Visual Aid

Ika-2 Linggo ng Kwaresma–Taon K
21 Pebrero 2016

wp-1453707936038.jpeg

Graphics by As. Paul Lopez, Don Bosco Seminary Canlubang

Tayong mga Asians daw ay visual learners. Ibig sabihin, mas madali nating matutuhan ang isang komplikadong konsepto kapag nakasulat ito—at mas lalong higit kapag naka-drawing pa! Ito siguro ang basehan kung kayat kadalasan, mas nagagalingan ang mga mas nakararami sa atin sa mga gurong gumagamit ng visual aids.

Kung pagbabasehan natin ang ating mga pagbasa ngayong ika-dalawang Linggo ng Kwaresma–at susuriin ang malikhaing pag-gamit ng Diyos ng visual aids–masasabi nating napakainam Niyang magturo!

Sa unang pagbasa, nais na ipamalas ng Panginoon ang bilang ng anak na ipagkakaloob niya kay Abraham. At upang matulungan Siyang magbigay ng ideya sa huli, inutos Niya ditong pagmasdan nito ang mga bituin dahil ganyan karami ang kanyang mga magiging anak at apo.

Nanalig si Abraham sa Panginoon. At sabi nga sa kasabihang Inglis, the rest is history. Ngayon, hindi lamang Father of faith ang bansag kay Abraham. Siya din ay kilala bilang Father of many nations.

Sa ikalawang pagbasa, hindi man makagamit si San Pablo ng visual aids–dahil liham lang naman iyon–pero mapapansing punong puno ito ng emosyon, ng pagmamahal. Lalong higit, alam ng kanyang mga mambabasa na ang liham na iyo’y kanyang isinulat samantalang siya’y nakakulong.

Sa kanyang liham, ginanyak niya ang mga taga-Pilipong tumulad sa kanyang halimbawa sa pagsunod sa Panginoon. At tulad ng kanyang paulit-ulit na sinasabi sa kanila, ang langit ang kanilang tunay na tahanan. Kaya naman kinakailangan nilang magpakatatag sa kanilang pamumuhay na nakaugnay sa Panginoon.

Sa ating Mabuting Balita, tampok ang Pagpapanibagong Anyo ni Hesus. Nakakabighani, kamangha-mangha ang paglalarawan sa tagpong ito ni San Lucas. Nagbagong-anyo daw ang mukha ni Hesus at nagningning naman ang kanyang kasuotan. Dagdag pa dito, may kasama pa Siyang dalawang lalaking nagniningning din.

Kaya nga nang makita ni Pedro ang nagaganap, andami niyang gustong sabihin. Ngunit, ibinuking siya ni San Lucas na nagkomentong, “Ang totoo’y hindi niya nalalaman ang kanyang sinasabi.”

Pero hindi lang ito ang detalyeng ibinahagi sa atin ni San Lucas. Sa tatlong Ebanghelistang naglahad ng Pagpapanibagong-Anyo ni Hesus, siya lamang ang nagbigay sa atin ng detalyeng naganap ang mga bagay na ito samantalang Siya’y nananalangin.

Noong mga bata pa tayo, natutuhan natin na sa pamamagitan ng pananalangin, ibinibigay ng Diyos ang mga bagay na hinihiling natin; na binabago ng dasal ang disposiyon ng Diyos. Na sa pamamagitan nito, nakokondisyon natin ang kalooban ng Diyos.

Ngunit ngayong mayroon na tayong mas madaming karanasan sa buhay, mapapansin nating tayo pala mismo ang binabago ng ating panalangin. Kung tunay ang ating pananalangin, sa pamamagitan nito, mas nagiging mapagpatawad tayo, mas mapagbigay, at mas mapagmahal.

At ang pinakamataas na antas ng panalangin ay ang Banal na Eukaristiya. Sa ating paglalakbay sa panahon ng Kwaresma, nawa’s maipag-kaloob ng Panginoon na bigyan Niya tayo ng mas masidhing pagnanais na makasama Siya. Nang sa gayon, tunay tayong magbago.

Dahil sa pamamagitan nito, tayo rin mismo ay magiging isang mainam na visual aids ng Diyos. Na kung titingnan tayo ng iba, at makikita ang ating pag-uugali, mararanasan nilang parang si Kristo na rin ang nakasalamuha nila.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s