Beato Ceferino Namuncura

Dahil ipinagdiriwang natin ngayon ang pagwawakas ng Buwan ng Wika, mainam sigurong magkaroon tayo ng pagsusulit:

  • Ano ang tagalog ng HATE? E di Hwalo!
  • Gamitin nga natin ito sa pangungusap: “Kung ‘di mo ako kayang mahalin, huwag mo naman akong hwalohin.”
  • LOVELIFE – kasing kahulugan ng salitang “wala”
  • COCONUT – ang mangyari sa chicharong nakabukas ng matagal
  • BLOG – hugis ng barya, bola at plato. Blog
  • ANYONE – Kapag nakalimutan mong dalhin, anyone mo. Yung nangyari sa iyo, anyone ka niya.

Ganito ang nangyari sa limang babae sa ating Mabuting Balita. Iniwan nila ang kanilang ekstrang langis. Kaya naman nang kakailanganin na ang langis upang bigyan ng ilaw
ang lalaking ikakasal, ubos na ito. Hindi sila nakapaghanda.  Kaya naman, napagsarhan tuloy sila ng pinto at hindi sila nakasama sa pagdiriwang.

Picture1

Kasabay ng kulminasyon ng ating integratibong gawain sa larangan ng wika, kasaysayan at kultura, ginugunita natin ngayon si Beato Zeferin Namuncura.

Maihahambing natin si Namuncura sa limang matalinong babaing nagdala ng ekstrang langis.

Tulad nila, hindi lang naghanda si Namuncura. Nagsakripisyo din siya.

Mantakin ninyo, hindi lamang lumuwas ng siyudad, galing ng probinsiya. Bumaba siya ng bundok. Nilisan niya ang kanyang tribo upang makapag-aral. Kinailangan niyang gawin ito dahil kailangan niyang tulungan at ipagtanggol ang kanyang mga ka-tribo.

Isang bagay na maaari nating matutunan sa kanya ay ang kanyang pagmamahal sa kanyang komunidad. Si Manuel, ang kanyang ama, ay kinikilalang pinuno ng kanilang tribo. Lalo pa at galing siya sa isang prominenteng pamilya ng kanilang tribu.

Dagdag pa dito, hindi madali ang mag-aral. Ngunit sinikap niyang harapin ang lahat ng ito dahil mas higit na matimbang sa kanya ang pagmamahal niya sa kanyang tribo, kaysa sa takot o hiya na kinakaharap niya sa isang bagong lugar na punong puno ng mga banyaga.

Nang nilisan niya ang kanyang tribo, tumuloy siya sa isang iskwelahan ni Don Bosco.

Nanibago rin siya. Noong una, hindi rin naging madali sa kanya ang pumila, tulad ng ginagawa ninyo pag oras nang pumasok ng silid-aralan. Hindi rin naging madali
sa kanya ang sundin ang tunog ng kampana. Ngunit dahan-dahan, naging huwaran din siya sa mga kasing-edad niya.

Kaya naman siya ang referee sa mga liga nila. At ang bawat salita niya ay tanggap ng madami. Iginagalang siya ng kanyang mga kaibigan.

Ang family spirit na naranasan niya sa iskwelahang iyon ay kaagad na nagpamahal sa kanya kay Don Bosco, at sa mga guro at kawani ng institusyong iyon.

Ito ang ikalawang aral na maari nating mapulot sa kanyang buhay: Yung kultura ng paaralan ni Namuncura ay makikita din natin sa ating paligid. Ito ay ang kulturang Salesyano. Yung good morning talks. Misa. Kumpisal. Pagpila bago pumasok sa mga silid-aralan–nararanasan ninyo ang mga ito ngayon, at ito rin ang naranasan ni Namuncura noon.

Kaya nga kung siya ay beato, malapit nang maging santo, malaki din ang ating pagkakataong sumunod sa yapak niya.

Tatlong buwan pa lang akong nasa DBTI, pero kaagad akong napahanga ng ilang kawani ng ating iskwelahan, at maging ng ilang mga Bosconians sa kanilang pagmamahal kay Don Bosco.

Alam ba ninyo kung anong sikreto para mawala ang problema? Mahalin ninyo lang ito. Dahil ang mga taong minamahal natin, iniiwan nila tayo.

Pero ang mga kawani at Bosconians ng DBTI na ito, sigurado akong hinding hindi sila lalayo kay Don Bosco, kahit na siguro darating ang araw na hindi na sila mag-aaral o magtatrabaho dito, si Don Bosco kasi, nasa puso na nila.

Ang iba sa kanila ay inspirasyon din sa akin sa kanilang pagpupunyaging maging huwaran sa kanilang larangan.

At ang ikatlong bagay na maaari nating matutunan kay Namuncura, niyakap ni Namuncura ang Ebanghelyo… Oo, mahal niya pa rin ang kanyang mga kababayan, at sigurado siyang babalik pa rin siya sa piling nila pagkatapos niyang mag-aral.

Pero dahil napamahal na siya kay Don Bosco, hindi na lang niya ninais na maging isang doktor o inhinyero para sa kanyang tribo, pinangarap niya na ring maging isang Salesyanong Pari upang sa pamamagitan niya ay makilala ng kanyang tribu si Kristo.

Pinili niyang gawing huwaran si Sto. Domingo Savio. Hindi naglaon ay siya man din ay kinilala ng kanyang mga kaibigan bilang isang Savio sa kanilang piling.

At ang isa sa pinaka-unang naging Kristiyano dahil na rin sa kanya ay ang kanyang ama na noon ay walumpu’t taong gulang na.

Hilingin natin sa Misang itong katulad ni Namuncura, tayo man din ay makapaghanda, magkaroon ng pag-ibig para sa iba, at higit sa lahat, yakapin ang Mabuting Balita upang sa gayon, tayo man ay maging kasangkapan din upang maihayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa iba.

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s