Isa Pang Pagkakataon!

Ika-3 Linggo sa Karaniwang Panahon—Taon K
28 Pebrero 2016

Feb 28

Graphics by Asp. Paul Lopez, Don Bosco Seminary Canlubang.

Ang buong buhay natin ay isang paanyaya upang manumbalik sa Ama. At ngayong panahon ng kwaresma, mas ipinag-iigting ang panawagang ito para sa ating lahat.

Sa ating liturhiya ngayong Ika-3 Linggo ng Kwaresma, ipinapaalala sa ating ang Diyos ang Siyang palagiang gumagawa ng unang hakbang upang makasama tayo.

Sa Unang Pagbasa (Exo 3:1-8a. 13-15), nagpakilala ang Diyos kay Moises. Ngunit hindi lang sa simpleng paraan ng pagbibigay ng Kanyang pangalan, kung hindi sa pamamagitan ng konteksto ng Kanyang relasyon sa kanya: Siya ang Diyos ng kanyang mga ninuno.

Namalas ng Diyos na labis na pinahihirapan ng mga Egipcio ang Kanyang bayan. Hindi lingid sa Kanya ang hirap na kanilang tinitiis. Narinig Niya ang kanilang daing. Kaya naman bumaba Siya upang sila’y iligtas.

Narito ang imahe ng isang Diyos na hindi lamang bahagi ng ating imahinasyon dahil totoo Siya. Dahil ipinaranas Niya sa Kanyang bayan ang Kanyang pagmamahal.

Ang kuwentong ito ni Moises at ng kanyang bayan na naganap noon ay nagpapatuloy hanggang sa ngayon. Bumaba siya noon upang makasama nila at hanggang ngayo’y patuloy pa rin Siyang nakikipaglakbay kasama natin.

Nitong nagdaang Huwebes lang, sinariwa natin kung paanong ang mapayapang rebolusyong naganap sa kalye ng EDSA 30 taon na ang nakararaan, ay maituturing na isang himala. Walang baril ang pinaputok. Walang kanyon ang pinasabog. Wala ni isa mang patak ng dugo ang dumaloy. Hinangaan tayo ng lahat, sapagkat, ayon sa awit na madalas na pinatutugtog noon, “Kapayapaan ang handog ng Pilipino sa mundo.”

Isang batang hampas lupa pa lang ako noong taong iyon, pero sa unang pagkakataon, dahil sa mapayapang rebolusyong ito, naintindihan ko ang kakaibang sarap na tawaging isang Pilipino!

Sa karanasan nating ito bilang mga Pilipino, tunay nga na ang Diyos ay kumikilos kasama ng Kanyang bayan. Hindi Siya nagpapabaya sa atin. Patuloy pa rin Niya tayong iniingatan.

Ngunit imbes na pahalagahan ang kaugnayang itong meron tayo sa Diyos, marami sa atin ang nagpapatuloy sa pag-gawa ng masama. Maganda nga sana kung nakalimot lang tayo o kaya ay sadyang mahina. Pero iba po ano kapag alam nating masama na, tapos patuloy pa rin natin itong ginagawa.

Naiintindihan natin ang kasalanan bilang paglabag sa batas. Nagmura tayo, nagsinungaling, nag-isip ng hindi maganda laban sa kapwa. Naiintindihan nating masama ito ngunit sadya pa rin natin itong ginagawa. Ngunit dapat nating maintindihan na hindi lang tayo lumalabag sa batas kapag gumagawa ng mali, masahol pa dito, pinupunit natin ang puso ng Ama nating patuloy na nag-aanyaya sa ating gawin ang tama, ang nararapat, ang mabuti.

Ito ang konsteksto ng ikalawang pagbasa (1 Cor 10:1-6.10-12). Marami sa mga taga-Corinto ang nakalimot, ang mahina o ‘di kaya’y sadyang walang pakialam sa damdamin ng Ama. Sinulatan sila ni San Pablo upang himuking alalahananin ang nangyari sa kanilang mga ninunong nagpatuloy sa kanilang maling gawi habang naglalakbay sa disyerto.

Ang mensahe niyang ito na para sa kanila noon ay makabuluhan pa rin naman sa atin hanggang ngayon. Ang iba sa ati’y kampante nang makatanggap ng binyag o kuntento na sa pagsisimba lang o kaya nama’y masaya na dahil hindi naman sila gumagawa ng masasama. Para sa kanila, ‘yun lang ang kahulugan ng buhay Kristiyano. Ngunit kung ito ang iniisip natin, nagkakamali tayo.

Sa Mabuting Balita, ito ang nais na ipaunawa ng Panginoon: na hindi lamang tayo dapat na umiwas sa masasama, ngunit inaasahang mamunga rin tayo dapat! Gamit ang puno ng igos bilang halimbawa sa Kanyang kuwento, nais na daw itong ipaputol ng may-ari sa nangangalaga dito.  Kung sabagay, tatlong taon na nga naman niya itong dinadalaw ngunit wala pa rin itong ibinibigay na bunga. Ngunit sa halip na putulin na nang tuluyan, binigyan pa nila ito ng palugit—isa pang taon!

Ganito rin marahil ang binibigay sa atin ng Diyos: isa pang pagkakataon!

Marami Siyang mga ipinagkaloob sa atin—ang buhay natin halimbawa, mga taong nagmamahal sa atin, ang ating talino at kakayahan. Ang mga ito’y paraan Niya upang ipahatid Niya sa ating hindi Siya nagkulang ng pangangalaga sa atin. Pero inaasahan Niya ring sa pamamagitan nito ay makapamunga tayo. Sa pamamagitan nito’y matatagpuan natin ang landas pabalik sa Kanya.

Isang mensaheng pwede nating mapulot dito ang katotohanang hindi natin hawak ang panahon. Hindi habang buhay ay naririto tayo. At sa dami ng mga biyayang natanggap natin sa Panginoon, huwag po sanang masayang ang lahat ng ito.  Huwag nating sayangin ang awa at pag-ibig ng Diyos.

Ang panahon ng Kwaresma ay panahon ng paghihintay. Makatugon tayo sa panawagan ng Diyos na magbago, na magbalik-loob sa Kanya. Upang sa ating pagsalubong sa muling pagkabuhay ng ating Panginoon, maging tunay at lubos ang ating kagalakan.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s