Lenten Season

Bagong Buhay kay Kristo!

Here’s the text of the reflection I shared with our Lay Mission Partners  in our penitential service earlier.

We have begun last Sunday the holiest of the liturgical season, the Holy Week.

Ang Holy Week sa Spanish ay ‘Semana Santa’ … Ang tawag naman natin sa Tagalog dito ay mga Mahal na Araw. Ano kaya ang masasabi ng mga Filipino teachers? Parang hindi ‘ata swak ang pagsasalin … Hindi ba’t dapat ay ‘banal na mga araw’ ang salin sa ‘holy week?’

Pero marahil, kaya ‘mahal na araw’ ang tawag natin dito ay dahil ‘mahal.’

Sa mga araw na ito naganap ang pagbabayad para sa ating kaligtasan dahil sa ating mga kasalanan.

At ang kabayaran, ay ang mismong buhay ng Anak ng Diyos. Mahal ang mga araw na ito dahil sa ‘pagmamahal ng Diyos.’ Sa mga araw na ito, inaanyayahan tayong minsan pa, saksihang muli ang rurok ng pagmamahal na ito ng Panginoon.

During the first ever general audience of Pope Francis in 2013, he asked these questions:

“What does it mean for us to live the Holy Week? What does it mean to follow Jesus on His way to the Cross on Calvary and the Resurrection?” 

For him, to celebrate the Holy Week means increasingly to enter into God’s logic, which is the logic of the Cross. This is not first of all relates to pain and death, but of love and of self-giving that brings life.

Tapang

Narinig natin ang tagpo ng pagdurusa ni Hesus sa halamanan. Narinig natin kung paanong si Hesus mismo ay dumanas ng pagkatakot na mamatay.

Sino ba dito ang hindi natatakot mamatay? O ‘di ba, lahat tayo ay may takot sa kamatayan. Kung kaya, nang manalangin si Hesus sa halamanan, wika Niya, Ama kung maari, alisin mo na ang kalis na ito. Huwag mo nang ibigay sa akin.

Ipinakikita ni Hesus na hindi Siya naiiba sa atin. Niyakap Niya ang buong pagkatao natin. Niyakap Niya ang Takot … Pangamba …  Tukso … Pati nga kamatayan.

Ngunit, hindi dito natapos ang panalangin ni Hesus. Dugtong pa Niya, “Ngunit, Ama, hindi ang kalooban ko ang siya nawang masunod, kung hindi ang sa Iyo.”

Ito ang tunay na katapangan: Ang kusang loob na pagpapasakop sa kalooban ng Diyos.

Ang tunay na matapang na tao ay kilala ang sarili niya. Hindi siya ang Diyos.

Paghihirap

Meron kaming kapitbahay na masama ang ugali. Nang kumalat ang balitang nagkasakit siya ng cancer, iisa ang reaksyon ng mga tao, “Pinaparusahan siya ng Diyos.”

Ngunit ang sakit ba, ang kahulugan ba ng paghihirap ay bunga ng parusa ng Diyos?

Kung totoo iyon, siguro, lahat tayo ay tatamaan ng cancer.

Ngunit ito lang ba ang kahulugan ng paghihirap? Isang pasakit? Isang pagdurusa? Isang parusa?

Sa pamamagitan ng pagpapakasakit ni Hesus sa krus, binasag niya ang maling konsepto natin ng paghihirap. Ipinakita Niya sa atin na ang pagpapakasakit ang siyang tanda
ng tunay na pag-ibig.

Marami sa atin, para makapasok dito sa Don Bosco, sinasagupa ang tagal at hirap ng paghihintay at pagpila ng masasakyan. Dagdag pa dito ang napakahabang traffic.

Bilang mga guro, hindi lingid sa atin kung gaano kahirap ang pagbuo ng lesson plan, ang pagpupuyat sa gabi para mag check ng requirements at mag compute ng grades.  Ang haba ng pasensiyang kakailanganin para sa pagtuturo.

Ang lahat ng pasakit na ito ba ay isang parusa lang? O may mas higit na malalim na kahulugan ang paghihirap nating ito?

Sinong tao ang gustong maghirap? Wala. Pero ginagawa natin ang lahat ng ito para sa isang mas malalim na layunin: Pag-ibig. Para sa pamilya. Para sa mga kabataan. Para sa bayan at Simbahan.

Ang pagpapakasakit ang tanda ng tunay na pag-ibig. At pag-ibig ang tunay na kahulugan ng makabuluhang pagpapakasakit.

Pagsunod kay Hesus

Matapos nating makita ang katapangan at pagsunod ni Hesus, pagnilayan naman natin ang nararapat nating tugon sa halimbawa Niya.

Mamaya, sa pagdulog natin sa sakramento ng kumpisal, ipapamalas natin ito sa pamamagitan ng pagpapakita ng tapang na harapin ang ating mga kamalian.

