Ang Pagtahak sa Disyerto

Unang Linggo ng Kwaresma—Taon K
14 Pebrero 2016

Feb 14

Graphics by Asp. Paul Lopez, Don Bosco Seminary Canlubang.

Ngayon ay unang Linggo ng Panahon ng Kwaresma.
Ngayon din, ipinagdiriwang natin ang Linggo ng mga Mandarayuhan.
Sige na nga … Ngayon din ay Araw ng mga Puso.

Alam ba ninyo kung bakit February ang month of love? Kasi daw pag ni-rumble mo yung February, nagiging ‘forever.’ Try nyo nga … 

‘Di ba walang lumabas? Wala kasing ganun.

Galing po iyon sa isa kong kaibigan sa Facebook. Pero naniniwala akong marami pa rin dito ang nagmamahal kahit na paulit-ulit na nasasaktan. Marami pa rin sa ating handang ipaglaban ang #forever.

Kapag umiibig po tayo, hindi maiiwasang hindi balikan ang nakaraan. Namnamin ‘yung unang pagtatagpo, balik-balikan ang matatamis na ngiti, lingunin ang masasayang ala-ala.

Sa unang pagbasa, kasabay ng pag-aalay ng mga Israelita ng kanilang mga unang ani, ay ang kanilang pagbabalik-tanaw sa kung sino sila … Nagsimula sila bilang isang maliit na bayang pakalat-kalat lang. Pinahirapan sila ng mga Egipcio. Inalipin. Ngunit sa kanilang pagdulog sa Diyos, natikman nila ang kabutihang loob Nito.

At sa kabila ng tuyong lupain ng disyerto, nanalig sila sa Panginoon. At ang pananalig na ito ay ginatimpalaan ng Diyos. Dinala Niya sila sa isang lupaing sagana.

Ganito rin ang patunay sa atin ni San Pablo sa ikalawang pagbasa–“Hindi mabibigo ang sinumang nananalig sa Kanya.” At talaga naman pong ang patotoo ng mga taong tunay na sumasampalataya sa Diyos ay talaga namang nagbibigay ng lakas ng loob. Estudyante po ako ng theology. Pinag-aaralan po namin ang Diyos sa classroom. Pero madalas po, doon lang po namin Siya nasisilayan. Pero ‘yung mga taong nakilala kong hindi nga man lang kumuha ng Fundamental Theology, ipinapakita nila sa aking buhay ang Diyos sa buhay nila at araw-araw nila Itong kasama.

Noong nakaraang Linggo, kung naaalala pa ninyo sa Mabuting Balita, pinababa ni Hesus kay Pedro ang lambat upang makahuli siya ng isda. Nang ginawa ito ni Pedro, hindi lamang siya nakahuli ng napakaraming isda, doon niya lang din napagtanto kung sino ang nasa harap niya. At batid niyang wala siyang karapatang tumayo malapit sa kanya.  Naibulalas niya, “Lumayo ka sa akin Panginoon, ako’y isang makasalanan.”

Ang disyerto ay isang lugar kung saan mapag-iisa tayo. Maitutuon nito ang atensyon natin sa mga mas mahahalagang bagay. Ganito ang nangyari kay Moises, sa mga propeta, kay Juan Bautista, maging kay San Francisco ng Assisi, at sa marami pang ibang naghanap ng kahulugan sa buhay ay piniling lumagi dito. Sa pamamagitan ng disyerto, hindi lamang mas nakikilatis natin ang sarili natin, sa pamamagitan din nito mas nakikilala natin ng higit ang Diyos.

Ngayong Linggo, sa isang disyerto ang pinangyarihan kung saan sinubok ang ating Panginoon. Narinig natin sa Mabuting Balitang na ang Espiritu Santo mismo ang nagdala dito kay Hesus. Alam ng Panginoon ang biyayang dala ng disyerto. Ngunit maging sa sagradong lugar na ito ay naroroon din ang demonyo. Tatlong tukso ang inihanda nito para sa Panginoon. Ngunit pinatunayan ni Hesus na buhay ang Diyos sa buhay Niya. At gaano man kaakit-akit ang panunukso sa Kanya ng demonyo, hindi Siya bumigay. Ito rin ang paanyaya sa atin. Ito rin ang hamon para sa bawat isa sa atin.

Sa pagsisimula natin sa Panahon ng Kwaresma, maituturing din natin ito bilang isang paglalakbay sa disyerto—isang panahon ng pag-lalim. Nawa po, ang susunod na mga araw ng Panahong ito ay pagkakataon upang mapagtuunan natin ng pansin ang ating kaluluwa.

Ngayong panahon po, sa seminaryo namin may mga kaibigan akong magpapatuloy. Pero mayroon din namang lalabas muna. Naalala ko po ang sabi sa akin ng isang pari noong papasok pa lang ako. Kapag iniisip ko na daw pong lumabas, alalahanin ko daw ang dahilan kung bakit ako pumasok sa loob. Alam po ninyo, isa po iyon sa mga bagay na inaalala ko kapag dumaraan ako sa pagsubok.

Sa mga sandaling gusto na ninyong sumuko, sa pagkakataong pagod na kayo, ano nga ho ba ang dahilan kung bakit ninyo pinili ang buhay na ito? Ang sagot po ay nasa unang pagbasa—ala-ala—balikan natin ang kagandahang loob ng Diyos at patuloy tayong manalig sa Kanyang katapatan.

Ang ating pagdiriwang ng Banal na Misa ay isang konkretong patunay na patuloy Niya tayong iniibig. Nananatili Siyang tapat sa atin.

At katulad po ng karanasan ni Hesus sa ating Mabuting Balita, nawa’y pagkatapos ng 40 araw ng ating paghahanda, mas maging makahulugan sa atin ang isang bagong buhay sa piling ng Diyos.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s