Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos

Ang Diyos na Huwaran Natin

Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos–Taon K
22 Mayo 2016

May 22

Graphics by Asp. Paul Lopez, Don Bosco Seminary.

Maraming pagdiriwang mayroon ang ating simbahan na nakabatay sa pangyayari sa buhay ng ating Panginoon. Nandyan ang pagdiriwang ng Pasko (Kapanganakan ng ating Panginoon), Huwebes Santo (Huling Hapunan), at maging ang Pagbibinyag sa ating Panginoon ay may ispesyal na puwang sa kalendaryo ng ating Simbahan.

Kaya naman natatangi ang okasyon ngayong Linggo. Hindi ito nakabatay sa isang pangyayari, kung hindi sa isang katotohanang napakahalaga para sa ating buhay pananampalataya.  Ipinagdiriwang natin ngayon ang Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo. Sa okasyong ito, pinagninilayan natin ang katotohanan na mayroong tatlong persona sa iisang Diyos.

Sa aming Homiletics class, narinig ko sa teacher namin na ang pagdiriwang daw na ito ay napakahirap para sa mga paring magbibigay ng sermon—at  para na rin sa mga magsisimbang makikinig nito. Kungsabagay, ang komplikado naman kasi. Sanay tayo sa Math equation na ang isa na sinamahan ng isa at sinamahan pa ng isa pa ay tatlo ang katumbas nito.

Ngunit hindi ganito ang itinuturo ng ating pananampalataya pagdating sa pagpapaliwanag ng tungkol sa Diyos. Mayroong tatlong persona sa iisang Diyos—ang Ama, at ang Anak at ang Espiritu Santo. At ang tatlong personang ito—ang Ama, at ang Anak, at ang Espiritu Santo ay bumubuo sa iisang Diyos.

At ang Diyos na ito ay kasa-kasama natin sa ating buhay.

Sa unang pagbasa (Kawikaan 8:22-31), pinaaalalahanan tayong ang Diyos ay naririto na hindi lang bago pa tayo isilang, ngunit bago pa man gawin ang sanlibutan. Pinapaalala sa ating naririto ang Diyos. Hindi Siya nag-aabsent. Hindi Siya nali-late. Narito na Siya bago pa man likhain ang santinakpan.

Sa ikalawang pagbasa (Romano 5:1-5), nagagalak tayo sa Diyos na ito sapagkat sa pamamagitan Niya, mayroong kapayapaan, pag-ibig, at pag-asa. Kaya naman niluluwalhati natin Siya. Ang pag-asang nagmumula sa Diyos ay nagdudulot sa atin ng kagalakan kahit pa mayroon tayong problema sapagkat mapanghahawakan natin ang pangakong hatid Niya.

Sa Mabuting Balita, binibigyang diin ng Panginoong Hesus na may mga bagay na ihahayag ang Espiritu na pupuno sa mga bagay na kailangan pa nating malaman. Mainam na mabatid nating ang katotohanan ay hindi bunga ng pagpapagal ng tao, ngunit ito ay kaloob ng Diyos.  Sadyang maunlad na nga ang agham na mayroon tayo, malayo na ang narating ng ating teknolohiya, ngunit sa kabila ng lahat ng ito, batid nating marami pa rin tayong kailangang malaman.

Isa marahil ang kalikasan at pagkakakilanlan ng Diyos sa maraming tanong na pinipilit nating sagutin. Ngunit alam din nating mananatili itong isang misteryo. Hindi dahil sa hindi natin alam kung sino nga bang talaga ang Diyos, ngunit batid nating hindi sasapat ang payak nating isipan upang lubos na maunawaan kung sino nga ba Siyang talaga.

Pinaniniwalaan nating ang tatlong personang nasa iisang Diyos ay magkakaiba, ngunit pantay-pantay ang dignidad. At kahit na ipinagkaloob ang Espiritu Santo nang si Hesus ay muling nabuhay—sumasampalataya tayong sa simula pa lang, nandoon na Siya, kasama ng Ama at ng Anak.

Sa bandang huli,  ang pinakamainam na paraan upang ipagdiwang ang kapistahang ito’y ang pagsisikap na mabuhay ng may pag-ibig para sa bawat isa. Sapagkat alam nating ang tatlong Persona ng Diyos ay namuhay sa pamamagitan nito.

At kung tayo’y nananampalatayang tayo ay kawangis ng Diyos, dapat lang na tularan natin ang tatlong Persona nito na nagbibigay inspirasyon at patuloy na humahamon sa ating mag-ibigan din. Sapagkat ito lamang ang siguradong paraan upang mapag-isa ang sangkatauhan.

Sa huli, ang kapunuan ng misteryong ito’y hindi naman masusukat sa lalim ng ating alam tungkol sa Banal na Santatlo, kung hindi, kung paano natin sinikap na maging katulad din Nila sa pamamagitan ng ating pagsusumikap na magmahal.