Hindi madali ang prosesong ito dahil may kasamang sakit. Ito’y karanasan ng isang pagpapakasakit, at kamatayan sa sarili.

Ang proseso ng pag-amin sa ating kahinaan sa harap ng Diyos at maging sa harap ng tao ay masakit. Nangangagat kasi ang katotohanan.

Kung kaya, kailangan ng tapang at ng kahandaang magdusa. Pero bakit nga ba tayo dudulog sa sakramentong ito? Dahil ba takot tayo sa apoy ng impiyerno? O kaya naman ay para makapila tayo sa komunyon mamaya? O dahil sa pag-ibig?

Let us search within our hearts.

If it is love, I can assure you that it will bear fruit. For love is the reason why Jesus courageously confronted suffering and faced death. And He gives us the assurance that all those who are willing to suffer courageously for love will achieve the glory of the resurrection.

In these last days of our preparation for Easter, let us journey with Jesus, not only in His suffering and death, but follow Him in His resurrection.

Naroroon ang pangako ni Hesus na sinumang aakapin ang paghihirap ay dadalhin Niya sa paraiso.

Ang kumpisal ay hindi lamang karanasan ng paghihirap at kamatayan, ngunit ito rin ang unang hakbang patungo sa muling pagkabuhay … at bagong buhay kay Kristo.

“Iniibig Ko kayo”

Pagninilay sa Linggo ng Palaspas—Taon B
29 Marso 2015

image

Ang Domingo de Ramos o Linggo ng Palaspas ay hudyat ng pagpasok ng mga “Mahal na Araw.” At tunay ngang mahal ang mga araw na ito sapagkat ang Diyos mismo ang nagpakasakit at nag-alay ng buhay para tubusin tayo sa kasalanan. Likhang sining ni Br. Paul Dungca, SDB

 

Ang Domingo de Ramos o Linggo ng Palaspas ay hudyat ng pagpasok ng mga “Mahal na Araw.”

At tunay ngang mahal ang mga araw na ito sapagkat ang Diyos mismo ang nagpakasakit at nag-alay ng buhay para tubusin tayo sa kasalanan.

Ngayong Linggo, gugunitain natin ang maringal na pagpasok ni Hesus sa Jerusalem kung saan, sinalubong siya ng mga taong naghihintay sa pagdating niya. Ganito ang tala ng Ebanghelyo ni San Marcos:

Maraming naglatag ng kanilang mga balabal sa daan; ang iba nama’y pumutol ng madahong sanga ng kahoy at siyang inilatag sa daan. Ang mga tao sa unahan at hulihan niya’y sumisigaw ng: “Hosanna! Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! (Mc 11:8-9)

Ngunit nakakalungkot na ang mga taong mainit na sumalubong sa ating Panginoon ay sila ding makailang beses na sisigaw ng “Ipako Siya sa krus!(Mc 15:13, 14).

Sa kawalang katarungang paglilitis na iginawad kay Hesus—at sa madugong kabanatang sinapit Niya sa kamay ng kanyang mga taga-usig bunga nito—tunay ngang magdadalawang-isip tayong tawagin itong “mabuting balita.”

Ngunit kapag nakakarinig tayo ng isang taong dumanas ng pasakit alang-alang sa ika-giginhawa ng buhay ng iba (tulad ng isang inang namasukan bilang katulong sa ibang bansa upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanyang mga anak, o di kaya, anak na nagtitiyagang mag-alaga sa kanyang amang may kapansanan), mabuti ito sa ating pakiwari; walang dudang maganda ang balita ito!

Mistulang ganito rin ang inilalarawan ni Propeta Isaias sa unang pagbasa (Isa 50:4-7). Kinailangang dumanas ng pasakit ang Lingkod ng Panginoon—Hindi siya tumutol nang siya’y bugbugin, ni kumibo nang siya’y insultuhin—alang-alang sa kaligtasan ng higit na nakararami (Isa 53:4-6, 12).

Ganito rin ang inilalarawan ni San Pablo sa ikalawang pagbasa:

Hinubad ng Diyos ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang tao at namuhay na isang alipin. Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus. (Fil 2:6-11)

Sa Ebanghelyo, muli nating gugunitain ang huling linggo ni Hesus (Mc 15:1-39). Kung susuriin, maraming mga tauhan sa salaysay: ang mga sundalo, ang kapitan, mga saserdote, mga kababaihan, si Pilato, ngunit pagdating ng pagpapako sa krus, si Hesus na lamang ang matitira.

Wala ni isa man sa Kanyang mga pinagaling ang dumating upang tulungang Siya. Isa-isa na ring nag-alisan ang maraming taong humusga sa Kanyang mamatay sa krus. Maging ang kanyang mga apostoles ay wala na sa eksena.

Maiiwan si Hesus na nag-iisang nakabayubay sa Krus; at dito, unti-unti Siyang mawawalan ng hiningang nag-iisa.

