Ang Tanging Yaman!

Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon—K
31 Hulyo 2016

July 31

Graphics by Asp. Paul Lopez, Don Bosco Seminary Canlubang.

Man cannot stand a meaningless life.”

Paniniwala ito ng psychologist na si Carl Jung. Ganito rin ang paniniwala ko, likas kasi sa atin ang maghanap ng kahulugan sa buhay. At kung wala nito, nawawalan ng kulay ang mundo, tumatabang ang panlasang mayroon tayo, at hindi na tayo interesado pang malaman kung anong mayroon sa darating na mga bukas.

Totoo ito dahil may mga kilala akong sa kamusmusan ng kanilang kabataan ay iniisip na nilang magpatiwakal. Wala na daw kasi silang makitang dahilan pa kung bakit sila kailangang mabuhay pa kung wala din naman silang makuhang kahulugan mula dito.

Parehas sa temang ito ang tinatalakay ng ating unang pagbasa ngayong Linggo (1:2; 2:21-23) hango sa Aklat ni Qoheleth. Sa unang pangungusap pa lang ay ramdam na natin ang lalim ng pinaghuhugutan ng mangangaral, “Walang kabuluhan, walang halaga ang lahat ng bagay.”

Kaya nga mapapatanong tayo kung bakit nga ba nating kailangang magpasalamat pa sa Diyos matapos ipahayag ang pagbasang ito, dahil sasagi sa isip natin, “E wala rin naman palang kahulugan ang buhay!”

Ngunit kung babalikan ang pagbasa at susuriin itong maigi, at kung ating itatanong, “Nasaan ang Diyos sa pagbasang ito?” mapapagtanto din nating “Sadya ngang walang kabuluhan ang buhay kung ang batayan lang natin ay ang ating mga sarili.”

Hungkag. Walang laman. Nada. Nil. Zero. Buta. ‘Yan ang mukha ng buhay na walang Diyos.

Sa liham ni San Pablo sa mga taga Colosas (3:1-5.9-11) na tampok sa ating ikalawang pagbasa ngayong Linggo, ang paalala sa mga Kristiyano: Isaisip ninyo ang mga bagay na panlangit, hindi ang mga bagay na panlupa. At mayroong malalim na dahilan kung paano natin ito maisasakatuparan: Dahil kasama natin si Kristo.

Pinatay tayo ng ating mga kasalanan. Ngunit nasumpungan nating muli ang isang bagong buhay kasama ni Kristo. At kalakip ng bagong buhay na ito ay isang buhay na punong puno ng kahulugan.

Ngunit ang kahulugang ito ay hindi natin matatagpuan sa mga bagay na materyal. Sa huli, wala rin silang kabuluhan. Hindi natin sila madadala sa hukay na paglalagakan sa atin sa kabilang buhay.  At hinding hindi nila tayo mabibigyan ng tunay na kaligayahan.

‘Ika ng isang status ng kaibigan ko sa Facebook: The most important things in the world are not things!

Sa Ebaghelyo (Lucas 12:13-21), tampok ang tanong na ito: kung ang buhay ay dumarating sa ganitong pagkakataon, saan tayo sumisilong? Kanino tayo humuhugot ng lakas?

Ipinapaalala sa atin ng Panginoon na ituon ang atensyon natin sa mga bagay na hinding hindi malalaos, hinding hindi mapapanis at hinding hindi mabubulok. At kasabay nito ang isang babala, “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman,  sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa laki ng Kanyang kayamanan.”

Mahalagang pagnilayan ang mensahe ng ating liturhiya ngayong Linggo, lalong higit sa marami sa ating nagpapagal upang makamit ang mga pangarap nating umiikot lamang naman sa mga materyal na bagay.

Tila magkasalungat ang binibigyang diin ng dalawang pagbasa ngayong Linggo—si Qoheleth, ang pansamantala, samantalang ang Mabuting Balita naman ay kung ano ang bagay na patuloy na iiral sa kabila ng pagwawakas ng santinakpan.

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s