Second Chance

Ika-5 Linggo ng Kwaresma—K
13 Marso 2016

wp-1457156034067.jpeg

Kathang sining ni Asp. Paul Lopez ng Don Bosco Seminary Canlubang.

Second Chance.

Ito ang handog na mensahe ng ating mga pagbasa ngayong Linggo. Ang Diyos ay handang magbigay sa atin ng isa pang pagkakataon.

Sa unang pagbasa (Isa 43:16-21), ang mga Israelita ay ipinatapon sa Babilonya. Sa kabila ng kabiguan at kahihiyang ito, nagwika ang Panginoon sa pamamagitan ni Propeta Isaias, dala ang pag-asang makakabangon silang muli sa kanilang pagkagapi.

Ipinaalala ng Diyos sa kanilang—upang mapalaya sila—gumawa Siya ng pambihirang bagay: hinati Niya ang dagat, ang mga kabayo’t karwahe ng kanilang kalaban ay winasak. Nilupig Niya ang makapangyarihang hukbo ng mga Egipcio.

At muli, ngayong dumaraan na naman sila sa isang pagsubok, nangako Siyang muli silang makakabangon at makakalaya: sa gitna ng ilang ay magkakaroon ng bagong daan. At ang disyerto nama’y magkakaroon ng masaganang tubig, alang-alang sa Kanyang bayang hinirang.

Hinimok Niyang ang masasakit na sandali’y kalimutan na. Sapagkat sa pamamagitan ng Panginoon, magkakaroon ng panibagong kabanata ang kanilang buhay.

Sa ikalawang pagbasa (Fil 3:814), binigyan tayo ng halimbawang kung papaanong ang isang taong may bahid ang nakaraan ay biniyayaang muling magkaroon ng bagong simula.

Isang dating Pariseo si Saulo. Inakala niyang sa pamamagitan ng kanyang pagsunod sa batas ay makakamit niya ang kaligtasan. Bunsod ng kanyang pagmamahal sa batas, pinag-uusig niya ang mga Kristiyano.  Hindi lamang niya nasaksihan ang malagim na kamatayan ni San Esteban nang pagbabatuhin ito hanggang mamatay, sinang-ayunan rin niya na dapat nga itong mamatay dahil sa pananampalataya niya kay Kristo.

Ngunit nangyari ang hindi inaasahan. Nasumpungan ni Saulo si Hesus. At mula noo’y nakita niya ang kanyang kamalian. Binago ng Diyos ang kanyang pangalan—Pablo na ang itatawag sa kanya—at maging ang kanyang buhay.

At ayon sa kanya, hindi na mahalaga ang nakaraan, dahil alam niyang mayroong bukas, kasama ang Diyos, si Kristo. Pinagkalooban siya ng Panginoon ng bagong buhay, ng bagong simula.

Ito rin marahil ang nais ng babaeng tampok sa ating Mabuting Balita (Jn 8:1-8), ang isang bagong simula. Matapos siyang paratangang nahuli sa akto ng pangangalunya, dinala siya sa harap ng Panginoong samantalang Siya ay nangangaral.

Maraming tao ang nakasaksi sa pangyayari. Kaya nga hindi lang ang babae ang nililitis sa harap nila. Sa tanong ng mga Pariseo’t eskribang “Iniutos sa amin ni Moises sa Batas na batuhin ang ganitong mga babae, ano ang masasabi mo?” si Hesus man din ay nakasalang din sa panghuhusga ng marami. Isang maling sagot mula sa Panginoon, lilipad ang mga bato papunta sa babae—o ‘di kaya naman ay papunta sa Kanya.

Isang legal na usapin ang tanong ng mga nanghuhusga. At kung pagbabasehan ang mga batas na iniakda sa Lumang Tipan, masasabing mayroon silang laban (sumangguni sa Lev 20:10 at Deut 22:22). Hindi naman ito nakapagtataka, pagdating sa usapin ng Batas, alam ng mga Pariseo’t eskriba ang sinasabi nila. Kung mayroong nakapagtataka sa kabanatang ito ng Mabuting Balita ay kung bakit kailangang si Hesus ang sumagot ng kanilang tanong—na alam naman nila kung ano ang sagot. At higit pa dito, kung bakit kailangang sa harap ng maraming tao, pinili nilang isa-dula ang kanilang ‘drama.’

Nang dalhin nila ang babaeng nakikiapid kay Hesus, hindi lang nila gustong malaman kung ano ang dapat gawin dito. Nang marinig ni Hesus ang paratang, umupo siya at nagsulat sa lupa. Animo’y wala Siyang pakialam sa mapusok na tanong. Kapana-panabik kung ano ang magaganap. Ngunit tuloy pa rin si Hesus sa Kanyang ginagawa, sulat pa rin Siya ng sulat sa lupa. Ngunit patuloy pa rin sila sa kakakulit sa Kanya. Nang tila hindi na Niya makaya pa ang kakukulit nila sa Kanya, nagwika Siya, “Ang walang sala sa inyo ang siyang maunang bumato sa kanya” (sumangguni rin sa Deut 17:7), sabay balik sa pagsusulat sa lupa.

Mainam ang pagkakalahad ni San Juan sa kung ano ang naganap pagkatapos, “Nang marinig nila iyon, sila’y isa-isang umalis, simula sa pinakamatanda. Iniwan nila ang babaing nakatayo sa harap ni Jesus.” May sipa ang paglalarawan ni San Agustin sa tagpong ito, ‘relicti sunt duo miseria et misericordia’ (At dalawa silang natira: ang kaawa-awa at ang punong puno ng awa).

Tumayo si Jesus at tinanong ang babae, “Nasaan sila? Wala na bang humahatol sa iyo?”

“Wala po, Ginoo,” sagot ng babae.

Sinabi ni Jesus, “Hindi rin kita hahatulan. Umuwi ka na, at mula ngayon ay huwag ka nang gumawa ng kasalanan.”

Dahil sa awa ng Panginoon, nagkaroon ulit ng lakas ng loob na magsimulang muli ang babae.

Ito rin ang mensahe ng Panginoon sa atin: Pwedeng pwede tayong magsimula ulit.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s