Ngunit marahil, sa kabiguan, masusumpungan natin ang kadakilaan ng Panginoon.

Nang Siya ay malagutan nang hininga, dito lamang napagtanto ng kapitan na “Tunay ngang Anak ng Diyos ang taong ito!”

Ang kabiguang ito ang ginamit na instrumento ng Diyos upang mainam Niyang maihatid ang Kanyang mensahe: Iniibig Ko kayo.

Madaling sabihin ang katagang “iniibig kita.” Marahil alam ito ng Diyos. Kung kaya’t isinaad Niya ito sa pinakamahal na paraan, ang pagpapakumbaba na humantong sa pag-aalay ng Kanyang mismong buhay.

At sa ginawa Niyang ito, pinatunayan Niyang may halaga ang bawat buhay natin.

… Maging ng mga taong kinamumuhian natin.

… Maski ng mga taong nanunungkulan sa pamahalaang umaani ng batikos sa nakararami.

… Pati na rin ang mga taong hindi natin mapatawad dahil paulit-ulit nila tayong sinasaktan.

… Maski sa atin mismo na nawawalan na ng pag-asang mabuhay.

Sa darating na mga mahal na araw, nawa’y pagsumikapan nating tumbasan ang buhay na Kanyang inialay. Hindi naman kailangang magpapako din tayo sa krus.

Ngunit marahil, ang tanging pagsusumikap natin ay sapat na.

Cross my Heart

Ika-5 Linggo ng Kwaresma—Taon
22 Marso 2015

At ang hamon sa atin ay ganito:  Dapat sumunod sa akin ang naglilingkod sa akin, at saan man ako naroroon ay naroon din ang aking lingkod. Likhang sining ni Mark Anthony Ramos. Imahe mula sa The Passion of The Christ.

At ang hamon sa atin ay ganito: Dapat sumunod sa akin ang naglilingkod sa akin, at saan man ako naroroon ay naroon din ang aking lingkod. Likhang sining ni Mark Anthony Ramos. Imahe mula sa The Passion of The Christ.

Sa unang pagbasa ngayong Linggo  (Jer 31:31-34), inilahad ni Propeta Jeremias na kahit na sumira ang Kanyang bayan sa kanyang kasunduan sa Diyos, patuloy na nagtiyaga ang Panginoon para sa kanila. At upang mapanibago ang tipanan ng Diyos at ng Kanyang bayan, ang kautusang minsan nang inukit sa bato, ay sa bawat puso na natin iuuukit.

Punong puno ng emosyon ang paglalahad na ito … Sa lenggwahe ng mga kabataan ngayon, maraming “hugot.”

Masasalamin dito ang matinding paninibugho ng Panginoon dahil sa katigasan ng ulo ng mga tao. Ngunit sa kabila nito, hindi maiiwasang mapansin ang hindi maubos-ubos na pag-ibig ng Ama para sa sangkatauhan,  Patatawarin ko sila sa kanilang maling gawain at hindi ko na gugunitain pa ang kanilang kasalanan.

 Ganito rin ang mensahe ng ating Panginoon sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo (Jn 12:20-33). Dumating na ang oras upang parangalan ang Anak ng Tao, ito ang tinuran ng ating Panginoon.

Paano nga ba parangalan ng magulang ang kanyang anak? Hindi ba’t maghahanda siya para dito, mag-iimbita ng maraming panauhin upang saluhan sila sa handaang ito. O ‘di kaya naman, ibibili niya ito ng bagay na sa tingin niya ay tunay nitong maiibigan.

Ngunit ibang mag-isip ang Ama. Ito ang Kanyang ideya ng pagpaparangal sa Kanyang Anak: Dadakpin, dudutsain sa gitna ng maraming tao, duduraan, huhubaran, mumurahin, lalatiguhin, puputungan ng koronang tinik, magbubuhat ng krus, ipapako dito, at ang proseso ng Kanyang kamatayan ay masasaksihan ng nakararami, ngunit iilan lamang sa kanila ang magdadalamhati sa Kanyang pagyao.

Pagdating ng ‘oras,’ kailangan ni Hesus na magbata ng matinding pasakit upang maluwalhati ang Ama: ito ang pagpaparangal ng Ama sa Kanyang nag-iisang Anak alang-alang sa bawat isa sa atin.

Ngunit alam ng Panginoon na sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan, magkakaroon ng buhay ang higit na mas nakararami: Malibang mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nagiisa. Ngunit kung mamatay, ito’y mamumunga nang marami.

At kahit na napakahirap ng Kanyang pagdaraanan, alam Niyang hindi masasayang ang Kanyang buhay.

Ganito rin ang diwa ng ating ikawalang pagbasa (Ikalawang Pagbasa Heb 5:7-9). Nais ng may akda ng liham na ito na ipaalala sa atin na ang ating kaligtasan ay bunga ng panalangin, pagpapakasakit, at pagsunod ni Kristo hanggang kamatayan, Bagamat siya’y Anak ng Diyos, natutuhan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis. Mayroon tayong buhay ngayon dahil minsan Siyang namatay para sa atin.

