon mo?

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s