Ang Halimbawa ng Anak

Linggo ng Palaspas—Taon K
20 Marso 2016

wp-1457156033675.jpeg

Graphics by Asp. Paul Lopez, Don Bosco Seminary Canlubang.

Kakaiba ang pagdiriwang ng ating liturhiya ngayong Linggo. Hindi lang ito dahil sa dala-dala nating mga palaspas, o kaya naman ay ang matingkad na pulang kasulyang suot ng pari at maging ng mga mantel sa simbahan. Kakaiba ang pagdiriwang natin sapagkat inumpisahan natin ito sa pag-gunita ng maringal na pagpasok ng ating Panginoon sa lungsod ng Jerusalem. Sumigaw tayo at umawit ng hosanna. Masaya nating sinalubong ang paring kumakatawan sa ating Panginoon. Ngunit sa pagtatapos ng pagpapahayag ng ating Mabuting Balita, ang tagumpay na ito ay tila mauuwi sa kawalan, sa kabiguan, sa kamatayan.

Sa pagdiriwang din nating ito, binubuksan natin ang taunang pagsasabuhay ng mga Mahal na Araw, ang pinakamahahalagang mga araw sa kalendaryo ng Simbahan, sapagkat dito ginanap ng Ama ang Kanyang pangako na ililigtas tayo sa pamamagitan ng pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ng Kanya mismong Anak.

Sa mga araw na ito, maipaaala-ala sa atin kung gaano tayo ka-importante sa Diyos, kung paanong ginawa ng Diyos na banal ang mga araw na ito, kung paano Niyang ipinakitang tunay ngang mahal tayo ng Diyos. Walang sukat. Walang kondisyon. Sukdulan.

Sa Unang Pagbasa (Is 50: 4-7), inihayag sa atin ni Propeta Isaias na mula pa sa Matandang Tipan ang isang pangitaing ang ating Panginoon ay daranas ng matinding sakit at paghihirap. Sasapakin siya. Sasampalin. Duduraan. Pero buong kababaang loob niyang ipauubaya ang sarili.  Sapagkat alam niyang ang Diyos mismo ang tutulong sa kanya.

Ito rin ang binibigyang diin ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa (Fil 2:6-11) na humahamon sa ating tularan ang Panginoon sa Kanyang pagpapakumbaba, at pagiging masunuruin hanggang kamatayan. Sapagkat sa pamamagitan nito mabubunyag ang kaluwalhatian ng Ama.

Sa paglalahad ni San Lucas ng pasyon ng ating Panginoon (23:1-49), sinariwa natin ang pagbibigay ng sarili ni Hesus para sa sangkatauhan. Sa kabila ng maraming pasakit na Kanyang tinamo, nanatili Siyang matapat sa Ama. Hindi na Siya kailangan pang pilitin, ipinagkaloob Niya ang Kanyang sarili nang buong buo.

Sa ating pagpasok sa mga Mahal na Araw, matutunan nawa nating pumasok sa diwang ito ng pagsunod sa kalooban ng Ama. Na kahit na wala tayong gantimpalang makukuha, o sarap at ginhawang madarama, ngunit alam nating ito ang tama, ito ang nararapat, ito ang kagustuhan Niya, buong puso natin itong gagawin.

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s