At ang hamon sa atin ay ganito:  Dapat sumunod sa akin ang naglilingkod sa akin, at saan man ako naroroon ay naroon din ang aking lingkod.

Noong tayo ay bininyagan, naging Kristiyano tayo—naging taga-sunod tayo ni Kristo. Sana, hindi lang ito nakasulat sa ating baptismal certificate o kaya naman ay ipinapahayag lamang natin tuwing araw ng Linggo, dahil ang pagsunod kay Kristo ay 24/7.

Hindi naman kailangang magpapako din tayo sa krus.

Ang kabayanihang hinihingi sa atin ay iba sa Kanyang pagpapakita nito. Ang pagsubok na magpapadalisay ng ating kabanalan ay hindi darating sa pamamagitan ng hirap na dinanas Niya, ngunit sa pang-araw araw na sitwasyon ng buhay natin: Susubukin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng kakayahan nating paglabanan ang maliliit na tuksong dumarating sa atin, sa pagtanggap natin sa mga bagay o taoo sitwasyong hindi tayo komportable, ang kakayahan nating isuko ang ating paghihirap para sa higit na ikakadakila ng Panginoon. Lahat nang ito ay magdadala sa atin sa daang tinahak ng ating Panginoon.

Nang bumisita ang Santo Papa sa bansa, hinamon niya tayong maging tagapaghatid ng Ebanghelyo sa ating mga kapwa Asyano. Kung tutuusin, ang ating bansa ay isang napakaliit na bansang Kristiyano sa pinakamalaking kontinente sa buong mundong hindi pa nakakakilala kay Kristo. Ngunit ang kislap ng ating buhay Kristiyano ay sapat na upang mapag-siklab natin ang buong Asya upang tanggapin ang ating Panginoon.

Ngunit magiging posible lamang ito kung tunay nating tinanggap sa ating mga puso.

Walang hanggang Pag-ibig

Ika-4 Linggo ng Kwaresma—Taon
15 Marso 2015

Sukdulan ang pag-ibig ng Ama? Walang makahihigit pa dito. Likhang sining ni Mark Anthony Ramos.

Sukdulan ang pag-ibig ng Ama? Walang makahihigit pa dito. Likhang sining ni Mark Anthony Ramos.

Sa nobela ni J.K. Rowling na Harry Potter and Philosopher’s Stone, nais maintindihan ng batang si Harry kung paano siya nabuhay sa kabila ng tinamo niyang nakamamatay na sumpa mula kay Voldemort. Sa halip, isang peklat na hugis kidlat lamang ang naiwan sa kanyang noo bilang palatandaan ng pagsalakay ng huli.

Ang kanyang gurong si Dumdledore ang nagpaliwanag sa kanya kung paano ito nangyari: Ang mga magulang ni Harry ang nagligtas sa kanya; ngunit ang kabayaran nito ay ang kanilang buhay.

Ang kuwento ni Harry Potter ay isang kathang-isip lamang. Alam nating hindi ito totoo, at malamang, hindi maaaring mangyari ito. Ngunit, alam din nating minsan isang panahon, isang Ama ang nagnais na iligtas ang sangkatauhan sa kasalanan—at ang kabayaran nito’y ang buhay ng nag-iisa Niyang Anak.

Ito ang Mabuting Balitang  (Juan 3:14-21) mapapakinggan natin sa ating liturhiya ngayong ika-4 na Linggo sa ating paghahanda para sa ating pagsalubong sa Muling Pagkabuhay ng ating Panginoon.

Ang Pag-ibig ng Ama

Kapag may ispesyal na okasyon ang  mga mahal natin sa buhay, maghahanap tayo ng regalong pwede nating ibigay dito. Susuungin natin ang traffic, mag-aaksaya ng gasolina, mag-uubos ng oras kakapili, tapos, mag-lalaan ng ilang daang piso—o libo—kung galante para mapaligaya natin ito.

Ngunit  ibang umibig ang Diyos. Binibigay Niya, hindi lamang mula sa kung anong sobra mayroon Siya, ngunit mula sa puso Niyang punong puno ng pagmamahal para sa ating lahat. Ipinagkaloob Niya ang Kanyang sarili bilang patunay ng Kanyang pagmamahal Niya sa atin.

Malamang, ilang beses na rin nating narinig o nabasa ang linyang ito mula sa ating Mabuting Balita ngayong Linggo:

Gayun na lamang ang pagmamahal ng Diyos sa atin
kung kaya’t ibinigay Niya ang Kanyang tanging Anak
upang kung sino man ang sumampalataya dito
ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.
– Juan 3:16

Pinapaalala sa atin nitong may isang Amang nag-alay ng Kanyang Anak upang mailigtas tayong lahat sa kasalanan. Si Hesus ay isinugo hindi lamang para sa iilan, ngunit para sa bawat isa sa ating nangangailangan ng kaligtasan, samakatuwid, sa ating lahat na nananangis na makasumpong ng pag-ibig Niya.