 

Advertisements

Sa Ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo

Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos—Taon B
31 Mayo 2015

may31

Ngunit kung pinapakita natin ang epekto ng kapangyarihan ng Banal na Santatlo sa ating buhay, sa pamamagitan ng pag-ibig at paglilingkod sa iba, konkreto nating maisasagawa ang utos na ito ng Panginoon na maipakilala ang Tatlong Persona sa Nag-iisang Diyos sa buong mundo. Likhang Sining ni Br. Paul Dungca, SDB

Ngayong Linggo, ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos.

Ang Ama na lumikha ng lahat-lahat sa kalawakan, ang Anak na nagligtas sa atin sa pamamagitan ng Kanyang pag-aalay ng buhay sa krus, at ang Espiritu Santo na nagsisilbing gabay ng ating buhay—Ang Tatlong Personang ito’y nananahan sa Iisang Diyos.

Tunay ngang ito’y isang misteryong nag-aanyaya, o di kaya nama’y humahamon sa ating pagnilayan ang napakayamang kakanyahang taglay ng Diyos sa kabila ng katotohanang kailanma’y hinding hindi ito maaabot ng ating payak na pang-unawa.

Ngunit sa likod ng misteryong ito, alam nating ang Diyos mismo ang gumagawa ng paraan upang makapiling Niya tayo. Sa ating pagninilay sa ating karanasan, masasalamin ang mga pangyayari kung saan masasabi nating “Nandoon ang Diyos!”

Ganito ang personal kong karanasan ilang taon na ang nakakaraan. Habang nakaupo ako sa isang prayer room at nakatunghay sa Banal na Tabernakulo kung saan naroon ang Katawan ng ating Panginoon, naramdaman ko na lang na ako’y naglalakbay pabalik sa nakaraan: Noong ako’y nasa kolehiyo, pabalik sa panahong ako’y isang katekista pa lang sa aming kapilya, mula sa maraming taong inlagi ko sa high school at elementary, hanggang noong ako’y bata pa, at mula pa noong ako’y isang munting nilalang pa lang sa sinapupunan ng aking ina.

Nasumpungan ko ang aking sarili sa iba’t-ibang pagkakataon ng aking buhay, at sa pagbabalik-tanaw na iyon sa aking nakaraan, tunay at personal kong naramdaman na ako’y nasa piling ng Panginoon sa bawat sandali ng aking buhay. Napakalinaw ng Kanyang Kakanyahan sa aking buhay; totoo Siya at ang Kanyang pag-ibig!

Marahil, ganito rin ang karanasan ni Moses at ng mga Isarelita sa unang pagbasa ngayong Linggo (Deut 4:32- 34.39-40). Matapos ang napakahabang paglalakbay, makakatuntong na sa wakas ang mga Israelita sa lupang pangako. Ngunit batid ni Moses na ang mga tao sa lupaing ito’y sumasamba sa iba’t-ibang diyos-diyosan. Upang maiwasang sapitin ito ng mga Israelita’y minarapat ni Moses na paalalahanan sila na nag-iisa lamang ang Diyos—Ang Panginoong nagligtas sa kanila mula sa Egipto.

Sa talumpati ni Moses, inanyayahan niyang magbalik-tanaw ang Israel sa kanyang nakaraan at masumpungan kung paano siya kinandili ng Panginoon, lalong higit sa mga masasakit na karanasan niya sa kamay ng mga manlulupig. Sa huli, isasangguni ni Moses sa Israel na ang tanging paraan ng pagpapasalamat at pagsamba sa Diyos ay ang palagiang pagbabalik-tanaw sa Kanyang kabutihan.

Samantala, sa ikalawang pagbasa (Ro 8:14-17), ang liham na ito ni San Pablo sa mga taga-Roma ay isa sa pinakamahalagang kalatas niyang nagtataglay ng ginintuang pagninilay niya sa kakanyahan ng Diyos. Binibigyang diin niya dito ang mahalagang papel ng Banal na Espiritu sa buhay ng mga Kristiyano. Nang tanggapin natin ang Espiritu Santo nang tayo’y binyagan, hindi lamang tayo nagkaroon ng bagong pangalan, napanibago din natin ang ating pakikipag-ugnayan sa Panginoon.

Sa Mabuting Balita (Mt 28:16-20),  si Hesus mismo ang mag-uutos sa Kanyang mga taga-sunod na magtungo sa iba’t-ibang bansa upang mabinyagan ang lahat “Sa ngalang ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.”

Katulad nang nabanggit sa simula ng pagninilay na ito, dahil ang ating pananampalataya sa Banal na Santatlo ay isang misteryo, hindi ito madaling maunawaan, at lalong higit, ipaunawa sa iba.

Ngunit kung pinapakita natin ang epekto ng kapangyarihan ng Banal na Santatlo sa ating buhay, sa pamamagitan ng pag-ibig at paglilingkod sa iba, konkreto nating maisasagawa ang utos na ito ng Panginoon na maipakilala ang Tatlong Persona sa Nag-iisang Diyos sa buong mundo.