Ganito rin ang karanasan ng Bayan ng Israel sa ating unang pagbasa ngayong Linggo (2 Cro 36:14- 16.19-23). Naging malaganap ang pagkalat ng kasamaan sa buong bayan. Maririnig nating pati ang Templo ng Jerusalam ay kanilang itatakwil.

Ipinatapon ang bayang Israel sa Babilonya, at sa loob ng 70 na taon mananatili sila dito. Maaaring pagdudahan natin kung tunay nga ba ang pag-ibig ng Diyos sa Kanyang bayang Israel. Paano Niya natiis na magdusa ang Kanyang bayan sa loob ng maraming taon? Sukdulan nga bang talaga ang pag-ibig ng Diyos?

Sabi ni Pope Benedict XVI, ang tunay na diwa ng pag ibig ng Diyos ay hindi palagiang nagpapamudmod, o di kaya ay malamya, o nag-babait-baitan lang. Kung ganito ang tingin natin sa Diyos, wala itong pinag-kaiba sa isang Hesus na binalot sa asukal at hindi kailanman humihindi sa anumang hilingin natin. Ngunit dahil tunay tayong mahal ng Diyos, nais Niyang magpunyagi tayo sa katotohanan. Ang pag-ibig Niya ay patuloy na humahamon at nagtutuwid sa kabaluktutan natin.

Sa ikawalang pagbasa  (Ef 2:4-10), hindi magkandatuto si San Pablo sa paglalarawan ng pag-ibig ng Diyos: masagana, di-masukat, napakadakila. Napakasagana ng habag ng Diyos at napakadakila ang pag-ibig na iniukol niya sa atin.

Sa isang mundong dumadakila sa kapangyarihan at kayamanan–at nagbibigay ng higit na pansin sa kung ano ang makukuha natin kumpara sa ating maibibigay–ang halimbawa ng Diyos ng pagpapakita ng walang hanggang pag-big Niya para sa bawat isa sa atin ay patuloy na humamon sa ating magmahal ng walang sukat at umibig ng sukdulan.

Ang Kanyang pag-ibig para sa sangkatauhan ay sukdulan, sa kabila ng pagiging makasalanan nito–at higit na makapangyarihan sa imahinasyon ng tao at maging sa sumpa ng kamatayan.

Sa ating paglalakbay sa panahong ito ng kwaresma, nawa’y higit nating maunawaan ang Kanyang pag-ibig, at kung hindi man, nawa’y maging instrumento man lang tayo nito.

Saan natin masusumpungan ang Diyos?

Ika-3 Linggo ng Kwaresma—Taon B
08 Marso 2015

11056639_10203761678304402_172311878_n

Templo & Kautusan–Hindi lamang sa dalawang ito natin masusumpungan ang Diyos. Sa Salitang nagkatawang-tao—ang ating Panginoong Hesus—masusumpungan natin ang Diyos. Sa pamamagitan Niya, malalaman natin sa Kanya ang kalooban ng Ama. Likhang sining ni Mark Anthony Ramos

Nasa ikatlong Linggo na tayo sa Panahon ng Kwaresma. Simulan natin ang pagninilay na ito sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa mga nagdaang Linggo.

Noong Unang Linggo, narinig natin kung paanong sinubok ang Panginoon sa ilang. Kung ating matatandaan, hindi lamang bagitong demonyo ang tumukso sa Kanya, bagkus, mismong si Satanas. Noong nakaraang Linggo naman, naging saksi tayo sa Kanyang pagpapanibagong-anyo sa bundok, at kung paano Siya niluwalhati ng Ama.

Ngayong Linggo, masusumpungan naman natin si Hesus sa templo.

Ang panahon ng Kwaresma ay isang paglalakbay, hindi lamang tungo sa pagdiriwang ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon kung hindi, maging sa mga lugar kung saan natin makakapiling ang Diyos, at kung saan Niya madalas na ihayag ang Kanyang mismong sarili.

Ito marahil ang dahilang kung kaya nga sa ating Ebanghelyo (Jn 2:13-25), masasaksihan natin kung paano nagalit ang Panginoon nang ang lugar dalanginan ay nagmistulang isang maruming palengke dahil sa pagbebenta at pagbibili ng mga hayop na gagawing alay sa templo.

Kung tutuusin, sa ritual ng pagsamba ng mga Hudyo, kinakailangan ang mga hayop. Ito kasi ang alay na susunugin upang ihandog sa Diyos. Ito ang dahilan kung bakit mayroong mga hayop na pang-alay na kinakalakal malapit sa templo.

Kaya nga sa pagkilos ni Hesus upang paalisin ang mga ito sa templo, maraming tumaas ang kilay. Iyon na ang kinagawian nila sa mahabang panahon, paanong sa isang iglap ay gusto Niyang baguhin ito? Kung mawawala ang mga nangangalakal ng hayop malapit sa templo, saan sila kukuha ng pang-alay?

At marahil, marami din ang magtatanong nito, “Saan sila kukuha ng pagkakakitaan?”

Ang pagkilos ni Hesus sa paglilinis ng karumihan sa templo, nais Niyang iwasto ang baluktot nilang pagbibigay ng importansiya sa ritwal. Dahil sa negosyo at ingay na gawa ng mga pinangangalakal malapit sa templo, nawawala na ang orihinal na ideya ng pagsamba. Hindi ba’t mas gusto ng Diyos na makitang nasa kaayusan ang ating puso’t kaluluwa kaysa sa ganda o laki ng bitbit nating alay natin para sa Kanya (Mat 9:12)?

Isa marahil sa batayang pwedeng gamitin upang masabing mayroon tayong matatag na relasyon sa Diyos ay ang kalinisan ng ating puso at kaluluwa.

Kaya nga sa ating Unang Pagbasa (Exo 20:1-3.7-8.12-17), maririnig nating ang Kanyang mga kautusan ay magsisilbing gabay sa ating buhay upang maipakitang Siya ang Panginoon natin. Ang Kanyang kautusan ay hindi simpleng utos. Bagkus, ito ay nagsisilbing gabay patungo sa Kanya. Sa pamamagitan ng mga ito, masisiguro nating ginagawa natin ang mga bagay ayon sa Kanyang kalooban.

Dahil Siya ang Diyos natin, nagsisikap tayong sundin ang Kanyang kalooban …  Dahil Siya ang Diyos natin, iniiwasan nating magmura … Dahil Siya ang Diyos natin, iniiwasan nating tumingin ng mahalay sa iba.

Ang Templo (Unang Pagbasa) at ang Kautusan (Ikalawang Pagbasa) ay nagpapakilala sa atin ng kalooban ng Ama. Hindi tayo magkakamali kung sa pamamagitan nito, inaasam nating masumpungan ang Kanyang kalooban.

Ngunit hindi lamang sa dalawang ito natin masusumpungan ang Diyos. Sa Salitang nagkatawang-tao—ang ating Panginoong Hesus—masusumpungan natin ang Diyos. Sa pamamagitan Niya, malalaman natin sa Kanya ang kalooban ng Ama.

Ngunit saan natin Siya makikita?

Nang Siya ay umakyat sa langit, pinagpatuloy ng Simbahan ang Kanyang misyon. Itinuro nito ang Kanyang Salita, at naging tagapag-ingat ng sakramentong patuloy na nagdudulot ng biyaya sa bawat isa.

Sa sakramento ng kumpisal, nakakaranas tayo ng pagpapatawad na hindi matatawaran. Sa Eukaristiya, nabubusog tayo ng Kanyang Katawan, ng Kanyang Salita.

Sa pamamagitan ng Simbahan, nasusumpungan natin ang kalooban ni Kristo. Dito, masasalamin ang walang hanggang pag-ibig ng Ama sa sangkatauhan. Katulad ng paglilinis ng Panginoon sa templo sa Ebanghelyo natin ngayon, totoong kinakailangan pa rin ng patuloy na pagdadalisay ng Simbahang nakikipaglakbay sa bawat isa sa atin. At kahit na hindi perpekto ang mga taong namumuno sa kanya, hindi pababayaan ni Kristong masira ang Simbahang Siya mismo ang nagtatag nito.

Nawa’y ang panahon ng Kwaresma ay patuloy na magbigay ng inspirasyon sa ating hanapin ang Ama sa mga lugar kung saan natin Siya madalas matagpuan. At makapagdulot din tayo ng inspirasyong makapagdala ng iba dito. Ngunit magiging posible lamang ito kung ang bawat isa sa atin ay makikipagtulungan kay Kristo sa paglilinis ng templong itinatag Niya sa bawat isa sa atin.

At kung mangyayari ito, sa atin mismo masusumpungan ng iba ang Panginoon.

Makinig tayo sa Kanya

Ika-2 Linggo ng Kwaresma—Taon B
01 Marso 2015

image

Ang Diyos ay hindi lang naman nangungusap sa bundok. Siya rin ay kasama natin sa araw-araw nating pamumuhay. Nangungusap Siya sa karanasan natin, sa mga taong nakakasalamuha natin. Bumubulong Siya sa atin kapag may mga pinagdadaanan tayo. Lagi siyang handang makinig sa atin. Likhang sining ni Mark Anthony Ramos.

Sa Biblia, ang bundok ay lugar ng tipanan ng Diyos at tao. Matatandaang sa bundok ng Sinai binigay ng Diyos ang Kautusan kay Moses (Exodo 19:18). Sa isa sa mga bundok naman ng lupain ng Moriah inialay ni Abraham ang kanyang anak na si Isaac (Genesis 22:2). At sa bundok ng Carmel pinamalas ng Diyos ang kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ni Propeta Elias laban sa mga bulaang propeta (1 Hari 18:38).

Ngayong Linggo, masasaksihan natin na sa isa ding bundok magaganap ang isa sa mahahalagang kabanata sa buhay ni Hesus: ang Kanyang pagpapanibagong-anyo (Marcos 9: 2-10).

Sa bundok Tabor, nasaksihan mismo ng tatlo sa Kanyang mga tagasunod kung paano “Nagningning ang kanyang kasuutan na naging puting-puti, anupa’t walang sinumang makapagpapaputi nang gayon” (Mc 9:3).

Kakaiba ang naganap na iyon sa Panginoon, kaya nga nang makita ni San Pedro sa Hesus, hindi na niya nalalaman ang kanyang sinasabi sapagka’t masyado siyang natakot at maging ang kanyang mga kasama.

Ngunit hindi rin maikakaila na lubha silang nabighani sa namalas nilang kaluwalhatian ng ating Panginoon kung kaya’t naibulalas niyang “Guro, mabuti pa’y dumito na tayo. Gagawa po kami ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.”

‘Mabuti pa’y dumito na tayo’

Hindi nga ba’t may mga pagkakataon sa ating buhay na damang-dama din natin ang Panginoon at ayaw na nating matapos pa ang karanasang itong? Pwedeng ito ang karanasan natin noong huli tayong nag-retreat. At sa pakiwari natin, nasa tabi natin ang Diyos, at kung tayo ang papapiliin, gusto din nating tularan si San Pedro na sambitin ang mga katagang “Guro, mabuti pa’y dumito na tayo.”

Ngunit mababatid nating hindi mananatili si Hesus at ang Kanyang mga alagad sa bundok. Bababa din sila sa kapatagan.

Kung tunay ang pagkakasumpong natin sa Diyos, masusubok ito sa mga pagkilos na gagawin natin. Mas naging maawain ba tayo pagkatapos ng karanasang iyon kasama ng Panginoon? Mas naging mapagpatawad ba tayo?

Magandang gawing palaisipan kung bakit natin hinahanap ang Panginoon. Dahil ba ito sa sarap ng pakiramdam na natikman natin habang kapiling Siya? Gusto lang ba natin ang ginhawa ng pakiramdam kung kaya tayo nananalangin sa Diyos?

Sa unang pagbasa (Genesis 22:1-2.9.10-13.15-18), mababatid nating hindi ganito kasarap at kaginhawa ang naging karanasan ni Abraham nang makadaupang palad niya ang Diyos. Humarap siya sa isang mabigat na pagsubok. Mantakin mo nga namang matapos niyang maghintay nang napakatagal na panahon upang mabiyayaan ng anak, kukunin din ito sa kanya.

Ngunit, hahangaan nating tunay si Abraham sa tindi, lalim, at tibay ng pananampalataya niya sa Ama.

Kung susuriin, sa buong eksena ng pagsubok sa kanyang katapatan, wala siyang salitang binitiwan. Hindi siya nagreklamo, ni isang tanong, wala siyang sinambit. Ngunit ang kanyang pagtalima sa kagustuhan ng Ama ay dumadagundong na halimbawa ng katapatan, pag-ibig at pananampalataya.

Sa ikawalang pagbasa (Ro 8:31-34), ganito rin ang tinutumbok ni San Pablo sa kanyang pagpapaalala sa ating magtiwala sa Ama.

Binigyang diin niyang hindi naman nawalan ng anak si Abraham; sinubukan lamang siya ng Ama. Ngunit iba ang kuwento ng Diyos na hindi lamang inialay ang Kanyang nag-iisang Anak tulad ng sa paraang paghahandog ni Abraham–pinatay ang Kanyang Anak sa isang karumal-dumal na paraan, sa paraang ginagawa sa mga taong tinuturing na mga kriminal.

Kaya nga ang tanong ni San Pablo: “Kung naipagkaloob niya sa atin ang kanyang Anak, hindi ba Niya ipagkakaloob sa atin ang lahat ng bagay, kasama ng kanyang Anak?”

Ang Diyos ay hindi lang naman nangungusap sa bundok. Siya rin ay kasama natin sa araw-araw nating pamumuhay. Nangungusap Siya sa karanasan natin, sa mga taong nakakasalamuha natin. Bumubulong Siya sa atin kapag may mga pinagdadaanan tayo. Lagi siyang handang makinig sa atin.

Pero ganoon din ba tayo sa Kanya?

Ang Pagsusulit kay Kristo

Pagninilay sa Unang Linggo ng Kwaresma—Taon B
20 Pebrero 2015

“Noong panahong iyon, si Hesus ay agad pinapunta ng Espiritu sa ilang. Nanatili siya roon nang apatnapung araw, na tinutukso ni Satanas.” (MC 1:12-13) Likhang sining ni Mark Anthony Ramos.

“Noong panahong iyon, si Hesus ay agad pinapunta ng Espiritu sa ilang. Nanatili siya roon nang apatnapung araw, na tinutukso ni Satanas.” (MC 1:12-13) Likhang sining ni Mark Anthony Ramos.

Marami sa ating pamilyar sa kuwento ni Noah na kinailangang gumawa ng arko sapagkat isang malaking baha ang darating upang linisin ang kasalanan sa mundo.

Sa Unang Pagbasa ngayong Unang Linggo ng Kwaresma (Gen 9:8-15), maririnig natin ang pakikipagkasundo ng Panginoon sa tao at maging sa lahat ng nilikha sa mundong mayroong buhay. Kailan pa man, hindi na Niya muling gugunawin ang mundo.

Kung ang tubig ay naging isang elementong sumira sa masasama sa aklat ng Genesis, ang tubig din ang naging dahilan ng ating kaligtasan nang tayo ay binyagan.

Sa Unang Linggo ng Kwaresma, hinihikayat tayo ng Simbahang balikan ang kabanata ng ating buhay nang tayo ay binyagan at suriin kung paano natin pinananatili at pinagtitibay ang pangakong ito sa Panginoon. At kung may mga pagkakataong nakagawa tayo ng mga bagay na kabaligtaran ng pangakong ito, nawa’y ang panahon ng Kwaresma ay maging daan upang mahanap natin ang daan pabalik sa Panginoon.

Sa Ikalawang Pagbasa (1 Ped 3:18-22), isinaad ni San Pedro na ang binyag ay hindi lang isang simpleng paglilinis ng dumi ng katawan, kalakip nito ang isang pangako sa Diyos na galing sa isang malinis na budhi, kunsyensyang malayasa kasalanan.

Nang tayo’y binyagan, hindi tayo pinagkalooban ng agimat. Miminsang nahugasan ng tubig ng binyag, hindi ibig sabihin nito na hindi na tayo tatablan ulit ng kasalanan. Sa karanasan natin bilang binyagan, hindi lamang tayo minsanang naharap sa tukso, at malamang, hindi din lamang tayo miminsang naigupo nito.

At marahil nagtatanong tayo, ano nga ba ang silbi ng tubig ng binyag na naghugas sa atin sa kasalanan kung wala namang magagawa ito upang ipagsanggalang tayo sa kasalanan?

Sa tagpo ng Ebanghelyong matutunghayan natin ngayong Linggo (Mc 1:12-15), masusumpungan natin ang sagot sa karanasan ng ating Panginoon: ang Kanyang pagsusulit sa ilang.

Payak ang detalyeng binigay sa atin ni San Marcos hinggil sa karanasan ni Hesus. Sa katunayan, dalawang maiikling mga berso lang ang inilaan niya upang ilarawan ang kabanatang ito sa buhay ng ating Panginoon—wala ang makukulay na bahagi na nakahiligan nating basahin sa bersyon ni San Mateo at ni San Lucas.

Ngunit kahit na ganoon, ang buong mensahe ay naihatid sa atin ni San Marcos: Si Hesus man din ay kinailangang danasin ang karanasang maharap sa isang pagsubok.

Hindi man natin alam kung ano ang pagsubok na binigay ni Satanas kay Hesus, ngunit dahil lahat naman tayo ay may kanya-kanyang karanasan ng maharap sa pagsubok, mayroon tayong ideya kung ano ang pinagdaan ni Hesus sa loob ng apatnapung araw na pamamalagi Niya sa ilang.

Magugunitang sa Lumang Tipan, unang nakadaupang-palad ng mga Israelita ang Panginoon sa ilang. Dito nila unang naranasan kung paano sila kinalinga ng Panginoon laban sa mga Egipciong umalipin sa kanila. Ang ilang ay isang paalala sa kanila—at maging sa atin na rin—na mamuhay nang may katapatan sa ating mga pangako nang tayo’y binyagan.

Alam nating hindi natatapos ang panunukso sa ating gawin ang masama at kalimutang gawin ang mabuti matapos tayong binyagan.  Ang ating Panginoon din ay dumanas na subukan, ngunit hindi Siya naigupo nito. Magagawa nating sundan ang Kanyang yapak kung gugustuhin natin. Dahil nang tayo’y binyagan, tinanggap natin ang Espiritu na hinding hindi kailanman tayo pababayaan.

Noong Miyerkules ng Abo, sinimulan natin ang ating apatnapung araw na paglalakbay sa panahon ng Kwaresma. At ngayong unang Linggo ng Kwaresma, binibigyan tayo ng isang magandang pagkakataon upang magnilay sa kahulugan ng ating binyag noon, kung ano na ang ibig sabihin sa atin nito ngayon, at kung paano natin ito patuloy na maisabubuhay at mapagtitibay, lalong higit sa panahong ito ng Kwaresma.